Thursday, August 5, 2021

Filipino - Baitang 10: Alim (Epiko ng Ifugao)

Alim

(Ifugao) 

Noong unang panahon ang tao ay masagana, maligaya, at tahimik na namumuhay. Ang daigdig ay pawang kapatagan ang namamalas maliban sa dalawang bundok: ang Bundok Amuyaw sa Silangan at Bundok Kalawatan sa Kanluran. Doon naninirahan sa pagitan ng dalawang bundok na ito ang mga taong walang mga suliranin tungkol sa kabuhayan. Ang mga pagkain ay nasa paligid lamang nila. Mga biyas ng kawayan ang kanilang pinagsasaingan. Malaki rin ang butil ng kanilang bigas.

Ang kanilang inumin ay nanggagaling sa katas ng tubo na kung tawagin ay bayak. Kung nais nila ang ulam na isda ay sumasalok lamang sila sa sapa.

Maamo ang mga usa at baboy-ramo kaya madaling hulihin kung nais nilang kumain nito. Anupa't kahit na ano ang maisipan nilang pagkain ay naroon at sagana.

Subalit dumating sa kanilang buhay ang isang napakalungkot na pangyayari. Nagkaroon ng tagtuyot. Hindi man lamang pumatak ang ulan. Namatay ang tahat ng mga halaman at ang mga hayop. Nangamatay rin ang ilang mga tao sa uhaw at gutom.

Naisip ng iba na hukayin ang tubig. Dahil sa lakas ng pagbalong ng tubig ay may mga namatay. Nagdiwang din ang mga tao kahit may mga nangamatay sapagkat sila'y may tubig na. Subalit hindi mahinto ang patuloy na pagbalong ng tubig hanggang sa mangalunod ang lahat ng tao maliban sa magkapatid na Wigan at Bugan. Ang lalaki, si Wigan, napadpad sa Bundok Amuyaw at ang babae si Bugan, ay ipinadpad ng baha sa Bundok ng Kalawitan. Sa wakas ay humupa rin ang baha. Si Bugan ay nakapagpaningas ng apoy at ito ay nakita ni Wigan. Sumampa si Wigan sa Bundok ng Kalawitan at nagkita silang magkapatid. Naglakbay sila sa iba't ibang pook upang maghanap ng mga tao subalit wala silang natagpuan ni isa man. Nagtayo si Wigan ng isang kubo at doon niya iniwan si Bugan at siya'y nagpatuloy pang muli sa paghahanap. Sa wakas ay napagtanto niyang sila lamang dalawang magkapatid ang natira sa daigdig. Lumipas ang panahon at naramdaman ni Bugan na siya'y nagdadalantao. Dala ng kahihiyan sa sarili ay naisip niyang magpatiwakal subalit hinadlangan siya ng kanilang bathala, si Makanungan.

Ikinasal silang magkapatid at sinabing ito'y hindi kasalanan sapagkat iyon lamang ang paraan upang dumaming muli ang tao sa daigdig.

Nagkaanak sila ng siyam, apat na babae at limang lalaki. Ikinasal ang apat na babae sa unang apat na lalaki kaya't ang huling lalaki o bunso ay walang naging asawa. Ang ngalan ng bunsong ito ay si Igon.

Sumapit ang panahong nagkaroon ng tagtuyot. Wala silang makain. Naisip nilang dumulog kay Makanungan. Bilang handog sa Bathala ay nanghuli si Wigan ng isang daga at inihandog sa Bathala. Nang hindi sila kaawaan ng si Wigan ng isang daga at inihandog sa Bathala. Nang hindi sila kaawaan ng Bathala ay iginapos si Igon at pinatay upang ihandog naman sa Bathalang Makanungan. Nilunasan ni Makanungan ang tagtuyot at dumalo pa sa kanilang Makanungan. Nilunasan ni Makanungan ang tagtuyot at dumalo pa sa kanilang handaan subalit laban sa kaniyang kalooban ang ginawa nila kay Igon. Dahil daw sa ginawa nilang iyon kay Igon ay parurusahan sila. Ang angkan nila ay magkakahiwalay. Ang magkakapatid na mag-asawa ay magtutungo sa hilaga, sa timog, sa silangan, at sa kanluran. At sa pagkakataong sila'y magtatagpo-tagpo ay mag-aaway-away at maglalaban-laban sila, ito raw ang sumpa ni Makanungan na tumalab sapagkat kahit ngayon, ang magkakapatid, mag-aasawa, magpipinsan, o magkakamag-anak ay naglalaban-laban.


Hiyas ng Lahi K-12 Baitang 10

Vibal Publishing



No comments:

Post a Comment