Monday, August 17, 2020

WALANG PANGINOON

Walang Panginoon

ni Deogracias A. Rosario


Nang makita ni Marcos sa kanilang lumang orasan na ang mahabang hintuturo ay malapit nang sumapit sa ika-12, samantalang nakapako na sa ika-8 ang maikling daliri, hindi niya malaman kung saan siya magtutungo. Isiniksik niya ang kanyang ulo kahit saan, saka ang dalawa niyang hintuturo ay ipinasak sa mga butas ng kanyang tainga. 


Ayaw niyang marinig ang animas. Ayaw niyang mapakinggan ang malungkot na palo ng bakal sa malaking kampanang tanso sa kampanaryo ng simbahan sa kanilang bayan. 


Gayunpaman, kahit saan siya magsiksik, kahit na saan siya magtungo, kahit na anong  gawin niyang pagpasak sa kanyang tainga ay lalong nanunuot sa kanyang pandinig ang malungkot na tinig ng batingaw. "Tapos na ba? Tapos . . ." ang sunud-sunod niyang tanong na animo'y dinadaya ang sarili kung wala na siyang nauulinigang anumang taginting ng kampana. ' 


"Tapos na. Tapos . . ." ang sunud-sunod namang itinugon ng kanyang ina na paniwalang-paniwalang hindi nga niya naririnig ang malungkot na animas. 


"Ngunit, Marcos . . .” ang baling uli ng matandang babae sa anak. "Bakit ayaw mong marinig ang oras na ukol sa kaluluwa? lya’y nagpapagunita sa mga taong dapat mag-ukol ng dalangin sa ikaluluwalhati ng mga kaluluwang nasa kabilang-buhay. Lalo ka na, Marcos, marami kang dapat ipagdasal. Unang-una'y ang iyong ama, ikalawa'y ang kapatid mong panganay, ikatlo'y ang kapatid mong bunso, saka . . . saka si Anita." Ang huling pangalan ay binigkas na marahan at madalang ng matandang babae. 


Si Marcos ay hindi kumibo. Samantalang pinangangaralan siya ng kanyang ina, ang mga mata niyang galing sa pagkapikit kaya't nanlalabo pa at walang ilaw ay dahan-dahang sinisiputan ng ningas. Saka manlilisik at mag-aapoy. 


Hindi rin siya sumasagot. Hindi rin siya nagsasalita. Subalit sa kanyang sarili, sa kanyang dibdib, sa kanyang kaluluwa ay may nangungusap, may nagsasalita. 


Dahil din sa kanila, lalung-lalo na kay Anita, ayaw kong marinig ang malungkot na tunog ng batingaw,‘ ang sinasabi ni Marcos sa sarili. Kinagat niya ang kanyang labi hanggang sa dumugo upang di ipahalata sa ina ang pagkukuyom ng kanyang damdamin. 


Akala ng ina'y nahulaan niya kung ano ang nasa loob ni Marcos. Sa wari ng matanda ay nababasa niya sa mga mata ng anak ang lihim ng puso nito. Naisip niyang kaya nalulungkot si Marcos ay sapagkat hindi pa natatagalang namatay si Anita, ang magandang anak ni Don Teong, may-ari ng lupa nilang binubuwisan. Nalalaman ng ina ni Marcos na lahat ng pagsisikap nito sa bukid, lahat ng pag-iimpok na ginawa nito upang maging isang ulirang anak-pawis ay ukol kay Anita. At saka namatay! Nararamdaman din ng ina ni Marcos kung gaano kakirot para sa kanyang anak ang gayong dagok ng kasaman. Dapat ngang maging malungkutin ang kanyang anak, ito ay kanyang ibig na libangin. Ito ay nais niyang aliwin. Kung maaari sana'y mabunutan ng tinik na subyang sa dibdib ang kanyang anak. 


"Lumakad ka na, Marcos, sa kubo nina Bastian. Tila may belasyon sila. o, baka kailanganin ang mabuting mang-aawit at manunugtog ng gitara," ang sabi ng ina. 'Walang pagsalang masasayahan ka roon." 


“Si lnang naman," ang naibulalas na lamang ni Marcos. Iyan lamang ang kanyang nasasabi nang malakas. Sa kanyang sarili'y naidugtong niya na hindi masusukat ng kanyang ina kung gaano ang pait para sa kanya ng pagkamatay ni Anita, palibhasa'y at lingid sa kaalaman ng matanda ang tunay na nangyari sa pagkamatay nito. 


"Kung nalalaman lamang ni Inang ang lahat.’ ang nasabi niya uli sa kanyang sarili samantalang minamasdan niya ang isang bituin sa may tapat ng libingan ng kanilang bayan, na ipinalalagay niyang kaluluwa ni Anita," disi'y hindi ako itataboy sa kasayahan." 


Pinag-uusapan ng mag-ina nang umagang yaon ang malaki nilang kapalaran sapagkat mabuti ang lagay ng tanim nilang palay. nang isang utusan sa bahay pamahalaan ang dumating na taglay ang utos ng hukumang sila'y pinaaalis sa kanilang lupang kinatatayuan. at sinasamsam ni Don Teong na ama ni Anita, ang lahat ng lupang kanilang sinasaka. 


"Inang, matalim ba ang itak ko?" ang unang naitanong ng anak sa ina matapos matunghayan ang utos ng hukuman. 


'Anak ko!' ang palahaw na panangis ng matandang babae. sabay kapit sa leeg ng anak." Bakit ka mag-iisip nang gayon, sa tayo na lamang dalawa ang nabubuhay sa daigdig?"


Ang tinig ng matanda ay nakapagpalubag sa loob ng binata. Gayon man, sa harap ng bagong pithaya ng may-ari ng lupang kanilang binubuwisan, ay isa-isang nagbabalik sa alaala niya ang malungkot na kasaysayan ng lupang kanilang sinasaka. 


Ang sabi'y talagang sa kanunu-nunuan ng kanyang ama ang naturang lupa. Walang sinumang sumisingil sa kanila ng buwis at walang sinumang nakikialam sa anumang maging bunga ng kanilang mga tanim, maging mais o tubo o kaya'y maging ano man sa mga gulay na tanim nila sa bakuran. 


Subalit nang bata pa ang kanyang ama ay may nagpasukat ng lupa na sinasabing kanila. Palibhasa'y wala silang maibayad sa manananggol, ang pamahalaan ay nagkulang ng pagmamalasakit sa kanilang karalitaan upang tangkilikin ang kanilang katwiran at karapatan. Sa wakas ay napilit silang mabuwisan nang di nila makuhang umalis doon. 


Noong bata pa si Marcos, ang bayad nila ay isang salapi lamang isang taon sa bawat ektarya ng lupang kanilang slnasaka. Subalit habang nagtatagal ay unti-unti na silang nababaon sa pagkakautang sa may lupa dahil sa mga kasunduang ipinapasok sa pana-panahon, gaya ng takipan at talinduwa. 


Kaya namatay ang ama ni Marcos ay dahil din sa malaking sama ng loob kay Don Teong. Ang kapatid niya ay namatay dahil sa paglilingkod sa bahay nito, at higit sa lahat, nalalaman niyang kaya namatay si Anita ay sapagkat natuptop ng amang nakipagtagpong minsan kay Marcos sa loob ng halamanan, isang gabing maliwanag ang buwan. 


Saka ngayo'y paaalisin naman sila sa kanilang bahay at Iupang binubuwisan? 


Si Anita ay lihim na naging kasintahan ni Marcos, mahigit nang isang taon noon. Sapul nang dumating si Anita sa kanilang bayan buhat sa pag-aaral sa isang kolehiyo ng mga madre sa Maynila, si Marcos ay nagsimpan na ng malaking pag-ibig sa kanya. Alam ni Marcos ang kanyang kalagayan na halos ay lumaki sa ibabaw ng kalabaw at sa pagtikin sa kanilang lamo sa ilog.


Si Marcos ay natapos lamang ng katesismo sa eskwelahan sa silong ng kumbento sa kanilang bayan at natutong sumulat sa pisara ng malalaking numero. Ngunit gayon man, nagsikap siyang idilat ang kanyang mga mata sa liwanag ng kabihasnan at pagkaunlad. Katutubo kay Marcos ang hilig sa pagkatuto sapagkat sa pag-anib niya sa mga samahang pambayan ay natuklasan niyang walang mabuting paaralan kundi ang pahayagan. Walang aklat, walang pahayagan at lingguhan sa sariling wika na hindi binabasa ni Marcos. Kahit manghiram lamang kung wala siyang ibili. Nagbabasa rin siya ng mga nobela at ibang akdang natututuhan niya sa wikang Tagalog, o kaya ay salin sa wikang ito. 


Lalo na nang magsimpan siya ng pag-ibig kay Anita. wala siyang inaalagata sa kanyang buhay kundi ang balang araw ay maging karapat dapat sa mga kamay ng anak ni Don Teong na may-ari ng lupa nilang sinasaka. Isa pa’y bukod sa naniniwala siya sa kasabihang “ang lahat ng tao kahit hindi magkakulay ay sadyang magkakapantay," at tinatanggap din niya ang palasak na kawikaang, “ang katapat ng langit ay pusalian.’ Dahil diyan kaya kahit bahagya ay hindi siya nag-atubili ng pagsisimpan ng pag-ibig kay Anita. 


At naibig naman siya ng anak ni Don Teong. Bakit hindi siya maiibig? Minsan si Anita ay namangka sa kanilang ilog, gumiwang ang bangka at nahulog sa tubig. Si Marcos noon ay nasa lamo at lihim niyang sinusundan ang bakas sa tubig ni Anita. Nang makita niya ang malaking sakuna ay lumundag siya sa ilog at sa pamamagitan ng langoy na hampas-tikin ay inabot niya si Anita na kumakamot na sa ilalim ng ilog. Matapos niyang kalawitin ng kaliwa niyang bisig sa may baba ang dalaga ay bigla niyang ipinadyak ang dalawa niyang paa sa ilalim kaya't pumaibabaw sila, at sa tulong ng pagkampay ng kanyang kamay at pagtikad ng dalawang paa ay nakasapit sila sa pampang. 


"Marcos, matagal na rin naman kitang iniibig," ang pagtatapat ni Anita sa binata, makaraan ang may ilang buwan buhat nang siya'y mailigtas. 


Tatlumpung araw ang taning sa mag-ina upang lisanin ang lupang gayong ang sabi ay an' ng kanilang mga ninuno ay binubuwisan na nila at sinasamsam pa ngayon. At saka silang mag-ina ay itataboy. Sino ang hindi magdadalangpoot sa gayong kabuktutan? 


Dahil sa kanyang ina, natutong magtiim si Marcos ng kanyang mga bagang. Kinagat niya ang kanyang mga labi upang huwag masabi ang kanyang galit. Kinuyom niya ang kanyang mga kamay hanggang matimo sa palad niya ang kanyang mga kuko. 


Isang takipsilim nang marinig niya sa kampanaryo ng kanilang simbahan ang malungkot na agunyas. Una muna ang malaking kampana saka sumunod ang maliit. Bang! Tang! Tang! Babae ang nalagutan ng hininga. Maliit naman ang kanilang bayan upang malihim pa kung sino ang binawian ng buhay. Wala siyang nalalamang may sakit kundi si Anita. Dahil sa pagkakatutop sa kanila isang gabi, ang dalaga ay sinaktang mabuti na ayon sa sabi ng nagbalita kay Marcos ay mata lamang ang walang latay. 


Buhat noon ay nagkasakit na si Anita. Araw-araw ay tumatanggap si Marcos ng balita at nang tangkain niyang dumalaw na minsan ay hinarang siya ni Don Teong na may hawak na rebolber. Susuong din sana si Marcos subalit nagdalawang-loob siya. Maaaring maging dahilan iyon ng bigla pang pagkamatay ng kanyang iniibig, bukod sa magiging subyang sa kanyang ina kung siya ay mawala. 


Ang huling dagok na ito sa kanya ni Don Teong ay isinama lamang niya sa talaan ng pagmamalupit sa kanya ng mayamang may-ari ng Iupa kanilang binubuwisan. Pang-aagaw ng lupa sa kanila. Pagpapautang na patung-patong. Pagkamatay ng kanyang ama. Pagkamatay ng kanyang kapatid. At saka noo’y pagtatangka pa sa kanyang buhay. Pinakahuli nga ang pagkamatay nang tuluyan ni Anita, na ayon sa balita niya'y nalagutan ng hininga na siya ang tinatawag. Saka nitong huli ay pagpapaalis sa kanilang lupang kinagisnan at pinagyaman sa tulo ng kanilang pawis na mag-anak 


Ngunit si Marcos ay isang manggagawang hubog sa pagtitiis. Naging maluwag nga ang kanyang dibdib sa pagtanggap ng pang-aapi ng may lupa. Hanggang noong bago mamatay si Anita, akala niya'y maaari pa siyang makalunok ng bagong pag-upasala ng itinuturing niyang panginoon. Datapwat nang tanggapin niya ang utos ng hukuman na pinaaalis sila roon, talagang nagdilim ang kanyang isip. Noon pa'y naisip na niyang gawing batas ang kanyang kamay, yamang hindi na niya matatamo ang katarungan sa hukuman ng mga tao. 


"Huminahon ka, anak ko," ang sabi ng kanyang ina." Hindi natutulog ang Bathala sa mga maliliit. Magtiis tayo." 


Hindi na niya itinuloy ang paghanap sa kanyang itak na matalas. Pagkakain niya ng agahan, nilibang niya ang kanyang ina saka lumabas sa bukid. Gaya rin ng dati'y sinakyan niya ang kanyang kalabaw na lalong mahal niya sa lahat ng limang alaga niya. Lumabas siya sa bukid at hinampasan niya ng tanaw ang malawak na bukiring animo ay isang karagatan ng namumulang ginto. Pagdaramdam at panghihinayang ang ngumangatngat sa kanyang puso. Gaanong pawis ang nawala sa kanya upang masaka ang naturang bukid? Gaanong pagod ang kanyang pinuhunan upang ang palay nila'y magbungang mabuti? Saka ngayo'y pakikinabangan at matutungo lamang sa ibang kamay.? 


Napapalatak si Marcos sa ibabaw ng kanyang kalabaw. Ibig man niyang pagdimlan ng isip kung nagugunita ang utos ng hukuman, subalit ang alaala ng kanyang ina'y walang iniwan sa bahagharing sumusugpo sa nagbabalang unos. Dadalawa na lamang sila sa daigdig at ayaw niyang pabayaan ang kanyang inang pinangakuan niyang hahandugan ng kaligayahan ang nalalabing buhay, bago nalagutan ng hininga ang kanyang ama.


Dahil nga sa kanyang ina, naisip niya ang kabutihan kung sila ay nagsasarili. 'Tutungo tayo sa hilaga at kukuha ng homestead. Kakasundo tayo ng mga bagong magsasaka, paris ni Don Teong, kailangang magkaroon din ako ng gayak na paris niya." 


Kabalintunaan man ang sinasabi ng anak ay hindi na nag-usisa ang ina palibhasa ay nababatid niyang sa dibdib ng binata ay may isang halimaw na natutulog na hindi dapat gambalain upang huwag magising. Wala siyang nalalaman kundi tuwing takipsilim, kung nakaligpit na ang mga tao sa nayon, ang buong kagayakan ay isinusuot ng kanyang anak saka lumalabas sa bukid. May dalawang linggong gayon nang gayon ang ginagawa ni Marcos hanggang isang araw ay tawagan siya ng pansin ng matanda. 


“Marcos,” sabi ng matanda. “Dalawang Iinggo na Iamang ang natitira sa ating taning ay hindi mo pa ginagawa ang pakikipagtuos kay Don Teong . .. kung may magiging sukli man Iamang tayo sa ating ani ngayon?" 


"Huwag po kayong mabahala, Inang,” sabi ng mabait na anak. “nalalaglag po ang dahon sa kanyang kapanahunan." 


Talinghaga na naman ang sinabi ni Marcos. Gayunman ay may nagunita siyang isang bagay na ibig niyang malaman sa anak. 


"Bakit hindi mo iniuwi ang kalabaw sa bakuran?" Tinutukoy niya ang kalabaw na mahal na mahal sa lahat ni Marcos. Maaaring magpakahinahon si Marcos, subalit ang huling kapasyahan ni Don Teong ay nagnakaw ng lahat ng kanyang pagtitimpi. Ayaw niyang gumamit ng dahas, subalit hinihingi ng pagkakataon. 


Nagunita niya ang sinabi ni Rizal, na “Walang mang-aalipin kung walang nagpapaalipin.” Napailing siya sa gayong masaklap na katotohanan. Patung-patong na ang ginagawang pamamaslang sa kanya ni Don Teong, talagang dapat nang kalusin. Nagunita rin ni Marcos ang marami pang ibang kasama, katulad din niya, na sa kamay ng mayamang si Don Teong ay walang iniwan sa mga leeg ng manok na unti-unting sinasakal hanggang makitil ang hininga sa hangad na mahamig na lahat ang kanilang kayamanang gayong minana sa kanilang mga ninuno ay iba ngayon ang may-ari at nagpapabuwis pa. 


“Kailangang maputol ang kalupitang ito!" ang tila pagsumpa sa harap ng katalagahan na ginawa ni Marcos. 


"Bakit ka bumili ng pulinas, gora, suwiter, at latigo, anak ko?” ang tanong ng matanda kay Marcos, isang araw na dumating siyang pagod na pagod sa naturang dala-dalahan. 


“lnihahanda ko po iyan sa pagiging panginoon natin, paris ni Don Taong? ang nakatawang sagot ng anak. "Kung tayo po ay makaalis na rito, di tayo'y magiging maligaya,' ang tila waIa-sa-loob na tugon ng anak. 


Ang totoo, ang naturang kalabaw ni Marcos ay nakapugal sa hangganan ng lupang sarili ni Don Teong. Kung takipsilim ay isinusuot na lahat ni Marcos ang pulinas, ang gora. at suwiter, saka dala ang latigong katulad ng pamalo ni Don Teong. Pagdating niya sa pook na kinapupugalan ay saka aasbaran ng palo ang kalabaw hanggang sa ito'y umungol na ang alingawngaw ay abot hanggang kalagitnaan ng bayan. Kung di niya makikitang halos apoy ang lumalabas sa dalawang mata ng hayop ay hindi pa niya ito titigilan. Sa gayon ay matulin siyang nagtatago upang umuwi na siya sa bayan. Kung dumarating siya'y dinaratnan niya ang kanyang inang matuwid ang pagkakaluhod sa harap ng isang maitim na Santo Kristo sa kanilang silid na naiilawan ng isang malaking kandila. 


"Salamat, anak ko, at dumating ka," ang sasabihin na lamang ng matanda. "Akala ko'y napahamak ka na." 


Si Don Teong ay may ugaling maglibot tuwing hapon sa paligid-ligid ng kanyang lupa. Ang ipinanganganib ng ina ni Marcos ay baka magkasalubong si Marcos, ang kanilang panginoon, at hindi makapagpigil ang sinuman. Nalalaman din ng matandang babae na laging may dalang rebolber sa baywang ang mayamang asendero buhat ng magkaroon ng alitan dahil sa lupa. kaya lagi niyang inaalaala ang pag-alis-alis ni Marcos. 


Subalit isang hapon. samantalang payapang inihahanda ng mag-ina ang kanilang pag-alis, walang iniwan sa putok ng bulkan ang balitang kumalat sa bayan na si Don Teong ay namatay sa pagkasuwag ng kalabaw. Sinabi ng mga nakakita na pagkakita pa lamang ng kalabaw kay Don Teong ay tila may sinisimpang galit sapagkat bigla na lamang sinibad ang mayamang matanda at nasapol ang kalamnan sa sikmura ng matulis na sungay ng hayop. Pagkasikwat sa katawan ng asendero ay tumilapon pa sa itaas at paglagpak ay sinalo naman ng kabilang sungay. 


Ang katawan ni Don Teong ay halos Iasug-lasog nang iuwi sa bayan at wasak ang suwiter sa katawan at saka pulinas. Kumilos agad ang maykapangyarihan upang gumawa ng kailangang pagsisiyasat subalit ang lahat ng matuwid ay nawalan ng halaga sa hindi kumikilos na ayos ng kalabaw na animo ay wala sa loob ang ginawa niyang napakalaking pagkakasala. 


Nang malamang kay Marcos ang kalabaw, bawat isa ay nagkatinginan. Hindi nila malaman kung papano'ng ang poot ni Marcos kay Don Teong ay nagtungo sa alaga niyang hayop. 


Si Marcos ay nakatingin din sa orasan ng gabing yaon. Tatlong minuto na lamang ang kulang sa ika-8 ng gabi. Hindi siya gumagalaw. Hindi siya nababahala. 


Tumugtog ang animas. Hindi na gaya ng dating ayaw niyang marinig. Sa halip na idalangin ang mga kaluluwa ng mga namatay, ang naisip niya ay ang matapang niyang kalabaw. 


“Mapalad na hayop na walang panginoon," ang kanyang naibulong. 


Sanggunian: http://markjan-markjan.blogspot.com/2009/11/walang-panginoon-ni-deogracias-rosario.html