Sa Burma Lahat na Lang Ipinagbibili
ni Maria Sanda
(salin ni Pamela Constantino)
Bahay A
“Aye Khin!”
“Ano po iyon Ma'am?”
“Pumunta ka sa palengke mamayang hapon.”
“Opo, Ma'am.”
“Dalhin mo 'yung dalawang lata ng biskwit na nasa ibabaw ng paminggalan. Ingatan mong hindi 'yung bukas na lata ang madala mo.”
“Alam ko kung alin doon--'di ba 'yun iyong ibinigay sa inyo nung matabang lalaki noong isang araw?”
“Oo. Habang nandoon ka, kunin mo na rin ang lata ng apple sauce at ang malaking botelya ng katas ng prutas. Iwan mo ang mga pasas. Gusto iyon ni Sonny Boy.”
“Opo Ma'am.”
“Magtanung-tanong ka sa palengke at ipagbili mo ang mga iyon nang mahal. Huwag kang bumalik pagkaraan lang ng pagtatanong sa isang tindahan paris ng ginagawa mo dati sa sigarilyong Duya.”
“Naintindihan ko po.”
“A, at may iba pa akong bote ng Red Label na Wiski na ipinadala ng embassy noong Bagong Taon. Alamin mo ang presyo noon at ipagbili mo. Kung hindi mo maipagbili sa ganoong presyo, sabihin mo hindi mo ipagbibili.”
“Sige po.”
Bahay B
“Ko, Ko, Mahal.”
“O?”
“Kulang na ang pera ko para sa mga gagastusin sa bahay.”
“Pero, ika-10 araw pa lang ng buwan.”
“Alam mo naman ang hirap ng buhay ngayon. Masuwerte tayo nagkakasya ang sweldo mo sa ikatlong parte ng buwan.”
“Oo, alam ko. Umaasa sana ako na hindi ko na sana ipagbibili ang rasyon natin sa gasolina hanggang sa bayaran sa eskwelahan ng mga bata, pero siguro kailangan na itong gawin.” “Humanap ka na lang ng ibang pagkukunan ng pambayad doon.”
“Oo, alam ko. Alam ko. Mabuti na lang mahal ang gasolina ngayon.”
Bahay C
“Ano ba iyan, Nanay, masyado kang naaadik sa dyaryo.”
“Siyempre. Kung magagawa ko, bibilhin kong lahat ang mga iyon. Mababasa ko na, kikita pa ako.”
“Meron pa akong mga lumang kwaderno noong isang taon. Sa susunod, bakit hindi mo ipagbili ang mga iyon kasama ng mga dyaryo?”
“Akala ko gusto mong itago ang mga iyon?”
“Hindi na. Dahil napakamahal ngayon ng papel, dapat idispatsa mo na ang mga iyan. Tapos...” “Tapos, ano?”
“Tapos, sa napagbilhan mo, ipagluto mo kami minsan ng masarap na chicken curry.”
Bahay D
“Hoy, huwag mong itapon ang papel na iyan kahit punit na. Maipagbibili ko nang mahal ang punit na papel.”
“Grabe ka namumulot ka ng basura.”
“Tama... kasi maipagbibili ko ang mga 'basura' para ipambili naman ng iluluto kong daing na isdang curry.”
“Tignan mo ang 'baul ng kayamanan' ng kapatid nating babae!”
“Puno iyan ng mga punit na papel, lumang laruang plastik...”
“Aba, 'di ba itong lumang sandalyang ito ang kagat-kagat ng aso nung isang araw?” “Mabibili ang mga ito. Ano ba ang alam mo sa pagtitinda?”
“Aba, tignan mo—gamit na baterya, pundidong bumbilya.”
“Siyempre, may bumibili rin niyan.”
“...lumang botelya ng kyutiks, 10 basyo ng pangguhit sa mata.”
“Eh ano? Bahala ako kung ano ang gusto kong ipagbili. Siyempre. May bumibili rin niyan. Wala akong itinatapon. Lahat naipagbibili.”
“Ano 'yun?”
“Ano, ang inidoro sa kubeta. He, he.”
Bahay E
“Di ba mahigit sampung taon na tayong kasal?”
“Oo naman.”
“Pero hindi mo pa rin matandaan ang mga bagay na gusto ko.”
“Aba, alam ko. Alam ko na gusto mo ng mararangyang bagay.”
“E, bakit ipinagbibili mo 'yung mga mamahaling sigarilyong Duya at mga pakete ng asukal na iniuwi mo mula sa opisina?”
“Alam na alam mo naman kung bakit.”
“Kahit minsan lang, di mo ba ako mapainom ng kape?”
“Sige, may asukal tayo, pero paano ang gatas? At paano ang mismong kape?” “E, kung gayon,, bakit hindi mo ako pahithitin ng sigarilyong Duya?”
“Nagpapakanser iyon sa baga.”
“Alam kong hindi ang kalusugan ko ang inaalala mo, maliwanag iyan.”
“Alam mo pala, eh, huwag ka nang mangulit.”
“Alam kong talagang hindi ka naman maramot, mahal.”
“Kung alam mo pala, bakit nangungulit ka sa mga bagay na hindi naman natin kayang bilhin?”
Bahay F
“Nagmamalaki ka yata, Daw Khin Tin?”
“A, kakakuha ko lamang ng dalawang bareta ng sabon na rasyon ko sa opisina, at ipagbibili ko ito sa palengke.”
“Hindi ka laging nakakukuha ng sabon. Hindi mo ba ito kailangan sa bahay?”
“Kailangan namin, siyempre. Pero makararaos kami ng walang sabon pero hindi kung walang kanin sa hapag-kainan.”
Bahay G
“Talagang napakaganda niyang mga telang longyi.”
“Masarap pa sa katawan. Tinanong ko nga ang presyo ng ganoong kahaba sa tindahan— sandaang kyat.”
“Hindi ba iyan 'yung nakapaskil na presyo? Siyempre naman pwedeng tumawad.” “E, nagtanong ako sa tindahan na fixed-price. 120 kyat ito dun. Dahil binili ko iyon sa pamamagitan ng opisina at inayos kong huhulugan buwan-buwan, magiging 40 kyat ang bayad ko sa isang buwan. Tatlong buwan ko itong huhulugan.”
“Naayos mo na ba ang pagbabayad?”
“Hindi pa. Gagawin kong tuwing katapusan na lang ako susuweldo. Pero kailangang-kailangan ko ang cash. Kaya ipinagbibili ko ito.”
“Sige, bibilhin ko ng 80 kyat.”
“Nagbibiro ka yata! Gawin mong 90 man lang. Hindi mo makukuha iyan sa palengke sa ganyang presyo.”
“O, di sige. Pero dahil lang sa iyo kaya bibilhin ko iyon sa ganyang presyo. Hindi ko naman gustong-gusto ang tela.”
“Salamat, maraming salamat, mahal. Sana'y humaba pa ang buhay mo at maging malusog ka. Sana'y lalo ka pang yumaman taun-taon. Pagpalain ka, pagpalain ka, anak.”
Sanggunian: Filipino || Sa Burma Lahat na Lang Ipinagbibili
Karizza Anika Intal © 2015 || teacherkarizza.wordpress.com
No comments:
Post a Comment