BUOD NG EL FILIBUSTERISMO
Makalipas ang labintatlong taon, nagbalik sa Pilipinas si Juan Crisostomo Ibarra. Siya'y nagpakilala sa pangalang Simoun na isang mayamang mag-aalahas.
Si Basilio na malapit nang magtapos ng pagkamanggagamot ang unang nakatuklas ng lihim ni Simoun. Noche Buena noon nang dalawin ni Basilio ang libing ng inang si Sisa. Ginugunita niya noon ang nakalipas niyang buhay. Ganito ring panahon nang sunugin niya at ng isa pang di kilalang lalaki ang bangkay ng isang di kilalang lalaki at ng kanyang ina.
Nasa ganito siyang pagbubulay-bulay nang dumating si Simoun. Nakilala siya ni Basilio at nagtiwala naman ang mag-aalahas sa binata at ipinagtapat dito ang hangarin niyang paghihiganti sa pamahalaan. Ninais niyang makiisa sa kanya si Basilio ngunit siya'y nabigo sapagkat ayon sa binata di maibabalik pa ng kahit anong paghihimagsik ang buhay ng kanyang ina at kapatid bukod pa sa nais niyang makatapos ng pag-aaral.
Sa kabila nang pagtanggi ni Basilio sa alok ni Simoun sa kanilang pag-uusap noong Noche Buena, muling lumapit ang mag-aalahas kay Basilio isang gabi at inalok ang binata na siyang mamuno sa isang pulutong ng maghihimagsik na papasok sa kumbento ng Sta. Clara upang sapilitang ilabas si Maria Clara habang may nagaganap na kaguluhan sa iba't ibang panig ng Maynila na isasagawa ng kanyang kapanalig.
Halos mabaliw si Simoun nang sabihin ni Basilio na si Maria Clara ay namatay na nang hapong iyon. Dahil dito, ang himagsikang binalak ni Simoun ay di natuloy.
Si Kabesang Tales ay may isang anak na dalaga na nagngangalang Huli na kasintahan ni Basilio. Si Kabesang Tales ay nagmamay-ari ng isang lupaing kinamkam ng korporasyon ng mga prayle. Ipinaglaban niya ang kanyang karapatan sa lupain ngunit siya'y natalo. Binantayan niya ang kanyang lupain ngunit siya'y hinuli ng mga tulisan na nang tumagal ay napabalitang ipinatutubos sa halagang limang daang piso. Kaya ang kanyang anak na si Huli ay napilitang pumasok na utusan kay Hermana Penchang upang may maipantubos sa ama.
Nang malaman ni Basilio ang nangyari sa kasintahan, tinubos niya ito at ibinili ng kubong matitirhan kasama ang kanyang lolo na si Tata Selo na napipi dahil sa labis na pagdaramdam sa sinapit ng kanyang kaanak.
Sa kabilang dako ang pangkat ng mga kabataan na kinabibilangan ni Basilio ay nag-isip na makapagtatag ng Akademya ng Wikang Kastila. Hindi nagkaroon ng katuparan ang kanilang pagsisikap sapagkat hindi ito pinahintulutan ng mga kinauukulan. Kahit na kabiguan ang kanilang natamo, ang mga kabataan ay nagdaos pa ng isang piging sa isang pansiterya. Dumalo ang labing-apat na kasapi ng samahan sa kabila ng kanilang pagdaramdam. Tanging si Basilio lamang ang di nakadalo dahil nang gabing iyon ay malubha ang lagay ni Kapitan Tiyago.
Kinabukasan, may mga paskin daw na masasama at mapanganib ang nilalaman, ang nakita sa pinto ng pamantasang pinapasukan ni Basilio. Hinuli ang lahat ng mga mag-aaral na dumalo sa piging nang sinundang gabi pati na si Basilio.
Nakalabas agad ng piitan ang lahat ng hinuling mag-aaral sa tulong ng kanilang kamag-anak at ninong maliban kay Basilio. Lalo pa siyang naiwan sa piitan nang malaman ng Kapitan-Heneral na alila lamang siya ni Kapitan Tiyago.
Sa pagnanais na matulungang makalaya ang kasintahan, napilitang lumapit si Huli kay Padre Camorra kahit na labag sa kanyang kalooban. Matapos siyang makipagkita sa prayle, nakita na lamang si Huli na tumalon sa bintana ng kumbento na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Si Simoun ang tumulong upang makalaya si Basilio sa piitan. Dahil sa mga kasawiang sinapit ni Basilio ay kusang loob na niyang inihandog ang kanyang paglilingkod kay Simoun na naghahanda ng panibagong paghihimagsik.
Nakipagkalas si Paulita Gomez sa kanyang kasintahang si Isagani nang mabilanggo ang mga mag-aaral. Siya'y nangakong pakakasal kay Juanito Pelaez na isang mistisong Kastila. Napadali ang kasal ng dalawa sapagkat tinulungan sila ni Simoun. Nabili ng ama ni Juanito ang bahay ng Kapitan Tiyago na namatay na. Sa pamamagitan ng perang pinautang ni Simoun, pinagawa at inayos ang bahay bilang paghahanda sa kasal at si Simoun ang nangasiwa nito. Isang kyosko sa asotea ang inayos na pagkakainan ng lahat ng malalaking tao na dadalo sa kasal. Nilagyan niya ng pulbura ang lahat ng sulok ng bahay at ito'y pasasabugin sa pamamagitan ng isang lampara na ireregalo ni Simoun sa ikakasal. Sasabog ang buong kabahayan at ito ang magiging hudyat ng pangkalahatang himagsikan sa buong Maynila.
Si Basilio na nakakaalam ng mangyayari ay palakad-lakad sa labas ng bahay ng bagong kasal nang makita niya si Isagani at niyaya niya itong lumayo na sa pook na yaon. Hindi pinakinggan ni Isagani si Basilio sa halip ay nanaig ang pag-ibig niya kay Paulita. Nang makita niyang dahan-dahang lumalamlam ang lampara agad niyang tinungo ang kyosko at hinablot ang lampara at mabilis na inihagis sa ilog.
Hindi natuloy ang balak ni Simoun at siya'y pinaghahanap ng mga maykapangyarihan.
Tinungo ni Simouna ang tahanan ni Padre Florentino na nasa may dalapampasigan at doon nagtago. Nalaman ni Simoun na darating na ang mga huhuli sa kanya at siya'y uminom ng lason. Ngunit bago siya namatay ay ipinagtapat niya kay Padre Florentino ang lahat-lahat, ang kanyang pagkatao, ang panghihikayat sa mga maykapangyarihan na apihin ang mga mamamayan upang ang mga ito ay maghimagsik sa pamahalaan. Siya'y matamang pinangaralan ni Padre Florentino at sinabing di magtatagumpay ang anumang masamang gawa. Idinugtong pa ang lahat ng nangyari ay kaloob ng Diyos.
Nang mamatay si Simoun itinapon ni Padre Florentino ang kahon ng kayamanan sa dagat. Isinagawa niya ang ganito upang hindi na ito maging sanhi pa ng kasamaan at kasakiman.
Sanggunian: El Filibusterismo
Pinagaan ni: Elvira dela Cruz
No comments:
Post a Comment