Kaligirang Pangkasaysayan ng Tula
Bago dumating ang mga Espanyol, ang mga katutubong tula ay maiikli, may sukat, tugma, indayog, at talinghaga. Ang pagkahilig na ito sa tula ng mga katutubo ay kinasangkapan ng mga misyonero.
Sumasalamin sa tula ang mga karanasan ng indibidwal at ng kaniyang lipunan.
Si Lord Macaulay na isang makata ang nagsimulang magsulat ng mga tungkol sa larawan. Pinaksa niya ang makabuluhang karanasan ng mga tao sa mga pamayanan, mga karanasang bumubuo sa katotohanan ng buhay na hindi pa naiimpluwensiyahan ng mga dayuhan. Hinango sa pang-araw-araw na buhay—sa pangingisda, pangangalakal, pagsasaka, paghahabi, paglalaro, pagliligawan, at iba pa ang naging paksa ng mga unang tula. Binibigkas ang mga bugtong, palaisipan, epiko, salawikain, kawikaan, at kasabihan hindi sa mga pribadong silid kundi sa pagtitipong dinadaluhan ng buong pamayanan. “Nakapagbibigay ng aliw at aral kapag pinakikinggan ng mga tao na sama-samang nakikibahagi sa mga pangyayari o damdaming nilalaman ng nasabing mga tula,” ayon kay Rufino Alejandro.
Sa pagdating ng mga Espanyol, nanatili pa ring buhay ang ating mga tula. Hindi ito lingid sa mga Espanyol. Kaya’t upang mapaunlad nila ang pagpapalaganap ng bagong pananampalatayang pinamahalaan ng Katolika Apostolika Romana, unti-unti nilang pinag-aralan ang mga tulang binabanggit ng ating mga ninuno sa lahat ng pagkakataon at sa lahat ng pangyayari. Dala marahil ng di-kasanayan ng kanilang dila sa bigkas ng mga salitang Tagalog o kaya’y dahil sa kanilang paghahangad na maipasok agad ang relihiyon ay halos nawala na tuloy ang katutubong katangian ng matatandang uri ng panitikan sa pagkakasalin nito sa titik abecedario.
Ilan sa mga tula nating lumaganap sa Panahon ng Espanyol ay Awit, Korido, Pasyon, Karagatan, at Duplo. Sa panahon naman ng Propaganda at Himagsikan, pumasok na ang diwang libéralismo. Kalimitang paksa ng mga tula ay pampolitika, tungkol sa kalayaan at tungkol sa katarungan. Dito na lumabas ang mga tula nina Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar, Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Apolinario Mabini, at iba pa. Tagalog ang wikang namayani sa mga tulang isinulat maging sa iba pang akda.
Sa paglipas ng panahon, dumating ang mga Amerikano. Ang mga diwang naging kalakaran sa panitikan, kasama na ang tula ay nasyonalismo, kalayaan sa pagpapahayag, paglawak ng karanasan, paghanap at paggamit ng mga bagong karanasan. Nahati ang mga makata sa pangkat na: Makatang Liriko, Makata sa Tulang Padula, Makata sa Epiko, at Makata sa Kalikasan. Ang namayaning wika na ginamit ay Tagalog, Espanyol, at ang katutubong wika sa mga lalawigan.
Ang mga tula at iba pang akda na nakasulat sa wikang Espanyol ay halos napipi noong panahon ng mga Hapones, subalit ang panulat sa Tagalog at sa Ingles ay nagpatuloy sa pagkahimig pambansa, bagama't halos lahat ng mga isinulat ay nakaaabot lamang sa kakaunting mambabasa.
May mga tula sa Tagalog na napalathala sa Liwayway at sa Haligi sa nasabing panahon.
Mula sa Panahon ng Pagpapanibago, Panahon ng Pagpapalaya, at sa Kasalukuyan, sinisikap ng mga makatang Pilipino na paunlarin ang panulaang Pilipino.
Naiiba ang tula sa anyong tuluyan sapagkat pasaknong ang paraan ng pagkakasulat nito. Binubuo ito ng mga taludtod o linya. May iba’t ibang elemento ang tula tulad ng sukat, tugma, talinghaga, at kariktan.
Mula sa: Hiyas ng Lahi K-12 Baitang 8. Vibal Publishing
No comments:
Post a Comment