Thursday, August 5, 2021

Filipino - Baitang 10: Sagbata at Sogbo (Mitolohiya ng Africa)

Sagbata at Sogbo

Ang mitong ito na mula sa Hilagang Africa ay tungkol sa nakatakdang pamumuno ng magkapatid na Sagbata at Sogbo, ngunit nagkaroon ng suliranin dahil sa magkaiba nilang katangian.
Inihabilin ni Mawu (Ang Dakila) sa kaniyang mga anak na lalaki na sina Sagbata at Sogbo ang pamamahala ng kalawakan at daigdig matapos niyang likhain ito. Hindi magkasundo ang dalawa, maraming bagay silang hindi pinagkakasunduan.

Nagkaroon sila ng matinding pagtatalo. Sinabi ni Sagbata, ang nakatatanda, "Buo na ang aking pasya, pupunta na ako sa daigdig na aking pamumunuan. Dahil dito, kukunin ko ang lahat ng dapat sa akin. Doon na ako sa daigdig at doon na ako titira. Sinasabi ko sa iyo, Sogbo na aking kapatid, na kailangang kunin ko ang lahat ng yaman ni Ina. Karapatan ko iyon dahil ako ang nakatatandang anak."

"Sige, gawin mo ang gusto mo," tugon ni Sogbo.

Nang narinig ni Mawu ang pagtatalo ng kaniyang mga anak, tinawag niya ang mga ito. "Hindi ako sumasang-ayon sa inyong pagtatalo. Hindi ko kakampihan ang kahit na sino sa inyo," ang sabi niya sa dalawa. “Kailangang magtulungan kayo tulad ng mga baging sa puno. Magkatali at matibay na nagbibigkis. Pamunuan ninyo ang kalawakan at daigdig na magkasama."

"Sagbata, bilang panganay, ikaw ang mamumuno sa daigdig. Sa iyo mapupunta ang lahat ng aking kayamanan. At sa iyo, Sogbo, bilang bunso, ikaw ang mamumuno sa kalawakan. Tataglayin mo naman ang hindi matatawarang kapangyarihan at lakas. Ngayon humayo kayo't pamunuan ang kalawakan at daigdig nang mapayapa," paliwanag ni Mawu.

Isa-isang isinilid ni Sagbata sa isang malaking lalagyan ang lahat ng para sa kaniya at lahat ng kayamanan ng kaniyang ina. Habang inilalagay ang mga ito, naisip niya, tama ang kaniyang pasya. Iniisip din niya na siya ang panganay at bakit ayaw magpaubaya ni Sogbo. Sabi pa niya, "Wala nang maaaring pumigil sa aking naging pasya na tumira at pamunuan ang daigdig."

Pagkatapos ayusin ang mga dadalhin, sinimulan na niyang maglakbay patungong daigdig. Ngunit habang naglalakbay, naisip niya na sobrang layo pala ng kalawakan sa daigdig. Samantala, naiwan naman sa kalawakan si Sogbo na kasama ang kaniyang ina. Iniisip niya na darating ang panahon na makukuha rin niya ang tiwala ng kaniyang ina. At kapag malaki ang tiwala ng kaniyang ina sa kaniya, madali na ring makuha ang tiwala ng ibang mga diyos sa kalawakan.

Lumipas ang mga taon at ganoon nga ang nangyari. Habang nagninilay-nilay, naisip ni Sogbo, "Ngayon, naganap na ang nais kong mangyari. Ang nais ko na lang makamit ay ang walang hanggang kapangyarihan. Para sa gayon, magagawa ko ang nais kong gawin, walang makapipigil sa akin! At patutunayan ko sa aking kapatid na ako ang pinakamalakas at pinakamakapangyarihan sa lahat! Titiyakin ko na mula sa araw na ito, hindi uulan sa daigdig. Tingnan ko lang ang gagawin ng aking kapatid." Sabay tawa at nagmamalaki sa kaniyang naisip na gagawin.

“Kung hindi pa rin umulan ikamamatay ito ng lahat ng nabubuhay sa daigdig." Naganap nga ang nais ni Sogbo na bunga nito ay tumangis ang mga tao kay Sagbata. "Mula nang pinili mong mabuhay kapiling namin at maging hari namin, hindi umulan sa buong kalupaan. Unti-unti nang natutuyo ang aming mga pananim. Namamatay na sa gutom at uhaw ang aming pamilya!" daing ng isa.

“Huwag kayong mag-alala," tugon ni Sagbata. “Uulan din sa ilang mga araw."

Subalit, hindi pa rin umulan sa mga sumunod na araw. Lumipas ang isa, dalawa, at tatlong taon hindi pa rin umulan. Ganap na nagkaroon ng tagtuyot.

Dalawang nilalang mula sa langit ang bumaba sa lupa upang sabihin sa mga tao ang kapalaran ng daigdig. Pagdating sa kaharian ni Sogbo, agad tinanong ang kapalaran ng daigdig. Agad na binato ng dalawang nilalang ang mga buto ng propesiya sa harapan ng hari at upang makuha ang sagot, biglang humanay ang mga buto. Sinabi ng mga nilalang ng kalawakan kay Sagbata, "Malinaw sa hanay ng mga butong ito na nagkaroon kayo ng alitan ng iyong nakababatang kapatid. May mga bagay kayong hindi pinagkakasunduan. Malinaw sa sinasabi ng mga buto na kung nais mong mabuhay nang payapa ay kailangan mong sumunod sa kaniyang mga nais."

"Hindi ko makita kung paanong mangyayari iyan. Napakalayo ng kalawakan sa daigdig," tugon ni Sagbata. "Napakataas ng mga ulap at wala akong sapat na lakas para umakyat doon. Bago ko lisanin ang kalawakan, pinayagan ako ng aming ina na dalhin ang lahat ng kaniyang yaman dito sa daigdig dahil iyon ang aking karapatan bilang panganay na anak. Dinala ko naman ang lahat. Ano ang dapat kong gawin? Tiyak na hindi maganda ang idudulot ng tagtuyot sa mga nilalang na aking pinamumunuan. May maimumungkahi ka ba?"

"Oo mayroon," tugon ng mga nilalang sa langit. “Tawagin ninyo ang ibong si Wututu, ang mensahero ni Sogbo. Sa kaniya sabihin ang inyong mensahe na iaalay kay Sogbo ang kalahati ng kayamanan ng daigdig kapalit ng tubig. Natitiyak namin na may paraan ang ibon na mapapayag si Sogbo dahil malapit ang ibon sa kaniya."

Tinawag ni Sagbata ang ibong si Wututu. "Sabihin mo sa aking kapatid na pumapayag na kong pamahalaan na niya ang daigdig. Sa kaniya at hindi sa akin tatangis ang bawat pamilya. Siya na ang mamamahala sa bawat bayan," ang bilin ni Sagbata sa ibon.

Pagkarinig ng mensaheng ito, agad na lumipad ang ibon kay Sogbo. Sinabi niya ang mensahe ni Sagbata sa kaniya. Inutusan ni Sogbo si Wututu na sabihin sa kaniyang kapatid, "Bumalik ka sa kaniya at sabihin na nang magpasya siyang kunin ang lahat ng kayamanan ni Ina, hindi na niya naisip na mas makapangyarihan ako. Kaya kong kontrolin ang buong kalawakan at daigdig. Ngayon, kaya ko nang kontrolin ang lahat ng yaman niya. Naisin man niya o hindi. Subalit, sige tatanggapin ko ang kaniyang alay. Pauulanin ko na sa daigdig," ang pahayag ni Sogbo.

Agad na lumipad si Wututu upang ibalita ang mensahe ni Sogbo kay Sagbata. Nasa kalangitan pa lang ang ibon nang biglang dumagundong ang napakalakas na kulog. Pumunit naman sa langit ang matalim na kidlat. Bumuhos ang napakalakas na ulan. Pagdating ng ibon sa kaharian ni Sagbata, alam na niya na tinanggap na ng kaniyang kapatid ang kaniyang alay. Sinabi rin niya sa kaniyang mga nasasakupan na huwag papatayin ang ibon dahil ito ay banal.

Mula sa mga araw na iyon, naging magkaibigan na sina Sagbata at Sogbo. Patuloy na ipinagkaloob ni Sogbo ang ulan sa daigdig. Dahil dito'y naging masagana na muli ang buong kalupaan.

(Sanggunian: Rosenberg, Donna. "WORLD MYTHOLOGY Illinois: Contemporary Group Inc.)

Mula sa Hiyas ng Lahi K-12 Baitang 10
Vibal Publishing



No comments:

Post a Comment