Anyaya ng Imperyalista
Mahigpit ang paanyaya mo,
Ang di pagdalo maaaring ipagtampo.
Sabi ng tarheta, huwag na hindi dumating
Kinabukasan mo ang isa sa mga hain.
Habol pang sulat nagsasabing
Akong-ako lamang ang panauhin.
Naniwala ako, kinilig pa mandin,
Sa Wakas, isang marinas ang nakapansin.
Bumili ako ng bagong damit,
Nakipagtipan sa meyk-ap artist:
Sa suot at ayos, kailangan 'da bes'
Upang di mapintasan ng pinoprospek.
Ay siya nga pala, siya ang boş ng kompanya
Tira ado nang tira'y di n'yo pa kilala.
Hanep sa yaman, huwag mong isnabin,
Ang daming asyenda, katakut-takot ang bilding.
Balita ko pa nakasawsaw siya,
Sa mga konsesyon ng gobyerno sa abono at troso.
Kaya naman nang hapong dumating ang anyaya,
Puso't isip ko'y naging alisaga.
Inilibot ado ng libong lirip,
Nagumong mabuti sa pananabik;
Ang pobre talaga kung dinadangal
Wisyo'y tumitiwalag sa katawan.
Sa silakbo ng tuwa, katwira'y nauutas
Umaalindog ang pagkapahat.
Sumapit ang hapunang sa kalendaryo'y nahunos,
Inukilkil ako ng telepono't relos-
Hinuhugot ko ang buntonghininga
Hangga't di nararating ang pook na pinetsa.
At naroon na nga siya,
Tunay na maginoong may papiyesta.
Tumayo siyang gaya ng nararapat,
Ang panauhin, sinalubong agad.
Iniabot ang pålad sa aking naglilipak,
Halos tumakas ang aking ulirat.
Kayganda, kayrangya, ng buong paligid,
Ang loob ng silid, tila panaginip.
May nakasabit na Amorsolo't Manansala,
Puro 'orig', hindi kopya.
May lilac na Navarro, Saprid at Joya,
Esperenza't Bechaves ang mga bulaklak na nagdipa.
Nakatuksedong itim an aking host,
Pakiramdam ko sa sarili'y dumi sa sulok.
Noon kumatok ang alinlangan,
Ano ba ang dahil nitong hapunan?
Ngayong inihahambing ang sarili sa paligid,
Natastas ang tuwa ko't balisa'y bumahid.
Naalala ang pluma at pangalang naiwan
Sa isang munting hapag ng upahang-silid.
Mula nga pala nang paanyaya'y dumating,
Langhap ng talinhaga'y nawala są hangin,
Pinangaw ng pangrap ang makinilyang himig,
Nakipil na rin ang hiyaw ng dibdib.
"Maupo ka," sabing magiliw nitong ginoo
Na may lagda't salitang ipinanganganino.
Samsam ng takot na ako'y sumunod,
Isa mang kataga'y di naibuntot.
"Magilas na magilas, kung ika'y manalutod,
Ang daing ng dusta'y naihihimutok.
Lahat kaming kampante't bantulot
Inuutas mo sa tahimik na puyos,"
Natulos ako sa pagkakaupo,
Nasulsihan ang labi't mata'y iniyuko.
Dayuhan pala'y malas sa tulain
Niring bayan kong alaga ng dilim.
Noon nasalab ng tanto ang puso,
Ito'y paanyayang kinulit ng kuro.
Para namang nabasa ang isip,
Sabi mo'y huwag akong pahamıg sa inip.
"ang toto,"pagtatapat mo,
"Matagal na akong hanga są'yo.
May salansan ka ng salitang talagang pambihira.
Pumapangit na lalo ang pangit,
Nasusulsulan mo ang dapat magalit.
Tuwang-tuwa ako sa iyo noong una,
Okey lang, ikako, kung may kumakasa."
Kalkulado ang tinig ng may-paanyaya,
Tinatabsing ang dugo kong nawala ng sigla.
Nagkakanulo ang tinig ng ginoo
Ginigiyagis ako hanggang buto.
"Sabi nila, kayong mga Pinoy, okey makisama,
Kahit ipangutang, pakakanin ang bisita.
Marunong daw kayong mangutang ng loob,
Habambuhay nang nagbabayad, di pa makatapos.
Dito ko ibinatay ang mabangong programa,
Bigyan ng dyaaket ang kontra-kapitalistal
Ginawa kong toto ang allmakt ng snow,
Nakita mo ang New York at Chicago."
Kumukudlit sa gunita ang iniandot na biyaya,
Galing sa langit, iyon ang akala.
Ang langit pala'y itong kaharap,
Abot-mata't abot-hawak
Ngunit di magagap ng diwang pahat.
Ibig kong noo'y hubarin ang danas,
Sabihin sa balat, limutin ang yakap
Ng mga kaibigang doo'y nahanap.
"ngunit ano ang ginawa mo?"
Patuloy ang imperialist sa kanyang litanya.
"Binansagan mo akong kultura ng kubeta,
Isang lobong nakasuot-tupa."
"At ang hapuna'y isang pakana?"
Kumakatok ang poot sa aking diwa.
"Di ba't sa dyanket, ika'y nagpasasa?
Ngunit nang magbalik, di tumingala,
Sa aking bahay, limang buwan kang tumahan.
Munti mang pasalamat, di ka naringgan.
Dapat bang ipagpasalamat ang aking pagbabago?
Umuwi akong hindi na ako.
Panitikan mo ang iginuguhit ng aking panulat
Dila koy pagkain mo ang hinahanap.
Pati ang wika kong dati'y matatas
Nakabuhol ang salita mong hindi ko mabaklas.
Anino kitang kinakaladkad
Naitatago lamang kung walang liwanag.
Kailangan kang puksain sa aking pagkatao,
"Kailangan iwaglit ng aking anino."
Umuusok ang halakhak ng ginoo,
Humigpit ang tikom ng aking kamao.
"Ngayo'y naloko mo na naman ako.
Alam na alam mo kung paano manghamak
Pagkat napipihong bituka'y sumasala
At ang ganitong anyaya'y mabibihira.
Alam mo ring ikasasanhi ng pagmamalaki
Dahil pinuno kang pumansin ng pulubi."
Muli'y sumagot ang isang halaklak,
Nahahagkis ang dingding sa sobrang lakas.
Umilap ang mata ko sa pag-alab ng hangad,
Kailangang sa pagsubok ako'y lumagpas.
Tinakbo ko ang pinto, Ngunit sumara,
Isang pinto lang ng remote ang aking pag-asa.
"Gahasa ba?" kinipil ko sa tinig ang kaba.
"Hindi na ako donselya!
Marami nang dayuhan ang nauna!
Naanakan na ako, hindi lang buko."
"Sampu sampera. "Di ko papatusin
Kahit ka mamanata!"
At ako'y nalibid sa isang iglap
Ng isang matalim na liwanag.
Isang magaang na koryente ang gumapang sa balat,
Sa bawat gala koy humihigpit ang banat.
Isang hapunan ang aking dinaluhan,
Ako pala ang pagkaing lalantakan.
una akong nabiyak sa tiyan,
Lumuwa ang atay ng pangangailangan.
Nasiyahan mandin sa lumobong minudensiya,
Sinimulang tanggalin ang apdo at bituka.
Sa pait nakatanim ang aking pasya,
Sa asim nakahulma ang pagnanasa.
Nagkulapol ang dugo sa kanyang bunganga,
Ang daliri'y basa ng lawaai ko't luha.
Nililipatan ng talahib ang labi kong Batingaw,
Nagtutundos ng krus
Ang pangarap na tumiwangwang.
Kagat dito, kagat doon,
Umabot siya hanggang puson.
Dapat siyang masiyahan,
Doon ako nagkapangalan.
Ang puson ang nagbibigay ng depinisyon,
Bahay-bata ang nagbubukas ng pagkakataon.
"Ito ang pinakamasarap na bahay."
Namumuwalang huminto ang lalaki.
Ipinikit ko ang mga mata, kailangang
Igalang ang alaala.
Nakaukit sa dingding ng matris
Ang pumasong liyab, ang dumaang danas,
Talisuyong sa bungo'y tumarak
Nakalibing sa siwang ng buwanang danas.
Ulo't galamay na lamang ako,
Buhay pa ri't di namimiligro.
Tumatangging pahamig ang aking isip,
Sa mukha ko'y di puputla ang silahis.
Kuwadradong may pinta ang malay,
Paksa'y ako ring ayaw mamatay.
Saka binalingan ng mandarambong
Ang kanan kong kamay.
Hinlalaki't hintuturo'y pinangos.
Umaringking ako sa sakit na sumudsod.
Ito na, ito na, ang aking krus.
Maginoong Imperyalista!
Lahat na ng bahagi ko huwag lang ang kanang kamay,
Huwag lang ang nagsusulat na kamay!
Daliri ang ina ng madlang salita,
Daliri ang humuhugis niring talinghaga.
Hindi pa nga natatapos ang salita ko.
Isa pang hinlalak't hintuturo
Ang sa napangal na ibahagi'y tumubo.
Ang dalawa'y muling kinagat,
Ang hinlalato'y isinama pa.
Ilang saglit lamang at muling napalitan
Ang tatlong nilapang niya.
Nginatngat ako ng kirot.
Sa utak, ang sakit, matinding sumusuyod.
Damang-dama kong napipigtas ang daliri,
Nililingis ng ngipin, dinuduhagi.
Wari'y naghahamon sa pagkasiphayo.
Mahihikayat na naman ang gutom na ginoo,
Bawat daliring bumukad
Kinakagat nang walang puknat.
Ginoo,
Walang katapusang paghihirap.
Walang katapusang hamong
Sa aki'y humahagilap.
Magsasawa't mapapagod ka sa pagpanghal,
Mauutas akong ganap
Sa kirot,
Sa lumbay,
Ngunit poot ko'y yayabong,
Tutubong patuloy
Sa sinapupunan ng bumabangong laksang kamay-
Kaliwa't kanan
Pati mga paa kung minsan-
Susubo maging sa libu-libong mata't bibig
Hanggang magtarak ng iba't ibang tunog,
Ritmo at lirip
Sa milyun-milyong papel,
Hanggang magbangong kamao
Yang di mabilang na mga kamay:
Sisikil sa'yo
Sasakal,
Sasakmal.
https://www2.hawaii.edu/~mabanglo/poemsInTagalog.htm
No comments:
Post a Comment