Thursday, November 19, 2020

TALUMPATI

 
TALUMPATI
NG
KAGALANG-GALANG BENIGNO S. AQUINO III
PANGULO NG PILIPINAS
SA PAGLULUNSAD NG LINGGO NG PAMBANSANG AGHAM AT TEKNOLOHIYA

[Inihayag sa SMX Convention Center, Pasay City noong ika-27 ng Hulyo 2011]

Ikinagagalak ko pong maging bahagi ng isang pagtitipong kumikilala sa likas na husay ng mga Pilipino sa agham at teknolohiya. Patunay ang pagdiriwang na ito na ang taglay na pagkamalikhain ni Juan dela Cruz ay may makabuluhang mga bunga, at nakasentro ang kaniyang mga imbensiyon at inisyatiba sa pag-aangat ng antas ng buhay ng kaniyang mga kababayan.

Hindi na bago sa atin ang mga pangalan ng mga Pilipino na nag-iwan ng marka sa larangan ng agham at teknolohiya sa buong mundo. Umpisahan po natin kay Gat Jose Rizal, na gumawa ng isang uri ng lighter na gawa sa kahoy na tinawag niyang sulpukan. Hindi rin maaaring mawala ang pangalang Fe Del Mundo, na lumikha ng isang incubator na yari sa kawayan para sa mga pamayanang walang elektrisidad. At maging sa kasalukuyang panahon, humahagibis pa rin ang hari ng kalsada—ang Jeepney—na isa ring sagisag ng pagkamalikhain at inobasyon ng mga Pilipino. Sino bang mag-aakalang ang mga itinambak na retaso at piyesa ng mga sasakyang pang-militar ng mga Amerikano ay pagmumulan, hindi lamang ng pangkabuhayan, kundi ng mismong kultural na pagkakakilanlan ng ating lahi.

Noon hanggang ngayon, makabuluhan ang naiaambag ng ating malikhaing pag-iisip, hindi lamang para kilalanin tayo sa mundo, kundi para mapangalagaan din ang kapakanan at kaunlaran ng ating mga kababayan.

Sa mahusay na pamumuno ni Secretary Mario Montejo, na talaga naman pong tagapagdala ng good news, kaliwa’t kanan ang mga proyektong tunay nating maipagmamalaki, at magdudulot ng ginhawa sa mga Pilipino.

Isa pong halimbawa: Sino ba ang mag-aakala na ang isang itim na lata na may itim na kahoy at tinimplang organic solution, ay makakatulong sa pagpapababa ng kaso ng dengue ngayong taon? Sa halip na idaan na naman sa palpak na fogging at pagpa-cute na proseso, ang pagtataboy ng lamok, nagpakalat na tayo ng 250,000 mosquito trap para siguruhing ang mismong mga itlog at kiti-kiti ng lamok ay mamamatay. Simple, mura at talaga namang kapaki-pakinabang sa mamamayan: ito ang panibagong kaisipan na tumitimon sa mga imbensyon ng DOST.

Nabalitaan na rin siguro ninyo ang plano ng DOST na masusing pag-aralan ang pagtayo ng monorail system. Ilang taon mula ngayon, sa halip na makipagsiksikan sa siyudad, maaari nang pumasok sa kanilang trabaho sa lungsod ang mga kababayan nating nasa probinsya na hindi alintana ang pagod o mahal na pamasahe. [Applause]

Dagdag pa rito—‘yung tren ho, gusto ninyo, ‘yung mosquito trap hindi? [Laughter]

Alam ho ninyo, there are two million people who work in Metro Manila who have to commute every day to the outlying areas. So that monorail really will help them a lot, and also make possible our efforts towards addressing the informal settlers sector’s problem.

Dagdag pa rito, pinangungunahan na rin ng DOST ang paggamit ng mga landslide sensor na magbabantay sa paggalaw ng lupa para maghatid ng babala kung may peligro sa pagguho; at ang paglikha ng filter na kayang salain ang mga mikrobyo sa tubig na titiyak na ligtas ang inumin ng mga kababayan nating nasa mga liblib na lugar. Nariyan din ang pagtataguyod ng isang telehealth system na magtutulay sa pangangailangang pangkalusugan ng ating mga kababayan sa malalayong lugar sa atin pong mga propesyunal sa pamamagitan ng text, email, o telepono; at ang pagpaparami ng Automated Weather Stations (AWS) na mabilisang makakapagsuri sa lagay ng ating panahon upang malaman agad kung may paparating na bagyo.

Marami pa pong pinagpupuyatan ang DOST para makalikha at mapaunlad pa natin ang ating kapasidad sa larangan ng biotechnology, nanotechnology, genomics, advanced food production technology, at robotics.

Bukod pa sa mga inobasyong pinangunahan ng DOST, nagpakitang gilas din po sa pagkamalikhain ang isang propesor sa Bicol State University. Sa paggamit natin ng tinawag niyang coco coir fiber para tanganan ang lupa at mapigilan itong gumuho, talaga namang nakatipid po tayo ng pondo para sa slope protection ng DPWH. Pinalitan ng coco coir ang dating ginagamit na mas magastos ngunit mas madaling mabitak na gabions at kongkreto. Napatunayan na nga po ang bisa ng inobasyong ito sa mga slope ng SCTEx.

Talaga naman pong nabubuhayan tayo ng loob kapag naririnig natin na lalo pang lumalawak ang ating mga potensyal, na magsisilbing bukal ng pag-asa at kaunlaran para sa maraming Pilipino. Nagpapasalamat ako sa buong hanay ng DOST sa pagtataguyod ng mga adhikain ng gobyerno para sa tuloy-tuloy na pagsulong ng sektor ng agrikultura, kalusugan, edukasyon, seguridad at iba pa.

Pinapasalamatan at binabati ko rin po sina Dr. Lorenza Lirio-Gonzalez at Dr. Luis Rey Velasco sa karangalang inyong tinanggap dahil sa inyong husay sa agham at teknolohiya; at sina Dr. Raul V. Fabella at pati na rin po si Fr. Ben Nebres, na nasa ibang bansa po sa kasalukuyan, na kabilang ngayon sa ating Order of National Scientists. Hindi po sapat ang mga parangal na ito para pasalamatan kayo sa ibinuhos ninyong dedikasyon, upang ang larangan na inyong kinabibilangan ay magsilbing instrumento para mabigyan ng pagkakataong makatamasa ng mas maaliwalas na buhay ang kapwa ninyo Pilipino.

Muli’t muling pinapatunayan ng DOST at ng ating mga binigyang parangal ang husay, talino, at pagkamalikhain ng mga Pilipino—na hindi sa lahat ng pagkakataon, ang kumita lang ng salapi ang motibo para maka-imbento ng produkto at makapagtaguyod ng makabuluhang proyekto. Nawa’y magsilbi kayong inspirasyon, hindi lamang ng mga kabataan, kundi ng lahat ng Pilipino. Sa kabila ng mas mayayamang oportunidad sa larangan ng agham at teknolohiya sa ibang bansa, pinili pa rin ninyong manatili dito sa ating bayan para unahin ang kapakanan at pagsulong ng inyong kapwa.

Kaylaki na nga po talaga ng ipinagbago ng ating bansa. Ginagawa na po natin ngayon ang mga bagay na hindi man lang maabot ng mga pangarap natin dati. Wala na pong dahilan ngayon para matakot tayong mangarap. Manalig po kayong sa patuloy nating pagtutulungan at pagsuporta sa isa’t isa, sama-sama nating maaabot ang ating mga pangarap. Bumubuwelo na po ang ating bayan para sa lalo pa nitong pag-arangkada tungo sa mas maliwanag at maaliwalas na bukas.

Bago po ako magtapos, uulitin ko lang po—baka sabihin naman po ninyo sipsip ako kay Secretary Mario Montejo: Aminin ko po, kaibigan ko po siya. Hindi ho bababa sa 25 years ko na po siya kakilala; pero hindi ko ho maiaangkin na kaklase ko siya—nauna po siya sa akin sa paaralan. Pero, talaga naman po, ano? Uulit-ulitin ko lang ho: ang sa atin, ba’t tayo binabatikos, bakit ako naglagay ng kaibigan o kaklase sa mga iba’t-ibang puwesto? Siguro ho iyong mga pinili ko, ehemplong maganda na, si Mario Montejo, at naitulong na niya sa atin pong bansa.

Siyempre po, kung wala naman po ‘yung kanyang mga kasamahan sa DOST, kawawang cowboy lang ho iyong nangyari kay Mario Montejo. Kaya talagang mabuhay po kayong lahat, at talaga pong malaki ang inaasa ko po sa inyo.

Siguro bago ho ako magtapos, isang kuwento na lang po. Noong una po akong Congressman sa Tarlac, may bumigay pong dike at talagang rumagasa ‘yung tubig na kanyang hinihinto. Sa sobrang bilis ng pagragasa nitong tubig na ito, nakarinig lang ‘yung mga barangay, na kalapit nitong parte ng dike na bumigay, ng ingay, nagising nang kapiraso, nagtalunan ng kanilang mga bahay. Halos wala na pong naisalba doon sa kanilang mga barangay. Sa sobrang bilis nga po, mayroong pong kalabaw ‘yung kapitan ng isang barangay na nakatali po sa isang puno: sa bilis ng tubig, sa lakas ng tubig, ay nabigti po itong kalabaw na nakatali doon sa punong iyon.

At talaga naman pong pagkatagal-tagal na panahon, ‘pag tayo po ay dinadalaw ng hindi na ho bababa sa 23 bagyo kada taon, para bang wala tayong magawa; para bang ‘yung sinasabi nilang puro tiis, puro tiis, puro tiis.

Sa paggamit po ng siyensiya at teknolohiya, inaasahan po natin, mas maaagapan natin ang pagragasa ng masamang panahon, at talagang maililigtas natin ang ating mga kababayan—maibibigyan pa natin ng direksyon kung saan mas may kaparatagan ng loob pag sila ay nagtayo ng kanilang hanapbuhay at tirahan. Doon po, talaga naman pong masabi natin, hindi nakulong sa inyong mga laboratoryo, sa inyo pong mga paaralan, pero talagang nagiging kapakipakinabang sa ating mga kababayan.

Kaya doon po, maraming, maraming salamat po sa inyong lahat.

https://www.officialgazette.gov.ph/2011/07/27/president-aquinos-speech-at-the-launching-of-national-science-and-technology-week-july-27-2011/

No comments:

Post a Comment