Barbalan
Alamat na Supernatural--Brunei Darussalam
Isinalin sa Filipino ni M.O.Jocson
Nagsimula ang kuwento sa pagdating ng manlalakbay na si Kulop sa isang nayon.
Sa mabuting pagtanggap ng mga tao kay Kulop sa nayong iyon, nakalimutan na niyang bumalik sa sarili niyang nayon. Nakapag-asawa si Kulop ng napakagandang dalaga sa nasabing nayon. Sa matagal na nilang pagiging mag-asawa, hindi pa rin sila nagkakaroon ng anak. Ibig ni Kulop na mag-asawang muli at sumang-ayon naman ang kaniyang asawa. Napangasawa naman niya ang pinsan ng kaniyang asawa.
Kahit kailan ay hindi nag-away ang dalawang asawa at dahil dito ay naging masaya si Kulop. Pantay ang pagtingin ni Kulop sa dalawang asawa. Mangingisda si Kulop na umaalis tuwing gabi at bumabalik kinabukasan na ng umaga. Ipinagluluto at ipinababaon kay Kulop ng dalawang asawa ang pritong isda ngunit iniiwasang pabaunan ng lemon bagam't paminsan-minsan ay humihingi si Kulop nito. Ayon sa dalawang asawa, ang pagkain ng lemon o paggamit nito bilang panimpla sa pagkain ay hindi tinatanggap sa kanilang kultura.
Isang araw, walang kamalay-malay ang dalawang asawa, nagdala si Kulop ng lemon kasama ng pritong isda. Oras na kapag piniga ang lemon at pumatak na sa isda, tiyak na magkakaroon ng katas ng lemon ang kamay at mga daliring ginamit niya sa pagpiga nito. Dahil sa ganitong pangyayari, natakot si Kulop at itinapon ang pagkain. Mula noon, pinagdudahan na ni Kulop na ang dalawang asawa niya ay mga barbalan. Ganoon pa man, hindi niya ito sinabi sa dalawang asawa at sa halip, inilihim niya ito at nangakong magkakaroon siya ng mas malalim na pag-iimbestiga kaugnay ng pangyayaring iyon.
Kinagabihan, nagpaalam si Kulop at nagkunwaring mangingisda. Maaga siyang umuwi upang matyagan ang dalawang asawa.
Samantala, masaya ang dalawang asawa nang umalis si Kulop. Dahan-dahan namang pumanhik si Kulop sa kanilang bahay dahil hindi naman siya nangisda. Tahimik na tahimik ang buong paligid. Nakabukas ang pinto ng kanilang bahay kaya't madali siyang nakapasok dito. Nang nasa loob na siya ng bahay, laking gulat niya sapagkat nakita niya ang mga katawan ng kaniyang mga asawa na putol ang mga ito. Napatunayan ni Kulop na barbalan ang kaniyang mga asawa. Palipad-lipad ang kalahating katawan ng dalawa at naghahanap ng mabibiktima.
Nanatiling tahimik si Kulop at hindi nagpahalata na may natuklasan siya. Sumunod na gabi, humingi siya ng kape na dapat nakalagay sa bote upang mainom raw niya ito nang tuloy-tuloy. Pagkatapos inumin ang kape, binasag niya ang bote, tinipon ang mga bubog at inilagay sa isang lalagyan. Pumasok siya sa loob ng kanilang bahay at binuhusan niya ng mga bubog ang putol na mga katawan ng dalawa niyang asawa. Pagkatapos noon, umalis na si Kulop at umuwi na sa sariling nayon.
Nang magbubukang-liwayway na, nagmamadaling umuwi ang dalawang asawa ni Kulop upang hindi matuklasan ng kanilang asawa ang katauhan nila. Nang pagsasamahin na nila ang kanilang kalahating mga katawan sa kanilang pambabang katawan, napasigaw sila dahil nakita nilang may bubog ang mga ito. Sinubok nang paulit-ulit na pagsamahin ang putol na katawan nila ngunit bigo sila. Umiyak sila nang umiyak at nagsisi sa kanilang ginawa. Naisip nila na natuklasan na ng kanilang asawa ang tunay nilang katauhan kaya bigla siyang nawala.
Sa pagkawala ng kanilang asawa, nangako sila na maghihiganti. Lumipad sila sa iba't ibang nayon ngunit hindi pa rin makita ang asawang si Kulop. Pagbalik nila sa kanilang bahay, nabubulok na ang mga katawan nila. Paglipas ng ilang araw, namatay sila sa matinding sakit na sanhi ng mga bubog na inilagay sa kanilang katawan.
No comments:
Post a Comment