Saturday, July 17, 2021

Filipino - Baitang 8: Ang Manggagawa (Tula )



Ang Manggagawa

Jose Corazon de Jesus


Bawat palo ng martilyo sa bakal mong pinapanday,

Alipatong nagtilamsik, alitaptaip sa karimlan

Mga apoy ng pawis mong sa bakal kumikinang,

Tandang ikaw ang may gawa nitong buong santinakpan.


Nang tipakin mo ang bato ay natayo ang katedral

Nang pukpukin mo ang tanso ay umugong ang batingaw

Nang lutuin mo ang ilk ang salapi ay lumitaw

Si Puhunan ay gawa mo, kaya ngayo'y nagyayabang.


Kung may ilaw na kumislap ay ilaw ng iyong Tadyang

Kung may gusaling maangat, tandang ikaw ang pumasan

Mula sa duyan ng bata ay kamay mo ang gumalaw

Hanggang hukay ay gawa mo ang kurus na nakalagay.


Kaya ikaw ay marapat dakilain at itanghal,

Pagkat ikaw ang yumari nitong buong kabihasnan,

Bawat patak ng pawis mong yumayari ng dangal

Dinadala mo ang lahi sa luklukan ng tagumpay...


Mabuhay ka nang buhay na walang wakas, walang hanggan

At hinto ang pag-ikot nitong mundo pag namatay.


Mula sa: Hiyas ng Lahi K-12 Baitang 8. Vibal Publishing

No comments:

Post a Comment