Thursday, August 5, 2021

Filipino - Baitang 10: Talaan ng Ilan sa mga Diyos at Diyosa sa Mitolohiyang Griyego

Mitolohiyang Griyego 

Binubuo ang mitolohiyang Griyego ng isang malaking bahagi ng mga koleksiyon ng mga salaysay na ipinaliliwanag ang pinagmulan ng mundo at idinedetalye ang mga buhay at pakikipagsapalaran ng iba't ibang diyos, diyosa, at bayani. Sa una, ipinamamahagi ang mga salaysay na ito sa isang tradisyong tulang-pagbigkas. Sumasalamin din ang mitolohiyang Griyego sa mga artifacts, ilang gawang sining lalo na ang mga pinta ng mga pintor sa mga plorera. Tinutukoy ng mga Griyego mismo ang mga mitolohiya at mga kaugnay na gawang sining upang magbigay-liwanag sa mga kultong pagsasanay at ritwal na mga tradisyon na napakaluma na at minsan, hindi na nauunawaang mabuti. 

Talaan ng mga Diyos at Diyosa sa Mitolohiyang Griyego:

  • Zeus - Punong diyos; panginoon ng langit
  • Hera - Asawa ni Zeus; diyosa ng langit
  • Phoebus - Diyos ng araw; diyos ng liwanag, musika, at propesiya
  • Poseidon - Diyos ng dagat • Hermes - Diyos ng komersyo; sugo ng mga diyos
  • Haphaestus - Diyos ng apoy; panday ng mga diyos
  • Ares - Diyos ng digmaan
  • Athena - Diyosa ng karunungan
  • Artemis - Diyosa ng buwan at pangangaso
  • Demeter - Diyos ng agrikultura at pertilidad
  • Hestia - Diyosa ng apuyan at tahanan
  • Dionysius - Diyos ng alak
  • Aphrodite - Diyosa ng kagandahan at pag-ibig

Maituturing na isang malaking kayamanan ng Greece ang bawat akdang pampanitikang inisip, ipinahayag, isinalin, at isinulat. Nagsisilbi itong salamin ng kanilang buhay at katauhan.


Hiyas ng Lahi K-12 Baitang 10

Vibal Publishing


Filipino - Baitang 10: Kaligirang Pangkasaysayan ng Panitikang Kanluranin

Kaligirang Pangkasaysayan ng Panitikang Kanluranin

Nagmula ang Panitikang Kanluranin sa Panitikang Indo-Europeo. Binibigyang-diin nito ang ilang pangunahing akdang nagmula sa Europa maging ang mga akdang mula sa Espanya, France, Italy, at Russia. May mangilan-ngilan ding pagkakahawig ang panitikan na mula sa Slavic, Celtic, at Baltic. Samakatuwid, ipinakikita na malaki ang impluwensiya ng maraming bansa sa pagiging maunlad ng Panitikang Kanluranin. Kasabay ng pag-unlad ng ekonomiya ng mga bansa dito, ang pag-unlad ng Panitikang Kanluranin.

Taglay ng Panitikang Kanluranin ang mga natatanging akda na nagkaroon ng malaking impluwensiya sa iba pang panitikan sa mundo. Ang mayamang mitolohiya at panulaan ay nanghihikayat sa mga mambabasa upang bigyang-halaga ang mga pangyayari sa nakaraan, pangarapin ang hinaharap, mapalawak ang mga opinyon ukol sa madidilim na yugto ng buhay, mabago ang mga pangyayaring politikal, at mabago ang takbo ng buhay ng isang lipunan.

Sa Panitikang Kanluranin Nagmula ang napakaraming natatanging akda sa mundo tulad ng Beowulf, ang Divine Comedy ni Dante Alighieri, Hamlet ni William Shakespeare, ang The Canterbury Tales ni Geoffrey Chaucer, at War and Peace ni Leo Tolstoy. Ang mga akdang ito ay pinagaaralan kahit na saang panig ng mundo dahil na rin sa kontribusyon ng mga ito sa malikhaing pagsulat.

Hiyas ng Lahi K-12 Baitang 10

Vibal Publishing


Filipino - Baitang 10: Sina Thor at Loki sa Lupain ng mga Higante (Mitolohiyang Norse)

Sina Thor at Loki sa Lupain ng mga Higante

Snorri Sturluson 

Isinalin sa Filipino ni Sheila C. Molina

Napagpasyahan nina Thor at Loki na maglakbay patungo sa Utgaro, lupain ng mga higante, ang kalaban ng mga diyos. Kinaumagahan, nagsimula nang maglakbay at nang abutin ng gabi sa paglalakbay, nagpahinga sila sa bahay ng isang magsasaka. Kinatay ni Thor ang dalang kambing, iniluto at inihain sa hapunan. Inanyayahan ni Thor na sumalo sa kanila sa pagkain ang mag-anak na magsasaka. Ang anak na lalaki ng magsasaka ay si Thjalfi, at Roskva naman ang anak na babae. Inutos ni Thor sa magsasaka na paghiwalayin ang buto ng kambing sa balat nito ngunit hindi sumunod ang anak na lalaki na si Thjalfi. Kinabukasan, nang malaman ito ni Thor, nagalit nang husto at nanlisik ang mga mata. Gayon na lamang ang takot ng buong pamilya. Nagmakaawa sila kay Thor na huwag magalit sa kanila at sinabing handa nilang ibigay ang lahat. Nang makita ni Thor kung gaano natakot sa kaniya ang mag-anak, naglubag din ang kaniyang kalooban at hininging kapalit ang mga anak nito. Kaya't sina Thjalfi at Roskva ay naging alipin niya pagkatapos.

- Mula sa DepEd Modyul Baitang 10, 2015

Hiyas ng Lahi K-12 Baitang 10

Vibal Publishing

Filipino - Baitang 10: Paglalaban nina Sohrab at Rostam (Epiko ng Iran)

 

Paglalaban Nina Sohrab at Rostam

(Mula sa Shahnameh-Epiko ng Iran)

Ang seleksiyong ito na mula sa Shahnameh na isang epiko ay nagsasalaysay ng paglalaban ng bayaning si Rostam ng Iran at ang batang mandirigma na si Sohrab na nagmula sa Turan. Anak ni Rostam si Sohrab na bunga ng minsang pagsasama niya at ni Tamine na isang prinsesa mula sa Turan. Sinabi ni Tamine kay Sohrab na ang dakilang bayani ng Iran na si Rostam ang tunay niyang ama. Suot ni Sohrab ang sagisag na ibinigay ni Rostam kay Tamine bilang tanda ng pagiging ama niya sa anak ng prinsesa. Ngunit dahil sa sinabi ni Tamine na ang anak nila ay babae, hindi alam ni Rostam na may anak siyang lalaki.

Nang magharap ang mga sundalo ng Turan at Iran, ibig sabihin ni Sohrab kay Rostam na siya ang anak nito. Hinamon ng batang mandirigmang si Sohrab na maglaban sila nang mano-mano ni Rostam. Nakita ni Sohrab na may edad na ang mandirigmang si Rostam. Sumang-ayon si Rostam at dahil sa prinsipyo, makikipaglaban siya na walang suot na sagisag na magiging palatandaan na siya si Rostam. Ayaw rin niyang ipaalam kung sino siya.

May pag-aalinlangan pa rin si Sohrab na ang makakalaban niya ay si Rostam, bagama't nararamdaman niyang siya nga si Rostam na kaniyang ama. Sa panig naman ni Rostam, nagsususpetsa siya na ang batang Turanian na paborito ng marami ay kaniyang anak, bagama't hindi niya matanggap ang ideyang iyon.

At sa wakas, nagharap ang mag-ama sa gitna ng labanan. Ang una nilang paglalaban ay tumagal nang buong araw at natapos nang maggagabi na. Nang magbukang-liwayway, muli na naman silang naglaban at sa pagkakataong ito halos nananalo na si Sohrab, nagkunwari naman si Rostam, nagharap ang dalawang bayani para sa pinal na paglalaban.


Hiyas ng Lahi K-12 Baitang 10

Vibal Publishing


Filipino - Baitang 10: Alim (Epiko ng Ifugao)

Alim

(Ifugao) 

Noong unang panahon ang tao ay masagana, maligaya, at tahimik na namumuhay. Ang daigdig ay pawang kapatagan ang namamalas maliban sa dalawang bundok: ang Bundok Amuyaw sa Silangan at Bundok Kalawatan sa Kanluran. Doon naninirahan sa pagitan ng dalawang bundok na ito ang mga taong walang mga suliranin tungkol sa kabuhayan. Ang mga pagkain ay nasa paligid lamang nila. Mga biyas ng kawayan ang kanilang pinagsasaingan. Malaki rin ang butil ng kanilang bigas.

Ang kanilang inumin ay nanggagaling sa katas ng tubo na kung tawagin ay bayak. Kung nais nila ang ulam na isda ay sumasalok lamang sila sa sapa.

Maamo ang mga usa at baboy-ramo kaya madaling hulihin kung nais nilang kumain nito. Anupa't kahit na ano ang maisipan nilang pagkain ay naroon at sagana.

Subalit dumating sa kanilang buhay ang isang napakalungkot na pangyayari. Nagkaroon ng tagtuyot. Hindi man lamang pumatak ang ulan. Namatay ang tahat ng mga halaman at ang mga hayop. Nangamatay rin ang ilang mga tao sa uhaw at gutom.

Naisip ng iba na hukayin ang tubig. Dahil sa lakas ng pagbalong ng tubig ay may mga namatay. Nagdiwang din ang mga tao kahit may mga nangamatay sapagkat sila'y may tubig na. Subalit hindi mahinto ang patuloy na pagbalong ng tubig hanggang sa mangalunod ang lahat ng tao maliban sa magkapatid na Wigan at Bugan. Ang lalaki, si Wigan, napadpad sa Bundok Amuyaw at ang babae si Bugan, ay ipinadpad ng baha sa Bundok ng Kalawitan. Sa wakas ay humupa rin ang baha. Si Bugan ay nakapagpaningas ng apoy at ito ay nakita ni Wigan. Sumampa si Wigan sa Bundok ng Kalawitan at nagkita silang magkapatid. Naglakbay sila sa iba't ibang pook upang maghanap ng mga tao subalit wala silang natagpuan ni isa man. Nagtayo si Wigan ng isang kubo at doon niya iniwan si Bugan at siya'y nagpatuloy pang muli sa paghahanap. Sa wakas ay napagtanto niyang sila lamang dalawang magkapatid ang natira sa daigdig. Lumipas ang panahon at naramdaman ni Bugan na siya'y nagdadalantao. Dala ng kahihiyan sa sarili ay naisip niyang magpatiwakal subalit hinadlangan siya ng kanilang bathala, si Makanungan.

Ikinasal silang magkapatid at sinabing ito'y hindi kasalanan sapagkat iyon lamang ang paraan upang dumaming muli ang tao sa daigdig.

Nagkaanak sila ng siyam, apat na babae at limang lalaki. Ikinasal ang apat na babae sa unang apat na lalaki kaya't ang huling lalaki o bunso ay walang naging asawa. Ang ngalan ng bunsong ito ay si Igon.

Sumapit ang panahong nagkaroon ng tagtuyot. Wala silang makain. Naisip nilang dumulog kay Makanungan. Bilang handog sa Bathala ay nanghuli si Wigan ng isang daga at inihandog sa Bathala. Nang hindi sila kaawaan ng si Wigan ng isang daga at inihandog sa Bathala. Nang hindi sila kaawaan ng Bathala ay iginapos si Igon at pinatay upang ihandog naman sa Bathalang Makanungan. Nilunasan ni Makanungan ang tagtuyot at dumalo pa sa kanilang Makanungan. Nilunasan ni Makanungan ang tagtuyot at dumalo pa sa kanilang handaan subalit laban sa kaniyang kalooban ang ginawa nila kay Igon. Dahil daw sa ginawa nilang iyon kay Igon ay parurusahan sila. Ang angkan nila ay magkakahiwalay. Ang magkakapatid na mag-asawa ay magtutungo sa hilaga, sa timog, sa silangan, at sa kanluran. At sa pagkakataong sila'y magtatagpo-tagpo ay mag-aaway-away at maglalaban-laban sila, ito raw ang sumpa ni Makanungan na tumalab sapagkat kahit ngayon, ang magkakapatid, mag-aasawa, magpipinsan, o magkakamag-anak ay naglalaban-laban.


Hiyas ng Lahi K-12 Baitang 10

Vibal Publishing



Filipino - Baitan 10: Talumpati ni G. Nelson Mandela sa kaniyang Pasinaya Bilang Pangulo (Sanaysay-Talumpati)

 Talumpati ni G. Nelson Mandela sa kaniyang Pasinaya Bilang Pangulo

(Isinalin sa Filipino ni Roselyn T. Salum) 

        Sa mga kahanga-hanga, kataas-taasan, mga pinagpipitaganang mga panauhin, mga kasama at mga kaibigan...

        Ngayon, lahat tayong naririto ay pagkalooban nawa ng pagpapala at pag-asa sa kasisilang na kalayaan gayundin naman sa mga nagdiriwang sa iba pang bahagi ng mundo.

        Mula sa mga karanasan ng di-pangkaraniwang kapahamakan ng tao na namayani nang matagal, isisilang ang lipunang ipagmamalaki ng sangkatauhan.

        Ang ating mga nagawa bilang karaniwang mamamayan ng Timog Africa ay kailangang magbunga ng tunay na mamamayan na magpapalawak sa paniniwala ng sangkatauhan sa katarungan, magpapalakas sa tiwala sa kadakilaan ng kaluluwa at magpapahalaga sa lahat ng ating pag-asa sa kapakinabangan ng buhay ng lahat.

        Ang lahat ng ito ay utang natin sa ating mga sarili at sa mga taong naririto ngayon.

        Sa aking mga kababayan, wala akong alinlangang sabihin na ang bawat isa sa atin ay nagmamahal sa napakagandang bansang ito sa kilalang puno ng Jacaranda sa Pretoria at sa mga puno ng Mimosa.

        Sa paglipas ng oras, bawat mamamayan ay mararamdaman ang pansariling pagbabago. Ang kalagayan ng bansa ay magbabago tulad ng panahon.

        Tayo ay kumilos nang may kaligayahan at kagalakan sa pagiging luntian ng kapaligiran tulad ng magandang pamumulaklak.

        Ang espiritwal at pisikal na kaisahan na ating ibinabahagi sa lupaing ito ay nagpapaliwanag sa lalim ng sakit na dala-dala ng ating mga puso sa tuwing makikita natin ang ating bansa na unti-unting nalulugmok dahil sa hindi pagkakasundo. Sa tuwing nararanasan natin ang pagtutol, ang paglaban sa batas at paghihiwalay ng mga tao sa mundo, ito ay dahil sa naging pandaigdigan batayan ang nakamamatay na ideolohiya at pagkakaroon ng rasismo

        Tayo, na mamamayan ng Timog Africa ay nakadama ng pagiging kontento nang ibinalik ang pagkakaibigan, tayo, na pinagkaitan ng batas kamakailan lang, ay binigyan ng bihirang pribilehiyo na mamahala sa mga bansa sa sarili nating lupain.

        Pinasasalamatan namin ang ating pinagpipitaganang mga panauhin sa pagdalo ngayon upang damhin kasama ang mamamayan ng aming bansa ang tagumpay para sa katarungan, para sa kapayapaan, at para sa dignidad.

        Naniniwala kami na ipagpapatuloy ninyo ang pagtulong sa amin sa pagharap sa mga pagsubok sa pagbuo ng kapayapaan, kaunlaran, pagkakapantay-pantay ng mga lalaki at babae, walang diskriminasyon sa lahi at demokrasya.

        Ang panahon upang pag-ugnayin ang pagkakaiba-iba ng opinyon na nagiging dahilan ng pagkakahati-hati ay dumating na.

        Ang panahon upang bumuo ay nasa atin na.

        Sa wakas ay naabot na natin ang emansipasyon sa politika. Nangako tayong palalayain ang ating mamamayan sa kahirapan, kakulangan, pagdurusa, at iba't ibang diskriminasyon tulad ng kasawian.

        Nagtagumpay tayo sa ating huling hakbang na pagkakaroon ng kapayapaan. Itinalaga natin ang ating mga sarili sa pagbuo ng buo, makatarungan, at panghabambuhay na kapayapaan.
Tayo ay nagtagumpay na magtanim ng pag-asa sa milyon-milyong mamamayan. Pumasok tayo sa kasunduan na bubuo tayo ng lipunan kung saan ang lahat ng mamamayan ng Timog Africa, itim man o puti, ay maglalakad na walang takot sa kanilang puso, tiyak ang kanilang karapatan sa pagkakaroon ng dignidad—isang bansang may kapayapaang pansarili at pambansa.

        Bilang simbolo ng pagbabago sa ating bansa, ang bagong Interim Government of National Unity, sa panahon ng biglaang pangangailangan ay bibigyang-pansin ang isyu ng amnestiya ang mga mamamayang kasalukuyang nakakulong.

        Inaalay namin ang araw na ito sa lahat ng mga bayani ng bansang ito at sa mga bayani sa ibang bahagi ng mundo na nagsakripisyo at isinuko ang kanilang mga buhay upang lumaya ang isang bansa tulad ng Timog Africa.

        Ang kanilang mga pangarap ay naging makatotohanan. Kalayaan ang kanilang handog.

        Tayo ay may pagpapakumbaba at pagmamalaki sa karangalan at pribilehiyo at bilang Unang Pangulo, kayo na mamamayan ng Timog Africa na nagkakaisa, malaya, walang diskriminasyon sa lahi at kasarian ay aking pinahahalagahan.

        Nauunawaan naming walang madaling daan para sa kalayaan. Batid naming kung nag-iisa ay hindi maaabot ang tagumpay.

        Kailangan natin, samakatuwid, na kumilos nang sama-sama bilang nagkakaisang mamamayan para sa pambansang pagkakasundo-sundo, para sa pambansang pagkakabuo-buo, para sa pagsilang ng bagong mundo.

        Magkaroon nawa ng katarungan para sa lahat. 

        Magkaroon nawa ng kapayapaan para sa lahat.

        Magkaroon nawa ng hanapbuhay, pagkain, at iba pang pangangailangan para sa lahat.

        Malaman nawa ng bawat isa na ang katawan, ang isip at ang kaluluwa ay lumaya upang mabigyang-kasiyahan ang kani-kanilang sarili.

        Hindi, hindi at hindi na muling ang magandang lupaing ito ay makararanas ng kawalang-katarungan at sakripisyo sa kawalang dignidad at kahalagahan ng pagiging katutubo sa mundo.

        Maghari nawa ang kalayaan. Pagpalain ka ng Diyos, Africa! Salamat.



Hiyas ng Lahi K-12 Baitang 10

Vibal Publishing



Filipino - Baitang 10: Sagbata at Sogbo (Mitolohiya ng Africa)

Sagbata at Sogbo

Ang mitong ito na mula sa Hilagang Africa ay tungkol sa nakatakdang pamumuno ng magkapatid na Sagbata at Sogbo, ngunit nagkaroon ng suliranin dahil sa magkaiba nilang katangian.
Inihabilin ni Mawu (Ang Dakila) sa kaniyang mga anak na lalaki na sina Sagbata at Sogbo ang pamamahala ng kalawakan at daigdig matapos niyang likhain ito. Hindi magkasundo ang dalawa, maraming bagay silang hindi pinagkakasunduan.

Nagkaroon sila ng matinding pagtatalo. Sinabi ni Sagbata, ang nakatatanda, "Buo na ang aking pasya, pupunta na ako sa daigdig na aking pamumunuan. Dahil dito, kukunin ko ang lahat ng dapat sa akin. Doon na ako sa daigdig at doon na ako titira. Sinasabi ko sa iyo, Sogbo na aking kapatid, na kailangang kunin ko ang lahat ng yaman ni Ina. Karapatan ko iyon dahil ako ang nakatatandang anak."

"Sige, gawin mo ang gusto mo," tugon ni Sogbo.

Nang narinig ni Mawu ang pagtatalo ng kaniyang mga anak, tinawag niya ang mga ito. "Hindi ako sumasang-ayon sa inyong pagtatalo. Hindi ko kakampihan ang kahit na sino sa inyo," ang sabi niya sa dalawa. “Kailangang magtulungan kayo tulad ng mga baging sa puno. Magkatali at matibay na nagbibigkis. Pamunuan ninyo ang kalawakan at daigdig na magkasama."

"Sagbata, bilang panganay, ikaw ang mamumuno sa daigdig. Sa iyo mapupunta ang lahat ng aking kayamanan. At sa iyo, Sogbo, bilang bunso, ikaw ang mamumuno sa kalawakan. Tataglayin mo naman ang hindi matatawarang kapangyarihan at lakas. Ngayon humayo kayo't pamunuan ang kalawakan at daigdig nang mapayapa," paliwanag ni Mawu.

Isa-isang isinilid ni Sagbata sa isang malaking lalagyan ang lahat ng para sa kaniya at lahat ng kayamanan ng kaniyang ina. Habang inilalagay ang mga ito, naisip niya, tama ang kaniyang pasya. Iniisip din niya na siya ang panganay at bakit ayaw magpaubaya ni Sogbo. Sabi pa niya, "Wala nang maaaring pumigil sa aking naging pasya na tumira at pamunuan ang daigdig."

Pagkatapos ayusin ang mga dadalhin, sinimulan na niyang maglakbay patungong daigdig. Ngunit habang naglalakbay, naisip niya na sobrang layo pala ng kalawakan sa daigdig. Samantala, naiwan naman sa kalawakan si Sogbo na kasama ang kaniyang ina. Iniisip niya na darating ang panahon na makukuha rin niya ang tiwala ng kaniyang ina. At kapag malaki ang tiwala ng kaniyang ina sa kaniya, madali na ring makuha ang tiwala ng ibang mga diyos sa kalawakan.

Lumipas ang mga taon at ganoon nga ang nangyari. Habang nagninilay-nilay, naisip ni Sogbo, "Ngayon, naganap na ang nais kong mangyari. Ang nais ko na lang makamit ay ang walang hanggang kapangyarihan. Para sa gayon, magagawa ko ang nais kong gawin, walang makapipigil sa akin! At patutunayan ko sa aking kapatid na ako ang pinakamalakas at pinakamakapangyarihan sa lahat! Titiyakin ko na mula sa araw na ito, hindi uulan sa daigdig. Tingnan ko lang ang gagawin ng aking kapatid." Sabay tawa at nagmamalaki sa kaniyang naisip na gagawin.

“Kung hindi pa rin umulan ikamamatay ito ng lahat ng nabubuhay sa daigdig." Naganap nga ang nais ni Sogbo na bunga nito ay tumangis ang mga tao kay Sagbata. "Mula nang pinili mong mabuhay kapiling namin at maging hari namin, hindi umulan sa buong kalupaan. Unti-unti nang natutuyo ang aming mga pananim. Namamatay na sa gutom at uhaw ang aming pamilya!" daing ng isa.

“Huwag kayong mag-alala," tugon ni Sagbata. “Uulan din sa ilang mga araw."

Subalit, hindi pa rin umulan sa mga sumunod na araw. Lumipas ang isa, dalawa, at tatlong taon hindi pa rin umulan. Ganap na nagkaroon ng tagtuyot.

Dalawang nilalang mula sa langit ang bumaba sa lupa upang sabihin sa mga tao ang kapalaran ng daigdig. Pagdating sa kaharian ni Sogbo, agad tinanong ang kapalaran ng daigdig. Agad na binato ng dalawang nilalang ang mga buto ng propesiya sa harapan ng hari at upang makuha ang sagot, biglang humanay ang mga buto. Sinabi ng mga nilalang ng kalawakan kay Sagbata, "Malinaw sa hanay ng mga butong ito na nagkaroon kayo ng alitan ng iyong nakababatang kapatid. May mga bagay kayong hindi pinagkakasunduan. Malinaw sa sinasabi ng mga buto na kung nais mong mabuhay nang payapa ay kailangan mong sumunod sa kaniyang mga nais."

"Hindi ko makita kung paanong mangyayari iyan. Napakalayo ng kalawakan sa daigdig," tugon ni Sagbata. "Napakataas ng mga ulap at wala akong sapat na lakas para umakyat doon. Bago ko lisanin ang kalawakan, pinayagan ako ng aming ina na dalhin ang lahat ng kaniyang yaman dito sa daigdig dahil iyon ang aking karapatan bilang panganay na anak. Dinala ko naman ang lahat. Ano ang dapat kong gawin? Tiyak na hindi maganda ang idudulot ng tagtuyot sa mga nilalang na aking pinamumunuan. May maimumungkahi ka ba?"

"Oo mayroon," tugon ng mga nilalang sa langit. “Tawagin ninyo ang ibong si Wututu, ang mensahero ni Sogbo. Sa kaniya sabihin ang inyong mensahe na iaalay kay Sogbo ang kalahati ng kayamanan ng daigdig kapalit ng tubig. Natitiyak namin na may paraan ang ibon na mapapayag si Sogbo dahil malapit ang ibon sa kaniya."

Tinawag ni Sagbata ang ibong si Wututu. "Sabihin mo sa aking kapatid na pumapayag na kong pamahalaan na niya ang daigdig. Sa kaniya at hindi sa akin tatangis ang bawat pamilya. Siya na ang mamamahala sa bawat bayan," ang bilin ni Sagbata sa ibon.

Pagkarinig ng mensaheng ito, agad na lumipad ang ibon kay Sogbo. Sinabi niya ang mensahe ni Sagbata sa kaniya. Inutusan ni Sogbo si Wututu na sabihin sa kaniyang kapatid, "Bumalik ka sa kaniya at sabihin na nang magpasya siyang kunin ang lahat ng kayamanan ni Ina, hindi na niya naisip na mas makapangyarihan ako. Kaya kong kontrolin ang buong kalawakan at daigdig. Ngayon, kaya ko nang kontrolin ang lahat ng yaman niya. Naisin man niya o hindi. Subalit, sige tatanggapin ko ang kaniyang alay. Pauulanin ko na sa daigdig," ang pahayag ni Sogbo.

Agad na lumipad si Wututu upang ibalita ang mensahe ni Sogbo kay Sagbata. Nasa kalangitan pa lang ang ibon nang biglang dumagundong ang napakalakas na kulog. Pumunit naman sa langit ang matalim na kidlat. Bumuhos ang napakalakas na ulan. Pagdating ng ibon sa kaharian ni Sagbata, alam na niya na tinanggap na ng kaniyang kapatid ang kaniyang alay. Sinabi rin niya sa kaniyang mga nasasakupan na huwag papatayin ang ibon dahil ito ay banal.

Mula sa mga araw na iyon, naging magkaibigan na sina Sagbata at Sogbo. Patuloy na ipinagkaloob ni Sogbo ang ulan sa daigdig. Dahil dito'y naging masagana na muli ang buong kalupaan.

(Sanggunian: Rosenberg, Donna. "WORLD MYTHOLOGY Illinois: Contemporary Group Inc.)

Mula sa Hiyas ng Lahi K-12 Baitang 10
Vibal Publishing



Filipino - Baitang 10: Paano Nagkaanyo ang Mundo (Mitolohiyang Norse)

Paano Nagkaanyo ang Mundo? 

 

Si Odin kasama ang dalawang kapatid na sina Vili at Ve ay nagawang paslangin ang higanteng si Ymir. Ito ang dahilan kaya hindi magkasundo ang mga Aesir at mga higante. Lumikha sila ng isang mundo mula sa katawan nito at iba’t ibang bagay mula sa iba't ibang parte ng katawan nito. 

 

Binuo nila ang gitnang bahagi ng mundo o ang mundo ng mga tao mula sa katawan ng higante. Mula sa laman at ilang buto nito ay lumikha sila ng kalupaan at mga bundok. Ginamit nila ang dugo nito upang makalikha ng karagatan at iba't ibang anyo ng katubigan. Ang mga ngipin at ilang buto nito ay nagsilbing mga graba at hanggahan. Ang bungo nito ay inilagay sa itaas ng mundo at nagtalaga ng apat na duwende sa apat na sulok nito. Ang mga duwendeng ito ay pinangalanang Silangan, Kanluran, Timog, at Hilaga. Ginamit nila ang kilay ni Ymir upang lumikha ng kagubatan sa buong mundo na magpoprotekta upang hindi makapasok dito ang mga higante. Tinawag nila itong Midgard o Middle-Earth. Ang utak ni Ymir ay ginawang mga ulap. 

 

Lumikha sila ng isang lugar para sa mga liwanag na nakakawala sa Muspelheim, isang mundo na nag-aapoy at inilayo nila ito sa mundo. Ang mga liwanag nito ang nagsisilbing mga bituin, araw, at buwan. Ang maitim subalit napakagandang anak na babae ng isang higante na pinangalanang Gabi ay nagkaroon ng anak na lalaki sa diyos na si Aesir at tinawag niya itong Araw. Si Araw ay isang matalino at masayahing bata. Binigyan ng mga diyos sina Gabi at Araw ng kani-kanilang karuwahe at mga kabayo at inilagay sila sa kalangitan. Sila ay inutusang magpaikot-ikot hdbang nakasakay sa mga kabayo nila. Ang mga pawis na tumutulo sa kabayo ni Gabi ay ang nagsisilbing hamog sa umaga. Dahil sa sobrang liwanag at init ni Araw ay naglagay ang mga Diyos ng bagay sa mga paa ng kabayo nito upang hindi ito masunog. May isang mangkukulam na naninirahan sa silangang bahagi ng Middle-Earth na nagsilang ng dalawang higanteng anak na lalaki na nasa anyo ng isang asong-lobo. 

 

Si Sholl ang humahabol sa araw at si Nati naman ang humahabol sa buwan. Ang magkapatid na ito ang dahilan ng paghahabulan ng araw at buwan kaya nagkakaroon ng paglubog at paglitaw ng araw. 

 

Mula sa mga uod sa katawan ni Ymir nilikha ang mga duwende. Ang mga ito ay naninirahan sa mga kuweba sa ilalim ng mundo at naghahatid ng mga bakal, pilak, tanso, at ginto sa mga diyos. Lumilikha rin sina Odin at iba pang mga nilalang tulad ng light-elves na nakatira sa itaas ng mundo na tinatawag na Alfheim, mga diwata at espiritu at pati na rin mga hayop at isda. Ito ang simula ng pagkakaroon ng anyo ng mundo. 


Mula sa DepEd Modyul Baitang 10, 2015 

Hiyas ng Lahi K-12 Baitang 10

Vibal Publishing

Pahina 106