Thursday, June 25, 2020

BUOD NG FLORANTE AT LAURA



Sa gitna ng isang malawak na gubat sa labas ng kaharian ng Albanya na nababagtas ng ilog Kositong makamandag ang tubig, ay nakagapos ang isang kaawa-awang tao sa isang puno ng Higera. Siya si Florante, anak nina Duke Briseo at Prinsesa Floresca. Unti-unting pinapanawan ng buhay si Florante dahil ang gubat ay sadyang nakakatakot. Mga mababangis na hayop ang gumagala dito, ang huni ng mga ibon ay nakakalunos at ang malalaking punongkahoy ay tunay na nakakasindak.

Sa isang di sinasadyang pagkakataon, napapunta ang isang Persyanong Moro sa dakong kinalalagyan ni Florante. Ito ay si Aladin, anak ni Sultan Ali-adab, na nagpaka-layu-layo sa sariling bayan dahil sa sama ng loob sa ginawang pang-aagaw ng ama sa kanyang kasintahang si Flerida. Nadinig lahat ni Aladin ang mga panaghoy ni Florante tungkol sa kanyang mga kahirapan at siya ay lubos na naawa. Tinunton niya ang pinanggagalingan ng tinig at nakita ang dalawang leong naka-akmang pumaslang kay Florante. Mabilis na pinaslang ni Aladin ang mga leon. Kinalagan niya ang gapos ni Florante at pinagpilitang pahimasmasan siya. Yayamang dumidilim na noon, dinala ni Aladin si Florante sa may dakong pinasukan nito sa gubat at doon ay magdamag siyang binabantayan. Kinabukasan ay nagkakuwentuhan silang dalawa.

Nagkwento si Florante ng kanyang naging buhay. Kinakitaan daw siya, mula nang pagkabata, ng mga katangiang pangmaharlika; isinalaysay niya kung paano muntik nang madagit siya ng isang buwitre kung hindi lamang napana ito ng kanyang pinsang si Menalipo, na taga-Epiro; binanggit din niya ang paghatid ng isang ibong arkon sa kanyang dibdib ng isang kupidong diyamante. Ipinadala siya sa Atenas upang doon ay mag-aral. Dito ay nadatnan niya si Adolfo, anak ng Konde Sileno na taga-Albanya din, na hinahangaan ng mga guro at mga kamag-aral dahil sa katalinuhan niya at pagka-uliran sa pagkilos at pananalita. Labing-isang taong gulang lamang noon si Florante at si Adolfo ay labing-tatlo na; ngunit sa loob ng anim na taong masugid na pag-aaral, nadaig ni Florante si Adolfo sa karunungan at kagalingan. Hindi naglaon at lumabas ang likas na pagkatao ni Adolfo. Kinasuklaman niya ang mga tagumpay ni Florante. Kaya nga sa isang dulang itinanghal, sa halip na sundin ang hinihingi ng papel, tinotohanan niyang saksakin si Florante. Mabuti na lamang at nailigtas siya ni Menandro, pamangkin ng kanyang gurong si Antenor. Kinabukasan din ay pinauwi si Adolfo sa Albanya.

Namalagi pa ng isang taon si Florante sa Atenas. Samantala, nakatanggap siya ng masamang balita mula sa kanyang ama na namatay ang kanyang mahal na ina. Kahit na siya ay nagdadala ng malaking sama ng loob, hinintay pa niya ang pasiya ng kanyang ama. Dumating lamang ang isang sulat makatapos ang dalawang buwan na nagsasabing umuwi na si Florante sa Albanya.

Ipinatawag ni Haring Linseo ang Duke Briseo sa Albanya sapagka't ang kaharian ng Krotona ay sinalakay ng hukbo ng Persiyanong Heneral Osmalik. Sa unang pagkikita ng Haring Linseo kay Florante, itinanong agad nito kung sino si Florante. Sinabi nitong napanaginipan daw niya ang taong mamumuno sa hukbo ng Albanya laban sa kaaway at ito'y kamukhang-kamukha ni Florante. Ipinakilala ng Duke ang kanyang anak sa hari. Nagsipagpulong ang mga pinuno at napagpasiyahang si Florante nga ang magdadala ng hukbo ng Albanya. Samantala, sa palasyo ay napukaw ang puso ng binata ng magandang anak ng hari, si Laura. Namalagi ng tatlong araw si Florante sa palasyo; nguni't naging kasintahan lamang niya si Laura pag-alis na niya. Ito ay nagpabaon ng luhang tanda ng pagmamahal niya sa binata.


Nakasagupa nina Florante ang mga kalaban; limang oras na naglaban sina Florante at Osmalik. Hindi nagtagal, bangkay na itinanghal ang ganid na Persiyano. Nanatili pa ng limang buwan si Florante sa Krotona. Labis siyang nanabik kay Laura kaya't nagdumaling bumalik sa Albanya. Sa kanyang pagdating, ikinagulat niya ng husto nang makitang bandila na ng mga Moro ang nagwawagayway sa kaharian ng Albanya. Pinatigil niya agad sa paanan ng isang bundok ang kanyang hukbo. Nakita niya dito ang isang babaeng pupugutan na lamang ng ulo ng mga kalaban. Kanyang mabilis na sinagip ang inuusig. Anong laking pagkamangha nang makita ng lahat ang babae: si Laura! Nagsipagtakbuhan ang hukbo ng kalaban, napinamumunuan pala ni Aladin. Nabawi ang palasyo nina Floranate at nailigtas ang mga ibinilanggo : sina Haring Linseo, Duke Briseo at Adolfo. 

Hindi pa halos natatahimik ang kaharian ng Albanya ay may isang hukbo na naman ang sumalakay; ito ay ang hukbong pinamumunuan ni Miramolin. Sa madugong paglalaban ay nagapi nina Florante ang mga kalaban. Nguni't may sunod-sunod pang mga hukbo ang nagtangkang sumalakay sa kaharian. Labimpito silang lahat; at lahat din sila ay pawang natalo ni Florante!

Habang nasa Etolya si Florante, nakatanggap siya ng sulat buhat sa monarka ng Albanya na nagsasabing madaling magbalik sa Albanya. Nabigla si Florante pagdating niya. Tatlumpung libong sandatahan ang dumakip sa kanya at dali-daling ipiniit siya sa bilangguan. Hindi niya alam na sa mga pakana ni Adolfo ay napatay pala nito ang mahal na hari maging ang Duke Briseo at ito ang siyang umagaw sa trono. Ikinulong si Florante nang labing-tatlong araw; pagkatapos ay ipinag-utos na igapos siya sa gitna ng kasindak-sindak na gubat upang doon ay masila ng mababangis na hayop. Magdadalawang araw na siya sa gubat na iyon.

Isinalaysay naman ni Aladin ang kanyang mga karanasan. Siya ang anak ng balitang Sultan Ali-adab. Napadpad siya sa gubat dahil sa matinding sama ng loob sa kanyang ama. Ang kanyang kasintahang si Flerida ay ninasang agawin sa kanya ng sariling ama. Sa tindi ng pagnanasa ng sultan, naghanap ito ng dahilan upang masarili ang dalaga. Sa pamamagitan ng pagsisiyasat, natuklasan nitong nagpunta sa Persya si Aladin at iniwan ang kanyang hukbo sa Albanya. Kaya nang maagaw ni Florante ang Albanya at matuklasan niyong si Aladin ay umurong sa labanan, ipinalagay ni Sultan Ali-adab na iyon ay isang pagkamakasalanan, at hinatulang pugutan ng ulo ang sariling anak. Nguni't nang gabi ding iyon, tumanggap si Aladin ng isang mensahe na siya ay ipinatatapon sa ibang lupa. Ang bilin ay huwag na siyang babalik sa Persya kung nais pa niyang mabuhay. Ang paglilibot niya ay may anim na taon na ngayon.

Habang nagku-kwentuhan sina Florante at Aladin, nadinig nila ang pag-uusap ng dalawang tao. Ang isa ay nagsasalaysay kung paano nalaman nitong ipapapatay ang kasintahan nitong nasa bilangguan. Dahil dito pumayag itong makasal sa hari. Pinawalan naman ang kasintahang nabibilanggo. Noong gabing iyon ay tumakas ito sa pagbabalatkayo bilang isang gerera. Madaming taon na ito ngayong naglalagalag, haggang sa magkita ang dalawa sa pook na ito. Samantala, dahan-dahang nilapitan nina Florante at Aladin ang nagsisipag-usap. Anong laking tuwa nang makita nilang ang nagsisipag-usap ay walang iba kundi sina Laura at Flerida!

Ikinuwento ni Laura kung ano ang nangyari sa kanya. Sinabi niya kung paano naagaw ni Adolfo ang trono, kung paano pinugutan ng ulo ang hari. Sinabi din niyang pinadalhan niya ng sulat si Florante sa Etolya upang ipaalam ang mga nangyayari sa Albanya nguni't ito ay hindi nakaabot kay Florante. Samantala, natapos na noon ang limang buwang taning ni Adolfo kay Laura upang mapag-aralan ang handog na pag-ibig nito. Wala nang paraang nalalabi kay Adolfo upang mahimok si Laura; kaya't sa kailaliman ng gabi ay pinilit nitong dalhin siya sa gubat upang doon ay siraan ng puri. Siya namang pagdating sa gubat ni Flerida. Nakita niyon ang kabuktutan ni Adolfo. Sa isang pagsibat niyon ay napatay agad si Adolfo.

Habang nagpapalitan ng kani-kanilang karanasan ang apat, nagsidating sina Menandro, kasama ang buong hukbo ng Albanya. Pinaghahanap nila si Adolfo upang maibalik ang dating katahimikan ng Albanya. Nagsipagsigawan ang buong hukbo sa tuwa nang makita ng lahat na buhay sina Florante at Laura. Ipinagbunyi nilang lahat ang magkasintahan. Pagkaraan ay nagbalik silang nagsisipagbunyi sa palasyo. Hindi nagtagal at nakasal sina Florante at Laura. Itinanghal na hari ng Albanya si Florante; si Laura, ang reyna. Sina Aladin at Flerida naman ay pinag-isang dibdib din matapos mabinyagan upang maging ganap na Kristiyano. Bumalik silang dalawa sa Persya nang mamatay ang Sultan Ali-adab, at doon sila ay namuno sa sariling kaharian.

                                                   summary-in-tagalog-ang-buod-ng-florante-at-laura_845.html/page/0/2

Wednesday, June 24, 2020

BUOD NG EL FILIBUSTERISMO


         Makalipas ang labintatlong taon, nagbalik sa Pilipinas si Juan Crisostomo Ibarra. Siya'y nagpakilala sa pangalang Simoun na isang mayamang mag-aalahas.

              Si Basilio na malapit nang magtapos ng pagkamanggagamot ang unang nakatuklas ng lihim ni Simoun. Noche Buena noon nang dalawin ni Basilio ang libing ng inang si Sisa. Ginugunita niya noon ang nakalipas niyang buhay. Ganito ring panahon nang sunugin niya at ng isa pang di kilalang lalaki ang bangkay ng isang di kilalang lalaki at ng kanyang ina.

             Nasa ganito siyang pagbubulay-bulay nang dumating si Simoun. Nakilala siya ni Basilio at nagtiwala naman ang mag-aalahas sa binata at ipinagtapat dito ang hangarin niyang paghihiganti sa pamahalaan. Ninais niyang makiisa sa kanya si Basilio ngunit siya'y nabigo sapagkat ayon sa binata di maibabalik pa ng kahit anong paghihimagsik ang buhay ng kanyang ina at kapatid bukod pa sa  nais niyang makatapos ng pag-aaral.

               Sa kabila nang pagtanggi ni Basilio sa alok ni Simoun sa kanilang pag-uusap noong Noche Buena, muling lumapit ang mag-aalahas kay Basilio isang gabi at inalok ang binata na siyang mamuno sa isang pulutong ng maghihimagsik na papasok sa kumbento ng Sta. Clara upang sapilitang ilabas si Maria Clara habang may nagaganap na kaguluhan sa iba't ibang panig ng Maynila na isasagawa ng kanyang kapanalig.

            Halos mabaliw si Simoun nang sabihin ni Basilio na si Maria Clara ay namatay na nang hapong iyon. Dahil dito, ang himagsikang binalak ni Simoun ay di natuloy.

            Si Kabesang Tales ay may isang anak na dalaga na nagngangalang Huli na kasintahan ni Basilio.  Si Kabesang Tales ay nagmamay-ari ng isang lupaing kinamkam ng korporasyon ng mga prayle. Ipinaglaban niya ang kanyang karapatan sa lupain ngunit siya'y natalo. Binantayan niya ang kanyang lupain ngunit siya'y hinuli ng mga tulisan na nang tumagal ay napabalitang ipinatutubos sa halagang limang daang piso. Kaya ang kanyang anak na si Huli ay napilitang pumasok na utusan kay Hermana Penchang upang may maipantubos sa ama.

                Nang malaman ni Basilio ang nangyari sa kasintahan, tinubos niya ito at ibinili ng kubong matitirhan kasama ang kanyang lolo na si Tata Selo na napipi dahil sa labis na pagdaramdam sa sinapit ng kanyang kaanak.

                 Sa kabilang dako ang pangkat ng mga kabataan na kinabibilangan ni Basilio ay nag-isip na makapagtatag ng Akademya ng Wikang Kastila. Hindi nagkaroon ng katuparan ang kanilang pagsisikap sapagkat hindi ito pinahintulutan ng mga kinauukulan. Kahit na kabiguan ang kanilang natamo, ang mga kabataan ay nagdaos pa ng isang piging sa isang pansiterya. Dumalo ang labing-apat na kasapi ng samahan sa kabila ng kanilang pagdaramdam. Tanging si Basilio lamang ang di nakadalo dahil nang gabing iyon ay malubha ang lagay ni Kapitan Tiyago.

                 Kinabukasan, may mga paskin daw na masasama at mapanganib ang nilalaman, ang nakita sa pinto ng pamantasang pinapasukan ni Basilio. Hinuli ang lahat ng mga mag-aaral na dumalo sa piging nang sinundang gabi pati na si Basilio.

                 Nakalabas agad ng piitan ang lahat ng hinuling mag-aaral sa tulong ng kanilang kamag-anak at ninong maliban kay Basilio. Lalo pa siyang naiwan sa piitan nang malaman ng Kapitan-Heneral na alila lamang siya ni Kapitan Tiyago.

                  Sa pagnanais na matulungang makalaya ang kasintahan, napilitang lumapit si Huli kay Padre Camorra kahit na labag sa kanyang kalooban. Matapos siyang makipagkita sa prayle, nakita na lamang si Huli na tumalon sa bintana ng kumbento na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

                  Si Simoun ang tumulong upang makalaya si Basilio sa piitan. Dahil sa mga kasawiang sinapit ni Basilio ay kusang loob na niyang inihandog ang kanyang paglilingkod kay Simoun na naghahanda ng panibagong paghihimagsik.

                   Nakipagkalas si Paulita Gomez sa kanyang kasintahang si Isagani nang mabilanggo ang mga mag-aaral. Siya'y nangakong pakakasal kay Juanito Pelaez na isang mistisong Kastila. Napadali ang kasal ng dalawa sapagkat tinulungan sila ni Simoun. Nabili ng ama ni Juanito ang bahay ng Kapitan Tiyago na namatay na. Sa pamamagitan ng perang pinautang ni Simoun, pinagawa at inayos ang bahay bilang paghahanda sa kasal at si Simoun ang nangasiwa nito. Isang kyosko sa asotea ang inayos na pagkakainan ng lahat ng malalaking tao na dadalo sa kasal. Nilagyan niya ng pulbura ang lahat ng sulok ng bahay at ito'y pasasabugin sa pamamagitan ng isang lampara na ireregalo ni Simoun sa ikakasal. Sasabog ang buong kabahayan at ito ang magiging hudyat ng pangkalahatang himagsikan sa buong Maynila.

               Si Basilio na nakakaalam ng mangyayari ay palakad-lakad sa labas ng bahay ng bagong kasal nang makita niya si Isagani at niyaya niya itong lumayo na sa pook na yaon. Hindi pinakinggan ni Isagani si Basilio sa halip ay nanaig ang pag-ibig niya kay Paulita. Nang makita niyang dahan-dahang lumalamlam ang lampara agad niyang tinungo ang kyosko at hinablot ang lampara at mabilis na inihagis sa ilog.

                  Hindi natuloy ang balak ni Simoun at siya'y pinaghahanap ng mga maykapangyarihan.

                 Tinungo ni Simouna ang tahanan ni Padre Florentino na nasa may dalapampasigan at doon nagtago. Nalaman ni Simoun na darating na ang mga huhuli sa kanya at siya'y uminom ng lason. Ngunit bago siya namatay ay ipinagtapat niya kay Padre Florentino ang lahat-lahat, ang kanyang pagkatao, ang panghihikayat sa mga maykapangyarihan na apihin ang mga mamamayan upang ang mga ito ay maghimagsik sa pamahalaan. Siya'y matamang pinangaralan ni Padre Florentino at sinabing di magtatagumpay ang anumang masamang gawa. Idinugtong pa ang lahat ng nangyari ay kaloob ng Diyos.

                  Nang mamatay si Simoun itinapon ni Padre Florentino ang kahon ng kayamanan sa dagat. Isinagawa niya ang ganito upang hindi na ito maging sanhi pa ng kasamaan at kasakiman. 

                                                                           
                                                                                                                                                                                           Sanggunian: El Filibusterismo
                                                                                                                                                                                           Pinagaan ni: Elvira dela Cruz