Alamat ni Bernardo Carpio
Noong panahong nasasakop pa ng mga Espanyol ang Pilipinas, may mag-asawang naninirahan sa paanan ng bundok ng San Mateo, Rizal. Mahirap lamang sila. Mabait, masipag, matulungin, at maka-Diyos ang mag-asawa. Hindi sila agad nagkaanak kahit matagal na silang nagsasama. Kahit na wala pa silang anak, masaya sila sa kanilang buhay. Tinutulungan at inaaruga nilang parang tunay na anak ang mga bata sa kanilang pook.
Hanggang dininig ni Bathala ang kanilang panalangin na magkaroon ng sariling anak. Biniyayaan sila ng isang malusog na sanggol na lalaki. Ang sanggol naman ay biniyayaan ni Bathala ng pambihirang lakas at kisig na simbolo ng tibay ng pananalig at kagandahang loob na ipinamalas ng kaniyang mga magulang.
Nagmungkahi sa kaniyang mga magulang ang Espanyol na pari na nakakita at humanga sa lakas at kisig ng sanggol na pinangalanang Bernardo Carpio. Hinango ang pangalang Bernardo kay Bernardo de Carpio, isang matapang, bantog, makisig, at maalamat na mandirigma sa bansang Espanya.
Lalong naging kagila-gilalas ang taglay na pambihirang lakas ni Bernardo habang siya ay lumalaki. Kapag isinasama naman si Bernardo ng kaniyang ama sa pangangaso ay parang walang anuman na binubunot niya ang ilang mga puno sa kanilang daraanan upang makagawa ng daan sa kagubatan ng San Mateo.
Kung ano ang magulang ay gayundin si Bernardo. Siya ay mabait at matulungin sa tao man o hayop. Matatag rin ang kanyang loob. Minsan, sa kaniyang pamamasyal sa gubat, natanaw niya ang isang kabayong nahulog sa bangin at napilay. Agad niyang pinuntahan ang kabayo. Walang anumang pinasan niya ito patungo sa kanilang bahay upang gamutin at alagaan.
Sa kaniyang pag-aalaga sa kabayo, ang bahagi ng enerhiya ni Bernardo ay dumaloy rito. Mabilis na gumaling ang kabayo. Nagpamalas din ito ng pambihirang lakas at bilis. Dahil sa taglay na lakas at bilis ng kabayo, tinawag niya itong Hagibis.
Samantala, lalong umigting ang pagmamalupit, pagmamalabis, at paninikil ng mga Espanyol sa mga karapatan at kalayaan ng mga Pilipino. Dahil dito, nagpulong ang kalalakihan upang bumuo ng pangkat na magtatanggol sa kanilang inaaping bayan. Napili nila si Bernardo na siyang mamuno.
Nabahala naman ang mga Espanyol nang malaman nilang si Bernardo ang pinuno ng pangkat ng kalalakihang mag-aalsa laban sa kanilang pamamahala.
Lingid sa kaalaman ng mga Pilipino, noong panahong iyon, ang mga Espanyol ay may nahuling isang engkantado na isinasailalim nila sa eksorsismo. Nakipagkasundo ang mga paring Espanyol sa espiritu na sumapi sa engkanto na kapag tinulungan sila na magapi si Bernardo ay ititigil nila ang eksorsismo.
Gayon nga at inanyayahan ng mga Espanyol si Bernardo sa isang pagpupulong. Layunin nito diumano ay dinggin ang karaingan ng mga Pilipino. Lubos namang pinaniwalaan ito ni Bernardo kaya wala siyang pag-aalinlangan sa pagtanggap sa paanyaya. Hindi niya alam na may nakahandang bitag para sa kaniya. Ginamit ng engkanto ang kaniyang agimat upang pag-umpugin ang mga bato nang sa gayo’y maipit at mapatay si Bernardo.
Sa pagkabigla, hindi na nakaiwas si Bernardo. Unti-unti siyang naipit ng nag-uumpugang mga bato bagama't ginamit din niya ang kaniyang lakas upang pigilan ang mga ito.
Samantala, matiyaga namang naghihintay si Hagibis sa may bukana ng yungib sa pagbabalik ni Bernardo. Subalit, sa tagal nang hindi pagbalik ni Bernardo, nakaramdam si Hagibis na may masamang nangyari. Mistulang may isip na agad na tinahak ni Hagibis ang daan patungong kapatagan upang humingi ng tulong sa pangkat.
Natagalan bago maunawaan ng mga kasapi ng pangkat ang kahulugan ng mga halinghing at pag-aalma ni Hagibis. Subalit, nang mapansin nila ang pagkawala ni Bernardo, naisipan nilang sundan si Hagibis na pabalik muli sa paanan ng yungib.
Tinangkang pasukin ng kalalakihan ang yungib ngunit sinalubong sila ng nagbabagsakang mga bato. Ilan sa kanila ay napilay at ang ilan naman ay nasugatan. Napagtanto nilang ang mga nangyayari ay kagagawan ng isang engkanto. Sa takot, bumalik sila sa kapatagan nang hindi naisama o nakita man lang si Bernardo.
Mabilis na kumalat ang kwentong naiipit ng dalawang nag-uumpugang bato si Bernardo. At sa tuwing nagpipilit siyang kumawala ay nagkakaroon ng pagyanig o paglindol sa kabundukan ng San Mateo.