KABAYANIHAN
KABAYANIHAN
Lope K. Santos
Si Lope K. Santos (25 Setyembre 1879 – 1 Mayo 1963) ay isang tanyag na manunulat sa wikang Tagalog noong kanyang kapanahunan, sa simula ng ika-1900 dantaon. Kilala siya sa kanyang nobelang sosyalista noong 1906, ang Banaag at Sikat at sa kanyang mga naiambag para sa pagpapaunlad ng balarilang Filipino at ortograpiyang Tagalog. Bukod sa pagiging manunulat, isa rin siyang abogado, kritiko, lider obrero, at itinuturing na Ama ng Pambansang Wika at Balarila ng Pilipinas.
Ang kahulugan mo’y isang paglilingkod
na walang paupa sa hirap at pagod;
minsang sa anyaya, minsang kusang-loob,
pag-ibig sa kapwa ang lagi mong diyos.
Natatalastas mong sa iyong pananim
iba ang aani’t iba ang kakain;
datapwa’t sa iyo’y ligaya na’t aliw
ang magpakasakit ng sa iba dahil.
Pawis, yaman, dunong, lakas, dugo, buhay…
pinupuhunan mo at iniaalay,
kapagka ibig mong sa kaalipinan
ay makatubos ka ng aliping bayan.
Sa tulong mo’y naging maalwan ang dukha,
sa turo mo’y naging mulat ang mulala,
tapang mo’y sa duwag naging halimbawa’t
ang kamatayan mo ay buhay ng madla.
Tikis na nga lamang na ang mga tao’y
mapagwalang-turing sa mga tulong mo;
ang kadalasan pang iganti sa iyo
ay ang pagkalimot, kung di paglililo.
TALASALITAAN:
1. paupa - suweldo, sahod, bayad
2. natatalastas - nalalalaman, nababatid,
3. pinupuhunan - kapital ( sa negosyo)
4. makatubos - bawiin, ibalik sa mabuting kalagayan
5. maalwan - maginhawahan, komportable
6. mulat - gising, edukado, lubos ang kaalaman
7. mulala - hangal, walang nalalaman, mangmang
8. tikis - sadya
9. walang turing - walang galang, walang utang na loob
10. paglililo - pagtataksil, pagbaligtad, pagsusukab, pagtatraydor
Sanggunian: https://philnews.ph/2020/01/07/tula-10-halimbawa-ng-mga-tulang-pilipino-philnews/
No comments:
Post a Comment