Paano Nagkaanyo ang Mundo?
Si Odin kasama ang dalawang kapatid na sina Vili at Ve ay nagawang paslangin ang higanteng si Ymir. Ito ang dahilan kaya hindi magkasundo ang mga Aesir at mga higante. Lumikha sila ng isang mundo mula sa katawan nito at iba’t ibang bagay mula sa iba't ibang parte ng katawan nito.
Binuo nila ang gitnang bahagi ng mundo o ang mundo ng mga tao mula sa katawan ng higante. Mula sa laman at ilang buto nito ay lumikha sila ng kalupaan at mga bundok. Ginamit nila ang dugo nito upang makalikha ng karagatan at iba't ibang anyo ng katubigan. Ang mga ngipin at ilang buto nito ay nagsilbing mga graba at hanggahan. Ang bungo nito ay inilagay sa itaas ng mundo at nagtalaga ng apat na duwende sa apat na sulok nito. Ang mga duwendeng ito ay pinangalanang Silangan, Kanluran, Timog, at Hilaga. Ginamit nila ang kilay ni Ymir upang lumikha ng kagubatan sa buong mundo na magpoprotekta upang hindi makapasok dito ang mga higante. Tinawag nila itong Midgard o Middle-Earth. Ang utak ni Ymir ay ginawang mga ulap.
Lumikha sila ng isang lugar para sa mga liwanag na nakakawala sa Muspelheim, isang mundo na nag-aapoy at inilayo nila ito sa mundo. Ang mga liwanag nito ang nagsisilbing mga bituin, araw, at buwan. Ang maitim subalit napakagandang anak na babae ng isang higante na pinangalanang Gabi ay nagkaroon ng anak na lalaki sa diyos na si Aesir at tinawag niya itong Araw. Si Araw ay isang matalino at masayahing bata. Binigyan ng mga diyos sina Gabi at Araw ng kani-kanilang karuwahe at mga kabayo at inilagay sila sa kalangitan. Sila ay inutusang magpaikot-ikot hdbang nakasakay sa mga kabayo nila. Ang mga pawis na tumutulo sa kabayo ni Gabi ay ang nagsisilbing hamog sa umaga. Dahil sa sobrang liwanag at init ni Araw ay naglagay ang mga Diyos ng bagay sa mga paa ng kabayo nito upang hindi ito masunog. May isang mangkukulam na naninirahan sa silangang bahagi ng Middle-Earth na nagsilang ng dalawang higanteng anak na lalaki na nasa anyo ng isang asong-lobo.
Si Sholl ang humahabol sa araw at si Nati naman ang humahabol sa buwan. Ang magkapatid na ito ang dahilan ng paghahabulan ng araw at buwan kaya nagkakaroon ng paglubog at paglitaw ng araw.
Mula sa mga uod sa katawan ni Ymir nilikha ang mga duwende. Ang mga ito ay naninirahan sa mga kuweba sa ilalim ng mundo at naghahatid ng mga bakal, pilak, tanso, at ginto sa mga diyos. Lumilikha rin sina Odin at iba pang mga nilalang tulad ng light-elves na nakatira sa itaas ng mundo na tinatawag na Alfheim, mga diwata at espiritu at pati na rin mga hayop at isda. Ito ang simula ng pagkakaroon ng anyo ng mundo.
Mula sa DepEd Modyul Baitang 10, 2015
Hiyas ng Lahi K-12 Baitang 10
Vibal Publishing
Pahina 106
No comments:
Post a Comment