Tuesday, November 30, 2021

Talumpati ni Pang. Corazon C. Aquino

 Talumpati

ng

Kagalang-galang Corazon C. Aquino

Pangulo ng Pilipinas

Sa pagdiriwang ng 1987 Araw ng Kalayaan

[Ipinahayag sa Quirino Grandstand, ika 12 ng Hunyo, 1987]

“MULING KAILANGAN ANG KAGITINGAN”

The country’s fight for freedom and democracy is far from over. Enemies of the state are out to prove to Filipinos that the Government is not in control. The congressional elections, however, proved that the enemies of democracy do not have the support of the people. The President reassures the people that Government, with the cooperation of a concerned citizenry, has the capability to stop terrorists from destroying this democracy.

Sa katapusan ng buwang darating, ang Kongreso ng Republika ng Pilipinas ay magpupulong. Lahat ng mga institusyon ng demokrasyang Pilipino ay nasa kani-kanilang lugar na.

Mayroon na tayong Pangulong nahalal sa demokratikong paraan, mayroon na tayong tunay na malayang Korte Suprema, at isang Kongresong tunay na kumakatawan sa mamamayan.

Ngunit ang laban ng Pilipino ay hindi pa tapos. Ang mga kaaway niya na naglalayong manira, mang-alipin at sirain ang ating mga karapatan at kalayaan, at muli hilahin tayo sa hindi na maka-Diyos na pamamaraan at pagmamalupit ay narito pa at nagnanais gawin ang kanilang masamang layunin sa kahit na ano pa mang paraan.

Ang mga kaaway natin ay hindi tayo hahayaang maranasan ang kaligayahan, katahimikan, at mga biyaya na dulot ng demokrasya.

Ang nakaraang eleksiyon ay isa na namang pagpapatunay na silang mga kaaway ng ating demokrasya ay walang suporta ng mga mamamayan. Ang mga kaaway na ito ng ating kalayaan ay walang paggalang sa mga mamamayan, gayundin sila ay walang paggalang sa hatol ng mga mamamayan. Ngayon, sila ay nananakot at pumapatay upang maipalabas lamang ang kanilang kagustuhan at masamang intensiyon sa mga mamamayang Pilipino.

Sa loob lamang ng limang araw, ang karahasan sa lungsod ay nagdulot ng kasawian sa tatlong pulis at dalawang sundalo. Dalawa pang pulis ay malubhang nasugatan. Noong isang araw, ang kandidato ng Partido ng Bayan, na si Bernabe Buscayno, ay nasugatan sa ambush ng mga hindi kilalang lalaki na kunwari ay mga sundalo.

Alam ko na marami sa inyo na mahal kong mga kababayan ay lubhang nag-aalala.

Ang inyong tanong – ano ang dapat gawin? Ang mga terorista ay dinala na ang digmaan sa lunsod. Ang aking sagot: Dalhin natin ang digmaan sa kanila.

Kanilang ginambala ang katahimikan ng ating mga tahanan at katiwasayan ng ating pamumuhay na siya nating pinaglaban at sinakripisyo; kailangan natin silang pagbayarin sa mga kaguluhang ito.

Ang mga kaaway ng ating kalayaan, na lubhang nahihiya at nagtatago sa kaduwagan, ay patagong sumasalakay, upang ang ating mga militar at pulis ay hindi sila malabanan ng parehas. Lubhang matitindi ang kanilang ginagawang pagsalakay upang paniwalain kayo na ang inyong Gobyerno ay hindi kayo kayang protektahan.

Ako ngayon ay narito sa inyong harapan upang ipaalam sa inyo na ang inyong Gobyerno ay kayang sugpuin ang mga pananakot at paghamon na kanilang ginagawa.

Subalit tulad din ng mga hamon at pagbabanta na ating tinalo noong nakaraan, muli kailangan natin ang kagitingan, pangangalaga at matiyagang pagbabantay ninyo, mga mahal kong kababayan.

Kayo ngayon ay aking tinatawagan, mga mahal kong kababayan, na sana’y kayo ay makipagtulungan sa ating militar at pulis upang hulihin ang mga duwag nating kaaway. Kayo ay tinatawagan ko upang ipaalam agad sa pulis at militar ang mga taong inyong pinaghihinalaan na maaaring kasangkot sa mga kaguluhang ito. Kayo rin ay aking binabalaan na huwag ninyong labanan ang mga teroristang ito na kayo lamang. Sila ay may armas at madaling pumatay sa inosente at walang armas. Ang inyong tungkulin ay isumbong sila upang pangalagaan ang inyong mga tahanan at pamilya. Hayaan ninyo ang ating mga pulis at militar upang gawin ang nararapat sa kanila. Sa pangangalaga at matiyagang pagbabantay ng ating mga mamamayan, naniniwala ako na kaya nating talunin ang mga kaaway na ito sa madaling panahon.

Tinatawagan ko ang ating mga OICs sa Metro Manila at sa lahat ng panig ng bansa na bigyan nila ng kaukulang suporta at tulong ang ating mga militar at pulis sa pakikipaglaban sa ating mga kaaway. Ang inyong panunungkulan at pagkakahalal kung sakali ay nakasalalay sa akin at sa ating mga mamamayan.

Tayong lahat ay bahagi ng isang kamay: ang inyong Pangulo, ang Armed Forces, mga local officials at kayong mga mamamayan ay magkakuyom ang mga palad sa iisang layunin upang wasakin at durugin ang pananakot na ito sa ating buhay, sa ating kalayaan at sa ating pananampalataya.

Sanggunian: https://www.officialgazette.gov.ph/1987/06/12/speech-of-president-corazon-aquino-at-the-1987-independence-day-celebration-filipino/

Primarya: Presidential Museum and Library

Aquino, C. C. (1987). Speeches of President Corazon C. Aquino : April – October 1987. [Manila : Office of the President of the Philippines].


No comments:

Post a Comment