Saturday, July 17, 2021

Filipino - Baitang 8: Makapaghihitay ang Amerika (Dula)

Makapaghihintay ang Amerika

ni Dionisio S. Salazar

Makapaghihintay ang pangingibang-bayan kung nakatatamasa ng ligaya ng pamumuhay sa lupang sinilangan.


Mga tauhan:

Ligaya Abad Cortez, ang dalubguro

Dr. Fidel Cortez, ang kanyang bana

Nora Marta, ina ni Fidel, naging patnugot ng isang kawanihan at sa kasalukuyan ay pensyunada na

Rosa at Boy, mga anak nina Fidel at Ligaya

Ilang Ekstra

Panahon: Kasalukuyan

Tagpuan: Sa tirahan ng mga Cortez, sa Maynila


Unang Tagpo:

Pagbukas ng tabing ay makikita ang salas ng inuupahang aksesorya ng mga Cortez sa Sta. Cruz, Maynila. Maluwang ang salas na kakikitaan ng mga mamamahali’t makabagong muwebles, telebisyon, hi-fi, at iba pa. Kaagad na mahihinuhang may mabuting panlasa ang mga nakatira dito. Si Ligaya, na nakadamit pambahay, ay nakasandal sa sopa at bumabasa ng isang pocketbook. Propesor siya sa isang malaking pamantasan sa Maynila. May 35 taon na siya, kaakit-akit, at mukhang matalino.


LIGAYA: (Iaangat ang ulo sa binabasa at titingnan ang kanyang orasan.) Aba, mag–iikaanim at kalahati na’y wala pa sina Mama. Tila nawili sila sa panonood. Si Fidel man ay wala pa rin. (Itutuloy ang pagbasa. Saka darating sina Rosa, Boy, at kanyang biyenan, si Nora Marta. Si Rosa ay siyam na taon, si Boy naman ay magpipitong taon. Hahalik sa kanya ang dalawang anak. Siya nama’y magmamano sa may 56 taong matanda.)

BOY: (Masigla) Mommy, ang ganda-ganda ng napanood namin. Ganito: tsak, tsak, pak, bog! (Ilalarawan ang labanang napanood.)

ROSA: Biro mo, Ma, ibig pa ni Boy na ulitin. Ang bait-bait po niyan sa sine, talaga.

BOY: Pa’no, ibig kong matuto ng karate.

ROSA: Kundi pa kami nag-aya ng lola e ayaw pa niya.

MARTA: Ang totoo’y may kagandahan ang aming napanood, Gay. Mahusay nang gumanap ang mga artistang Pilipino ngayon. Buweno, makapagbihis nga muna. (Papasok sa pintuang nasa gawing likod, gitna ng tanghalan. Maiiwan ang mag-iina.)

BOY: Ma, me pasalubong ako sa’yo. Heto, o, (Aabutan ng isang chocolate candy ang ina.)

LIGAYA: Salamat, anak, pero tataba ako nito. Anong sabi ni Papa n’yo? Huwag akong masyadong magkakain ng matatamis para huwag tumaba.

ROSA: (Pabiro.) Hindi baleng mataba, Mommy basta seksi.

BOY: Isa lang naman, Mommy, a. Saka, malapit na’ng pasukan, papayat ka na naman pag nagturo ka.

ROSA: (Dudukot sa kanyang bag) Mommy, pustahan at gustung-gusto mo’ng dala ko sa iyo (Iaabot ang isang puting supot sa naliligayahang ina) O, heto.

LIGAYA: (Matatawa pagkakita sa laman ng supot.) Manggang maniba lang. At may kasama pang bagoong. Ku, talaga namang napakamaalalahanin ng aking mga anak. (Yayakapi’t hahagkan ang mga anak.)

ROSA: Alam mo, Ma, paglabas namin sa sine, e nag-shopping pa kami sa Abenida. May binili si Lolang regalo para sa birthday ng Papa bukas.

LIGAYA: Ano ba 'yon?

ROSA: Babarunging-Tagalong, Mommy.

BOY: Ang ganda-ganda po. Ikaw, Ma, ano ba’ng regalo mo sa Papa, ha?

LIGAYA: Bukas na n’yo malalaman. Baka pa masabi mo sa ‘yong Papa. Saka, Boy, hindi dapat malaman kaagad ng reregaluhan ang ibibigay sa kanya kung di sa oras ng pagbibigay.

ROSA: S’yanga, Boy, para sorpresa, di ba, Mommy?

BOY: Ano ba’ng ibig sabihin ng sorpresa?

LIGAYA: Gulat na nakatutuwa, Boy. Isang bagay na hindi mo aakalaing darating.

BOY: A, gano’n pala.  Ma, tama na ba ‘yung regalo ko ke Papa?

LIGAYA: Oo. Natitiyak kong masisisyahan ang inyong Papa sa inyong mga handog sa kanya bukas, lalo pa’t malalaman niyang ang inyong ibinili’y galing sa inyong mga piggy bank.

ROSA: Ako’y me sampung piso pa, Mommy. Bukas, e magpasyal tayo sa Luneta, ha? Magbo-blowout ako ng drumstick.

LIGAYA: ‘Yan ang ibig ko sa ‘king anak, galante.

ROSA: Kasi kayo ng Papa, e galante rin, e.

BOY: (May maiisip) Mommy, asan bang Amerika?

LIGAYA: Doon sa ibayong dagat. Malayo … bakit mo naitanong, Boy?

BOY: Kasi nu’ng sang araw e sabi ng Papa, ibig mong sumama sa akin sa Amerika?

LIGAYA: O, ano naman ang wika ng Papa?

BOY: Do’n na raw ako mag-aaral. Mahusay ba’ng titser do’n, ha, Ma?

LIGAYA: Kahit saan, anak, ay may mahusay at may mahinang klaseng guro. (Haharapin si Rosa) Ikaw, Rosa, kung isasama ka ba ng iyong Papa ay sasama ka sa Amerika?

ROSA: Sasama ako kung kasama ka at si Lola.

BOY: Sana, Mommy, lahat tayo magpunta sa pinupuntahan ni Papa, kahit asan ‘yon.

ROSA: Saan-saan na ba napunta ang Papa, ha, Mommy?

LIGAYA: Sa Amerika, na pinagdalubhasaan niya sa panggagamot, sa Vietnam at sa Laos nang sumama siya sa Operation Brotherhood … sa Hapon, Hongkong, Thailand, Espanya, Italya, Pransya, at marami pang iba.

BOY: Talagang sikat si Papa. E, di ang dami-daming perang nagastos ng Papa, ha, Ma?

LIGAYA: Kaunti lang, kasi’y nakakuha siya ng tinatawag na fellowship grant at travel grant.

ROSA: Ano ba,’yon, Mommy?

LIGAYA: Libre, may gumasta para sa kanya.

ROSA: Dahil marunong siya?

LIGAYA: Oo.

ROSA: Sana magbalediktoryan din ako paris ng Papa.

BOY: Ako man.

LIGAYA: Masipag mag-aral ang inyong Papa. Kayo man ay mag-aral na mabuti at malamang magtapos na baledektoryan din, o kaya’y ibang mataas na karangalan. (Darating si Aling Marta na nakadamit pambahay na.)

MARTA: Aba’y hindi pa pala nakapagpalit ng bihisan ang dalawang yan, a … O, sige, mga apo, bihis muna. (Susunod ang dalawang bata, makikita ang aklat na ibinaba ni Ligaya sa sopa. Dadamputin iyon at babasahin ang pamagat.) The Invisible Government.

LIGAYA: Iyan, Mama, ay tungkol ho sa Central Intelligence Agency o CIA, ang pamahalaang hindi nakikita. Bilyun-bilyong dolyar hu pala ang ginagasta niyan. At laganap pala sa buong daigdig ang mga ahente niyan.

MARTA: Huwag mong sabihin, Gay, na mayroon niyan dito sa atin.

LIGAYA: Marami hu.

MARTA: Ha! … Nakapagtataka.

LIGAYA: Huwag kayong magtaka, Mama. Talagang ginagawa ng Amerika ang lahat ng paraan upang mapalaganap at mapanatili ang kanyang impluwensya at kapangyarihan sa lahat ng dako.

MARTA: Pawang mga ‘Kano ba ang ahente niyan?

LIGAYA: Hindi hu. Iba’ ibang uri ng tao ang mga tauhan niyan. Ngunit mahirap silang makilala. Marami raw galamay sa Pilipinas ang CIA.

MARTA: (Isang mapait at makahulugang ngiti ang sisilay sa labi) May katwiran nga ang nagsasabing ang Pilipinas ay hawak pa rin ng Amerika. Daang milyon na’ng utang natin sa kanya … Hindi tayo makakilos nang di muna sasangguni sa Amerika. May suliranin tayo, kuha agad ng mga ekspertong kano gayong tayo ang higit na nakauunawa sa ating mga suliranin at mga lunas dito. Anong klaseng bansa tayo? … Republikang basahan? … Maiba ako, anak, nasabi mo na ba kay Fidel ang tungkol sa telegramang galing sa Malakanyang?

LIGAYA: Pagkabasa ko’y itinawag ko sa kanya ngunit nagkataong, okupado ang linya. Nang ulitin ko ang tawag pagkaraan ng sampung minuto ay wala nang dayalton. Hayaan at hanggang ngayo’y wala pa rin.

MARTA: Kakatwa namang talaga ang teleponong yan. Mas madalas pang sira kaysa buo. Dumayal ka ng isang numero at iba ang sasagot. Uulitin mo, iba na naman. Suwerte mo nang makonekta sa unang dayal. Ku, kung di nga lamang kailangan ay mabuti pang ipaputol na ‘yan. Kunsumisyon lang ang inaabot mo.

LIGAYA: (Ibabalik antg paksa sa dati.) Palagay kaya n’yo, Mama, ay may pag-asa si Fidel na makuha yung puwesto?

MARTA: Kung ganyang pinaghahanda pa siya ng ibang kinakailangang papeles ay baka sakali.

LIGAYA: Ano pa kayang papeles ang kulang ni Fidel? Isang basta na ang naipadala niya roon.

MARTA: Alam mo naman, Gay, ang ating gobyerno--maraming rekutitos na hinihingi sa mga aplikante.

LIGAYA: Mama, hindi hu kaya magbago ang loob ni Fidel kung sakaling siya ang palaring mahirang na pangalawang patnugot ng South General Hospital?

MARTA: Aywan ko nga ba sa taong ‘yan.

LIGAYA: Ano hu ba’ng napag-usapan n’yo kahapon?

MARTA: Tila nawawalan na raw siya ng interes. Nayayamot na raw siya sa dami ng red tape. At kailangan pa raw ng de-padrino. Mas malakas daw ang padrino. Mas malakas daw ang padrino, mas madali ang entra.

LIGAYA: Sakit ‘yan ng bayan.

MARTA: Ke ibigay raw kahit kanino ang puwestong ‘yun ay wala na siyang pakialam. Itutuloy raw niya’t itutuloy ang pagpunta sa Amerika.

LIGAYA: Talagang napakatindi ng hinanakit ni Fidel sa pamahalaan. At, suyang-suya na siya. Kaya ibig niyang layuan ang ayon sa kanya’y talamak na talamak at palala nang palalang mga kanser ng lipunan.

MARTA: May katwirang magkagayon ang iyong asawa. Ang isang tulad niyang mapagmasid, mapanuri, matalino, at ideyalista ay hindi magkakagusto sa uri ng lipunang ginagalawan--marumi, mapagkunwari, materyalista, magulo …

LIGAYA: Sa kabila ng lahat ay umaasa pa rin ako, Mama, na mababago ko ang kanyang loob. May ilan pa akong alas na hindi naisusugal, halimbawa’y ang tungkol sa pagkapunta ko sa klinika ni Doktora Samonte kaninang umaga. (May ibubulong sa biyenan na ikaliliwanag ng mukha ng huli.)

MARTA: (Nagagalak) Makakapulitana ka riyan. Tama, bukas mo na sabihin sa kanya. Natitiyak kong malulundag siya sa tuwa.

LIGAYA: (Lalamlam ang magandang mukha) Ngunit, Mama, tila hindi hu mapaglabanan ni Fidel ang nakararahuyong alok ng isang ospital sa California.

MARTA: Ang anyaya ng pilak ay totoong mahirap tanggihan. Lubhang makapangyarihan ang salapi, anak.

LIGAYA: Biro n’yo, isang libo’t limang daan dolyar isang buwan. At libre pasahe pa. bukod sa iba pang pribelihiyo.

MARTA: Katumbas na ‘yan halos ng anim na libong piso. ‘Yan ang isang bagay na maipupuri mo sa Amerika, matatas magpasuweldo … O, e ano, papayagan mo ba siyang umalis na naman?

LIGAYA: ‘Yan nga hu ang aking suliranin, Mama. Sabi ko’y bakit kailangan pa niyang mangibang-bansa ay sa hindi naman tayo kinakapos. Aming kita, siya sa panggagamot at ako sa pagtuturo, ay sapat naman sa ating pangangailangan.

MARTA: Iba si Fidel, Gay. Nais niyang habang bata pa makaipon, makapagsarili, at makapag-ukol ng mahabang panahon sa pagsasaliksik at pagtuklas ng gamot. Di ba’t malimit niyang sabihing hindi magiging ganap ang kanyang tagumpay hanggat hindi nakatutuklas ng mabisang gamot sa kanser?

LIGAYA: Sino hu ba’ng hindi ibig makaipon. Ngunit sa patuloy na pagtaas ng buwis at ng mga bilihin, sa mga dumaraming pananagutang sosyal at sibiko, matrikula, mga aklat, at iba pa ay medyo may kahirapang makaipon.

MARTA: Kumusta ang inyong plano tungkol sa bahay?

LIGAYA: Kung si Fidel ang masusunod, Mama, ay mahihirapan tayong magkaroon ng sariling bahay. Takot siyang mangutang.

MARTA: Ang ibig nga raw niya’y yung kikitain sa Amerika ay siyang ipagpatatayo ng bahay sa inyong lote sa Quezon City.

LIGAYA: Ngunit ang paglayo … (Magbubuntunghininga) Kayo, Mama, matitiis ba n’yong hindi makita at makapiling sa loob ng tatlong taon o higit pa, ang iyong kaisa-isang anak na si Fidel?

MARTA: Ako’y isang matanda na. Anuman sandali’y maaaring … Ngunit kung ibig ni Fidel, at papayagan mo naman, sino akong pipigil?

LIGAYA: Sa dalawang pangingibang-bansa ni Fidel ay hindi ako tumutol, at ni hindi ako nabagabag. Ngunit ngayon, Mama, para akong kinakabahang kung paano.

MARTA: Ano’ng pinag-aalala mo, anak?

LIGAYA: Iba na po ang panahon ngayon, Mama. Baka matukso si Fidel. At makalimot. Marami na akong nabalitaang mag-asawang naghihiwalay.

MARTA: Nangangamba kang matulad sa iba si Fidel, gano’n ba?

LIGAYA: Isang kaibaigan ko’t dating kamag-aral sa UP, si Nenette, ang ngayo’y nagdadalamhati. Naghiwalay silang mag-asawa, pagkatapos na matira ng dalawang taon sa Amerika si Rudy, na isang doktor.

MARTA: Hindi gagawa ng gano’n si Fidel.

LIGAYA: Mama, marami hu ang humahanga sa pagmamahalan ni Nenette at ni Rudy. Kaya, hindi kami makapaniwala na ang kanilang pagsasama’y hahantong sa paghihiwalay. Si Rudy, paris ni Fidel, ay isa ring siruhano.

MARTA: Tila balak ni Fidel ay pasunurin tayo sa Amerika kung naroon na siya.

LIGAYA: Hindi ako mawiwili sa ibang lupain, Mama. At isa pa’y hindi ako makaalis sa aming pamantasan. Masisira ang programang aking inihanda para sa aming kagawaran. (Tutungo sa bintana at tatanaw sa malayo; halatang kinaiinipan ang pagdating ni Fidel.)

MARTA: (Titindig at maglalakad-lakad upang mag-unat ng tuhod) Kung naro’n ka’y maari ka ring makapagturo. At makapag-aral. Maaaring doon mo na tapusin ang iyong doctorate sa edukasyon.

LIGAYA: Matay ko mang isipin, Mama, ay nakatatawa rin ang bansang Amerika. Mapagkunwari rin. Magulo rin. At walang pagkakaisa. Nahahabag ako sa kalagayan ng mga Negro at ng mga Indiyan doon. At, alam n’yo, sa isang nabasa kong magasing Ingles ay nabatid kong patuloy ang pagdami roon ng mga dalagang-ina.

MARTA: Dito man sa atin, ayon kay Fidel, ay dumadami rin ang mga sawimpalad na dalaga.

LIGAYA: Hindi sila sawi, Mama. Mga hangal sila. Mga uhaw sa kamunduhan. At karamihan sa kanila’y nabibilang sa mataas na lipunan. Dapat silang kasuklaman, sapagkat sila’y batik sa kapurihan ng kababaihang Pilipina.

MARTA: Isa ‘yan sa bunga ng sinasabing makabagong kabihasnan, anak.

LIGAYA: Oho, Mama, makabagong mapangwasak … Beatniks … hippies … a-go-go … mini-skirt … Ano pa kayang putaheng Amerika ang pagkakamatayan ng mga Pilipino?

MARTA: Nakakahiya, ngunit totoong ang ating panahon ay henerasyon ng panggagaya, panghuhuwad, panloloko, krimen, pagsasamantala …

LIGAYA: Tingnan n’yo ang bansang ibig puntahan ni Fidel, ilan nang mabubuting lider ang kanilang pinatay?

MARTA: Kung sabagay, Gay, bawat bansa’y sadyang may kapintasan. Bawat lahi ay may kahinaan. Bawat panahon ay may kanyang sakit.

LIGAYA: (Pagkaraan ng saglit na katahimikan.) Bata pa si Fidel, Mama. Bukas ay kwarenta na siya. Makisig siya. At malapit sa kanya ang mga babae.

MARTA: Ngunit matibay ang kanyang puso. Nakita mo, sa loob ba ng labindalawang taon ng inyong pagsasama’y nagluko na siya?

LIGAYA: Hindi nga ho, ngunit … Sa Amerika’y labis ang kalayaan ng mga babae, at alam nating ang lalaki’y lalaki kailanman … At isa pa’y hindi ako payag na doon pag-aaralin  at palakihin ang mga bata.

MARTA: Kaisa mo ako riyan. Sabihin nang ako’y makaluma ngunit ibig kong sa sariling bayan tayo mabuhay at mamatay.

(Maririnig nila ang kiriring ng telepono.)

LIGAYA: Ayan, umandar na naman ang sumpunging telepono. (Matatawa silang magbiyenan. Tutunguhin niya’t iaangat ang awditibo ng telepono.) Hello … Oo, ito nga … Oy, Ched, ikaw pala … Kailan ka dumating? O, kumusta ang biyahe? … Mabuti naman … Wala, wala pang liwanag ang lakad ni Fidel … Oo, tatlong buwan na ngayong nakabitin na wika nga’y balag ng alinlangan at pananabik… Si Fidel nga ang most qualified sa tatlong kandidato ngunit siya ang bukod tanging walang padrino. Nanghahawak siya sa kanyang sariling kakayahan … ‘Yun nga ang hirap sa asawa ko, ayaw kumuha ng lider … Oo, Ched, malalakas ang padrino ni Dr. Loban, dalawang cabinet members … Yung inaaanak ng Pangulo? Inutil daw, ngunit alam mo na sa ating gobyerno, hindi kung sino ka kung di kung sino ang kinakapitan mo, di ba? … Mabuti nga. Siyanga pala, dine ka na mananghali bukas, birthday ni Fidel … Makararating. Aasahan ka namin bukas, ha? … Babay … (Haharapin ang biyenan) Si Ched, Mama. Kararating lang niya buhat sa paglilibot sa Amerika at Europa. Sabi ko’y pumarito siya bukas.

MARTA: Mabuti … Tungkol sa kaso ni Fidel. Talaga bang mahigpit ang kanyang laban sa puwestong yaon?

LIGAYA: Mahigpit, Mama, bagaman siya ang rekomendado ng kanilang direktor sa South General Hospital.

MARTA: Para ko nang nakikitang hindi si Fidel ang mahihirang. Maganda man ang kanyang record at rekomendado man siya ng kanilang direktor ay mahihirapan siya. Basta’t pinasukan ng pulitika. Alam mo na.

LIGAYA: Ipinagkakapuri ko si Fidel sa kanyang paninindigan, Mama.

MARTA: (Makahulugan) Maniwala ka, anak, habang ang pulitika’y nakapangyayari sa ating bansa, hindi tayo lalakas ni uunlad. Ang ating pulitika, na napakarumi, at balitang kapag hindi nasawata ay siyang lilingkis at kikitil sa ating lahi. Ano na ang sabi ng isang kinatawang Muslim?: Na silang mga pulitiko ang sanhi ng paglaganap ng krimen dito.

LIGAYA: Tama sina Roces, TaƱada, at iba pa sa pagsasabing “kailangan ang isang rebolusyon ng pagbabago.” (Gagambalain niya ang pintuan. Lilitaw ang kanyang kabiyak, si Dr. Fidel Cortez. Matikas, masigla, at may malakas na personalidad si Fidel. Nakabarong tagalong siya. Masuyo niyang hahagkan ang asawa at pagkatapos ay magmamano sa ina.)

MARTA: (Sa gawing silid nakatingin) Rosa! Boy! Narito na’ng inyong Papa. (Patakbo namang lilitaw ang mga tinawag. Nag-uunahan silang magmamano sa kanilang ama.)

FIDEL: Kumusta’ng panonood ng sine? Maganda ba’ng inyong napanood?

BOY: Ang ganda, Papa. Ang husay-husay po sa karate nung bida. Ganito (ilalarawan) “tsak, tsak, pak, bog.” Bagsak ang kontrabida. Gusto mo, ibibida ko sa’yo, ha, Papa?

MARTA: Komiks! Di ba’t napag-usapan nating puwera komiks muna?

FIDEL: Opo, Mama. Ngunit iba ang komiks na uwi ko. Akin na nga muna, Boy. (Babawiin sa anak) O, tingnan n’yo. (Aabutan ng tig-iisa ang ina at ang asawa.)

LIGAYA: Noli Me Tangere. Mayro’n pala nito.

MARTA: At ire nama’y El Filibustirismo, isa sa mga nobela ni Rizal. At maganda ang pagkakadibuho, a.

FIDEL: Makatutulong ‘yan ay Rosa at kay Boy nang maagang pagkaunawa sa mga sinulat ng ating bayani.

MARTA: Tila may nabasa akong manunulat na nagsabing “basura” raw ang komiks ngunit marami rin ang kapupulutan ng mahalagang aral at kaisipan. (Ibabalik sa dalawang bata ang mga komiks magasin.)

MARTA: O, tena kayong dalawa sa loob. (Aakbayan ng dalawang apo at sila ay papasok. Maiiwan ang mag-asawa.

LIGAYA: Hindi ka ba muna magpapalit ng damit, Del?

FIDEL: (Matapos tabihan at akbayan ang kabiyak) Alam mo, mayroon …

LIGAYA: (Mabibigla.) Ha! Sino? I-kaw?

FIDEL: Hindi. Si Dr. LOban.

LIGAYA: Hindi ka ba nagbibiro, Del?

FIDEL: Nanumpa na siya ngayong hapon. Bukas ay tiyak na nasa mga pahayagan ang balita. (Malulungkot ang kausap) Huwag kang malungkot, Gay. Ganyan lang talaga ang buhay.

LIGAYA: Ngunit bakit tinelegramahan ka pa ng Malakanyang?

FIDEL: Kailan? Nahan?

LIGAYA: Kanina. Heto (sabay dulot sa bulsa at abot sa asawa ng telegrama).

FIDEL: (Babasahin nang malakas) “Please come to Malacanang soonest with necessary papers re position applied for.”. Alam mo ‘ling, maging sa Malakanyang ay walang koordinasyon, kung minsan.

LIGAYA: Bigla naman yata ang pagkakahirang kay Dr. Loban, ha?

FIDEL: Mangyari’y nabigla raw ang Pangulo. Bukod daw sa dalawang miyembro ng gabinete ay isang malaking delegasyon ng mga lider ng partido ang isinama ni Dr. Loban sa Malakanyang. At, nagsama pa rin daw ng maraming reporter. Alam mo na, malapit na naman ang eleksyon.

LIGAYA: (Tatangong may mapait na ngiti) Ano naman ngayon ang gagawin mo sa telegramang yan?

FIDEL: (Magkikibit ng balikat.) “Come to Malacanang …” Para ke pa. Ito’ng sinasabing iniinsulto ka na’y sinasaktan ka pa. Ang nakatatawa’y mapapailalim ako sa aming bagong assistant director na sa akin lamang nangongopya noong kami’y nag-aaral pa sa U.P. At, kung hindi pa rin nilakad e, hindi pa papasa sa board exam.

LIGAYA: (Parang wala sa loob) Mapalad si Dr. Loban.

FIDEL: Kaya, Gay, masisisi mo ba ako, kung naisin kong umalis sa Pilipinas? Dito, kahit saan ka tumingin ay wala kang makikita kundi ang marungis na mukha ng pulitika.

LIGAYA: (Parang wala sa loob) Sa harap ng mga kasalukuyang pangyayari, hindi ko maubus-isipin kung paano muling dadakila ang Pilipinas.

FIDEL: Maaari, bakit hindi, ngunit tinitiyak ko sa ‘yong hindi sa panahong ito. (Titindig at kukuha ng sigarilyo sa isang lalagyan. Alam mo, Gay, nagkasundo na kami ni Dr. Bugarin na magsabay na tumungo sa Amerika. At si Dr. Sitjafr nga pala, na isa ring disgustado, ay nagbabalak sumama sa amin. (Hindi kikibo si Ligaya, mapapabuntong-hininga lamang. Daraan ang ilang saglit na katahimikan.)

LIGAYA: Hindi kita masisisi, Del, na maghinanakit. Ngunit isip-isipin mo, ang paglayo mo ba, at ng mga iba pang disgustado ay makabubuti sa mga karamdamang nais ninyong takasan?

FIDEL: Hindi ko na masikmura ang mga kabuluka’t katiwaliang aking nakikita, nadarama, nababasa. Sayang at hindi ako naging nobelista, o mandudula. Kung nagkatao’y baka isang Noli rin, o isang Kahapon, Ngayon at Bukas ang masusulat ko.

LIGAYA: At sapagkat hindi mo na masikmura ay lalayo ka, gano’n ba? (Magiliw na kakawitin sa bisig ang kausap upang mapaharap sa kanya.)

FIDEL: (Makahulugan) Ang Pilipinas ay nasa bingit na ng malaking panganib. Dito’y hindi na lakas ng katwiran ang nananaig kundi katwiran ng lakas. Ang mga batas ay wala nang ngipin. Lumuluha na ang katarungan.

LIGAYA: Hindi ako nawawalan ng pag-asa.

FIDEL: Natatandaan mo bang sinabi ni Roces? Sabi niya, Maging ang mga hukuman ay hindi naliligtas sa mga mantsa ng kurapsiyon.

LIGAYA: Ikaw ay isang tanyag na siruhano. Di ba’t ang isang maysakit, ganuman kalubha ang karamdaman, ay may pag-asang gumaling?

FIDEL: Depende sa karamdaman, Gay. Nakita mo, ako’y hindi nandiri kelanman sa anumang sakit, datapwat ang nana ng ating lipunan ay totoong napakalansa, nakaririmarim, nakasusuka!

LIGAYA: At ang naiisip ninyong mga doktor, sa harap ng ganyang mga sakit, ay mangingibang-bansa? Ang gayon ba’y makatitighaw sa karamdamang inyong pinandidirihan? Ayokong marinig na tayo’y katulong sa tinatawag na brain drain.

FIDEL: Kailangan natin, kung baga sa makina, ay complete overhaul. Kailangan ay pagbabagong-buhay ng mga namumuno at pinamumunuan.

LIGAYA: Sang-ayon ako sa mga sinasabi mo, ngunit hindi ba higit na mabisa at kanais-nais ang pamunuang may kasamang panlunas?

FIDEL: Tama, ang paggamot sa isang sakit ay panandalian lamang. Ang dapat ay alamin ang mga sanhi nito at ito ang pagbuhusan ng lakas upang tuluyang mawala.

LIGAYA: Ikinagagalak kong marinig yan sa iyo.

FIDEL: Tayo rito’y salita nang salita ng demokrasya ngunit kakatwa ang ating pagkakilala, at pagpapahalaga sa diwa ng demokrasya.

LIGAYA: Matanong kita. Sa bansa bang pupuntahan mo’y may pagkakaisa? May pagkakapantay-pantay ba? May pagkakapatiran? … (Bigla silang gugulantangin ng mga sigaw at pagpapagibik na mula sa anaki’y nangaghahabulang tao. Mapapatindig sila at sisilip sa bintana. Lahat ng salitang maririnig nila ay magmumula sa likod ng tabing, mula sa kaliwa, pakanan.)

MGA TINIG-LALAKI: Harangin ang isnatser na ‘yan!

TINIG-BABAE: (Halos paos na) Magnanakaw! … Saklolo! …

IBA-IBANG TINIG: Isnatser! … Isnatser! … Kawatan … Harangin … Gulpihin …

ISANG TINIG-LALAKI: Hayun! Hayun ang walanghiya! Bilisan n’yung tugis! …

TINIG-BABAE: Dali kayo mamang pulis! …

TINIG-PULIS: Sa’n! Sa’n nagsuot? …

TINIG-BABAE: Do’n hu! Hayuuuun! … Daliin n’yo! Ang bag ko! … Naro’n ang aking suweldo! O, Diyos ko! …

ISANG TINIG-LALAKI: Lumiko sa iskinita! Hayun! … Harangin n’yooo! … (Makaririnig ang mag-asawa ng tatlong sunod-sunod na putok ng baril. Magpapalitan sila ng tingin.)

FIDEL: (Sa tabi pa rin ng bintana) Nakita mo na, Gay … Pasasaan ka sa buhay na ito? … Nakawan at patayan kabi-kabila … Lubhang malala na ang kasamaan.

LIGAYA: Kung tayo ba’y may sarili nang bahay sa UP Village …

FIDEL: Tingnan mo, ‘ling. Labindalawang taon na katang nagsasama, subalit nakaipon na ba tayo ng sapat para ipagpatayo ng sariling bahay? Mangyari’y palaki nang palaki ang ating mga gugulin; pataas ng pataas at parami nang parami ang ating pinagbabayaran ng buwis.

LIGAYA: Kung nakinig ka sa ‘kin, nakautang na tayo sa GSIS o sa SSS, nakapagpatayo na ng bahay, at baka nabayaran na ‘yon.

FIDEL: Ang kikitain ko sa Amerika sa loob ng isang taon lamang ay sapat nang makapagpatayo ng isang bungalow. At gaano pa kung aabutin ako roon ng mga tatlo o apat na taon?

LIGAYA: (Lalakad na marahan patungo sa tabi ng hi-fi at hahawakan ang isang larawan ni Fidel na kasama ng ilang paring taga-Laos.) Del, napagwawari mo ba’ng tuwing mangingibang-bansa ka’y nagiging hungkag at tuyot ang buhay naming mag-iina? Noong magpakadalubhasa ka sa Amerika ay ilang taon kaming nakibaka sa kalungkutan? At noong nasa Vietnam ka at Laos na kabilang sa Operation Brotherhood ay dalawang tao’t kalahati kaming nagrorosaryo upang maligtas ka sa mga Viet Cong o mga Pathet Lao.

FIDEL: (Lalapit kay Ligaya, pasiste) Panay naman ang pauwi ko ng pera.

LIGAYA: Del, ang salapi’y hindi siyang lahat sa buhay ng tao!

FIDEL: (Pabiro.) Alam ko ‘yan, mahal kong propesor!

LIGAYA: Kahit sapat lamang sa ating pangangailangan ang kinitang sinasahod ay di ba’t higit tayong maligaya kung tayo’y palagiang magkasama?

FIDEL: Tamo, ‘ling, sa alok sa ‘king isang libo’t limang daang dolyar sambuwan ay makukuro mo na kung gaano ang maiipon ko roon. Pa’no ko kikitain ang gayong halaga rito?

LIGAYA: (Pipisilin ang palad ni Fidel at magiliw ring mamalasin ang kabiyak.) Kailangan ka namin dito, Del! Lumalaki ang mga bata. At saka – (mangingiti subalit biglang mauudlot.)

FIDEL: Saka, ano?

LIGAYA: A, wala! Kailangan nating subaybayan sina Rosa at Boy …

FIDEL: Kahit ako’y wala … Malaki ang tiwala ko sa iyo, Gay. Isa kang ulirang ina at guro!

LIGAYA: Mahal mo ako, Del, di ba?

FIDEL: (Tatawa ng maikli.) Kailangan pa bang itanong yan ay sa alam mo naming ikaw ang aking buhay at inspirasyon.

LIGAYA: (Kukurutin sa pigi ang katabi) Talagang mahusay kang magpataba ng puso.

FIDEL: Kung ako’ng masusunod ay ibig kong tumigil ka na sa pagtuturo. Sabi mo nga’y madali kang tatanda dahil sa pahina nang pahina ang ulo ng mga estudyante ngayon.

LIGAYA: (Matatag) Magtuturo ako, Del, hanggang ako’y may lakas!  (Wala sa loob ay mahahawakan ang pahayagang uwi ni Fidel at mababasa ang ulo ng isang balita.) Ano!? Limampung namatay sa kolera? (Patuluyan nang babasahin ang balita. Mapapailing at mapapakagat-labi.)

FIDEL: Isa pa ‘yang bunga ng kapabayaan – ng pagwawalambahala. Magpapakilos ‘yan, makita mo. Ngunit pagkaraan ng sigabo ay babalik sa dati.

LIGAYA: Ningas-kugon.

FIDEL: Tama, ningas-kugon. Isa pang sakit nating Pilipino’y ito: kaya lamang magsusubaybay ng bahay ay kung hinahagupit na ng bagyo.

LIGAYA: (May magugunita) Siyanga pala, Del, kumusta ang balak ng Knights of Rizal na magpadala ng mga doktor sa mga baryo? Ano’ng nangyari sa usapan n’yo ni Dr. Peralta, ang kanilang pangulo?

FIDEL: Tuloy ang kanilang balak. At ibig pa nga ni Dr. Peralta’y ako ang mamuno sa team na pupunta sa Cagayan.

LIGAYA: Payag ka ba?

FIDEL: Sabi ko’y pagbalik ko na mula sa Amerika.

(Tutunguhin ang isang kabinet at may kukuning liham.)

LIGAYA: Del, may kasabihang tayong aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo.

FIDEL: (Sa tabi pa rin ng kabinet; hawak ang liham) Ang kapalara’y bihirang kumatok. Ibig mong mangyariy tanggihan ko ang alok na ito? (Itataas ang liham na air mail.)

LIGAYA: (Tatayo at maglalakad-lakad) Nag-iiba ang panahon, Del. Noon, pinayagan kitang sumama sa Operation Brotherhood sa Vietnam at Laos – makatao ang misyon ng O.B. ngunit ngayon, sa ‘ting baya’y dumarami ang naghihikahos, ang nagugutom, ang may sakit.

FIDEL: Na walang ibili ng gamot? Na walang makain, di ba?

LIGAYA: Matitiis mo ba sila? Natatandaan mo ba yung nabasa natin sa “Y” noong minsang magbadminton tayo noon?

FIDEL: Alin? Yun bang When the Great Scorer pens your name, He writes not if you won or lost but how you played the game.

LIGAYA: Yun nga. Kayganda ng mensahe niyon, ano?

FIDEL: Guro ka nga , Gay.

LIGAYA: (Hahawakan sa balikat si Fidel) Del, naghahamon ang El Tor, ang malarya, ang Vietnam Rose, at iba pang karamdaman sa buong Kapuluan. Sumama ka sa pangkat ng Knights of Rizal!

FIDEL: (Patudyo.) Akala ko ba’y ayaw mo na ‘kong malayo sa piling ninyong mag-iina?

LIGAYA: Hindi bale kung dito sa Pilipinas, madali tayong magkikita. A, lumalawig ang ating usapan, mabuti’y makakain muna. (Pipihit at akmang tutungo sa gawi ng kusina.)

FIDEL: Medyo nga kumakalam na’ng aking sikmura, e.

LIGAYA: Pihong gutom na rin ang Mama at ang mga bata.

FIDEL: Ibig kong mag-shower muna sandali, pwede ba?

LIGAYA: Walang tubig.

FIDEL: Ano! Walang tubig?

LIGAYA: May bagong sira raw na tubo.

FIDEL: Na naman! (Halatang yamot.) Kailan pa?

LIGAYA: Kaninang makapananghali lamang.

FIDEL: Teribleng talaga ang Nawasang ‘yan! Mabuting maniningil at maagap puputol ng koneksyon, subalit kulang na kulang sa serbisyo!  Ngunit kung magpa-press release. A, paano ka bang maniniwala sa kanila! 

LIGAYA: Magpapapasok ako kay Karyas. (Biglang lilitaw ang magkapatid na Rosa at Boy. Iba na ang kanilang suot.)

ROSA: Ma, Pa, kakain na raw, sabi ng lola.

BOY: (Hahawakan sa kamay ang ama) Tena, Papa. Magbibidahan tayo pagkakain, di ba?

LIGAYA: Maliligo daw muna sandali ang inyong Papa.

FIDEL: Kung gutom na kayo’y mauna na kayo.

ROSA: Pero, Pa, walang tubig sa gripo!

LIGAYA: Magpapapasok ako kay Karyas sa kanto.

ROSA: O, sige, antayin na natin ang Papa.

BOY: Basta bilisan mo, ha, Pa?

LIGAYA: (Kay Rosa). Sabihin mo, Rosa, kay Karyas na sumalok ng tubig. Dalian n’ya kamo, ha?

BOY: Pa, sunduin mo ako sa iskwelahan, ha?

FIDEL: Oo, anak, tuwing may panahon.

BOY: Anong ibig sabihin, Pa, ng tuwing may panahon?

FIDEL: Hindi sa lahat ng araw, Boy.

BOY: Ba’t gano’n. Gusto ko araw-araw. Paris ni Budyoy. Paris ni Jun. Hinahatid pa sila at sinusundo ng kanilang Daddy.

FIDEL: Ibig na ibig ko nga sana, anak, ngunit ang dami-dami kong gawain. Nar’yan naman si Karyas, a.

LIGAYA: (Aakbayan ang bunso.) Hamo, Boy, at pipilitin ng iyong Papa na siya ang makapaghatid at makasundo sa inyong magkapatid.

BOY: Saka pala, Pa, bakit sina Jun, ang dalas nilang magpasyal sa Luneta? Tayo hindi.

LIGAYA: Magaan ang trabaho ng Daddy nina Jun, di tulad ng inyong Papa. (Babalik si Rosa.)

BOY: Ate, di ba sina Budyoy, e madalas sa Luneta at sa Zoo, ano?

ROSA: Oo, sige, Pa, sa Linggo, e pasyal naman tayo sa Luneta. Saka sa Children’s Park, ha?

FIDEL: O, sige, sige. (May magugunita) Hintay! Sa linggo nga pala ang pulong ng aming Medical Association sa Hilton.

ROSA: (Mananamlay) Meron akong sasabihin, Pa, pero h’wag kang magagalit, ha?

FIDEL: Ba’t ako magagalit, Ano ‘yon, anak?

ROSA: Sa tingin ko, mas mahal mo pa’ng trabaho mo kesa sa amin.

FIDEL: Uy! (Pangiting maiiling, sabay pisil sa pisngi ni Rosa) Maliit pa’y sanay nang pumuna ang aking magandang prinsesita!

LIGAYA: E kanino pa ba magmamana yan?

BOY: Ako, Ma? Ayokong maging doktor paglaki ko.

LIGAYA: At bakit?

BOY: Kasi laging wala sa bahay. (Magkakatawanan sila.)

ROSA: Tama si Boy. Kahit gabi, umaalis. Kahit holiday, gano’n din.

FIDEL: (Pabiro.) Hala kayo, pagtutulungan na naman ninyo ‘ko. Pero, hindi bale. Kahit n’yo ko kalabanin ay kayo pa rin ang pinakamamahal ko sa buong mundo!

ROSA: Artista ang Papa!

BOY: O.A.

LIGAYA: Teka nga pala, Boy. Sabi mo’y ayaw mong maging doktor. Ano’ng ibig mo paglaki mo?

BOY: Ibig ko meyor, paris ni Meyor Villegas. O kaya’y presidente, paris ni Marcos! (Matatawa na naman ang lahat.)

FIDEL: Nakagugulat pala ang ambisyon ng aking anak. Dale nga, Boy, kung gatpuno ka na’y ano naman ang gagawin mo, aber?

BOY: (May pagmamalaki) Siyempre, yayariin ko’ng anderpas. Saka ‘yung mga kalye, aayusin ko para hindi nasisira’ng ating kotse.

Rosa: ‘Yan lang? Mahina kang klaseng alkalde!

BOY: Hindi pa ‘ko tapos, Ate! Pahuhuli kong lahat-lahat ng magnanakaw, saka mandurukot, saka ‘yung nambabaril ng tao, saka – a basta lahat ng masama, ‘pahuhuli ko sa pulis!

(Habang nagsasalita si Boy ay magtitinginan at magkakalabitan ang kanyang mga magulang.)

ROSA: Halimbawa, Boy, e me nahuli kang magnanakaw. E, kung suhulan ka?

BOY: Ano ‘yung suhulan ka?

ROSA: Di suhol. Pabagsak. Lagay. Bibigyan ka ng maraming pera.

BOY: (Mauunawaan; lalabi.) Hindi ko kukunin. Basta ibibilanggo ko’ng masasamang tao, tapos.

LIGAYA: Kahit na mga anak ng mga ‘big shot’?

BOY: Miski na sino pa, Mommy!

ROSA: E, kung bigyan ka ng sanlaksa? O kaya ‘sang milyong piso?

BOY: (Haharapin ang ina.) Ga’no ba karami yun, ha, Mommy?

LIGAYA: Napakarami, anak, hindi mo kayang bilangin.

BOY: Kahit ‘sang milyon, Ate, ayoko rin. Kasi sabi ng Lola at ng Mommy masama raw ‘yung masyadong matakaw sa pera, di ba?

FIDEL: (Mangingiti nang lihim; si Rosa naman ang haharapin.) Ang prinsesa ko naman, ano’ng ibig mong trabaho paglaki mo?

ROSA: Titser s’yempre, paris ng Mama. Pero ayoko sa iskul na me lalaki.

FIDEL: At bakit naman?

ROSA: Kasi nakakatakot ang itsura ng ibang lalaki. Ang hahaba po ng buhok, ang kikipot po ng pantalon.

LIGAYA: E, saan mo ibig magturo, anak, kung sakali?

ROSA: Sa isk’welahan ng mga babae, syempre. Saka ibig kong turuan, e mga bata.

BOY: Ayaw mong maging doktor, Ate? Bakit?

ROSA: Kasi natatakot ako sa dugo. Saka sa malalaking sugat.

MARTA: (Buhat sa loob; malakas) Rosa, Boy! Hindi na kayo bumalik?

ROSA: (Magugulantang.) Senga pala! Inutusan tayo ng Lola! Kakain na raw.

LIGAYA: Sige, balik na kayo sa Lola. Sabihin n’yung patakpan muna kay Toyang ang pagkain.

FIDEL: Sabihin nyo sa Lolang maliligo lang ako sandali. Sige, lakad na kayo. (Bago makatalikod ang magakapatid ay biglang-bigla mamatay ang ilaw. Mapapasigaw ang dalawang bata. Maririnig din, buhat sa kusina, ang isang “Ay!”)

BOY: (Patakbong kakapit sa ama, hintakot.) Papa! 

ROSA: (Takot din.) Mama! Ang dilim! Natatakot ako!

FIDEL: (Magsisindi ng lighter.) Huwag kayong matakot, mga anak. (Kay Gay) Tamo, Gay, ba’t di ka maiinis sa buhay na ito. Ni walang abiso ay nag-blackout.

LIGAYA: Tila may naitabi ako sa kusina. Rosa, samahan mo ‘ko sa kusina. Maiwan ka na, Boy, sa ‘yong Papa.

FIDEL: Isama na n’yo si Boy. At doon na n’yo gamitin ang kandila hanggang hindi nakabibili si Toyang. Daliin n’yo baka natatakot na’ng Mama roon!

ROSA: Oo nga pala! Nag-iisa’ng Lola do’n. Inutusan n’ya si Toyang. (Aalis si Ligaya at ang dalawang anak. Maiiwan si Fidel, pagbubutihin niya ang pagkakasandal sa sopa.)

(Isang tugtuging mapanudyo at anaki naninikis ang maririnig. Magpapatuloy ito – mahina lamang. Samantala’y makikita ng madla ang ulo ni Fidel sa pamamagitan ng isang maliit na sinag. Sa malas ay nagbubulay-bulay si Fidel. Sa tulong ng isang nakakubling tape recorder ay maririnig ang ilang balik-usapan. Ang background recorder ay magpapatuloy nang suwabeng-suwabe lamang.)

MGA TINIG:

LIGAYA: “Ang isang maysakit, gaanuman kalubha ang karamdaman, ay may pag-asang gumaling, di ba?”

FIDEL: “Datapwat ang sumasagong nana ng ating lipunan ay totoong napakalansa … nakaririmarim … nakasusuka.”

LIGAYA: “Sa bansa bang pupuntahan mo’y may pagkakaisa? May pagkakapantay-pantay ba? May kapatiran … ?”

FIDEL: “Ang kikitain ko sa Amerika’y mahirap kong kitain sa Pilipinas.”

LIGAYA: “Tuwing mangingibang-bansa ka’y nagiging hungkag at tuyot ang buhay naming mag-iina … kailangan nating subaybayan ang mga bata sa kanilang paglaki … “

ROSA: “Pa, sa tingin ko, mas mahal mo pa’ng trabaho mo ke sa amin.”

BOY: “Kahit sang milyon, Ate, ayoko rin. Kasi sabi ng Lola at ng Mommy masama raw ‘yung masyadong matakaw sap era, di ba?”

LIGAYA: “Del, ang salapi’y hindi siyang lahat sa buhay ng tao!”

(Kasunod ng balik-usapan ay maririnig ng publiko ang baha-bahaging himig ng ilang matanda’t makabagong awitin at tugtuging-Amerikano. Susundan ito ng mga himig-Pilipino, maiikling-maikli ring di-sukat lumampas sa limang segundo bawat isa, gay ang “Sampaguita,” “Pamulinawen,” “Dandansoy,” “Ang Bayan Kong Pilipinas” at iba pa. Samantala, sa pagkakasandal ni Fidel na nakapikit ay minsang umasim ang kanyang mukha, minsang pasayahin ng isang ngiti. Pagkatapos ng tigkakapirasong himig ay ganap na kadiliman.)


Ikalawang Tagpo:


Kinabukasan: Sa dati ring tagpuan. Magbubukang-liwayway. Pagliliwanag ng tanghalan ay makikita si Fidel na umaabot ng pahayagan, sa may pintuan, sa isang hindi nakikitang katulong. Mukha siyang bagong paligo. Nakabata-de-banyo siya.


FIDEL: (Nakatunghay sa pahayagan at lumalakad na paloob) Ano ba naman ang mga balitang ‘to’t pawang – Bise gobernador na pinatay sa kapitolyo … Huwes na binaril sa loob ng simbahan … Natuklasang limang libong palsipikadong guro … (Mauupo at sasandal sa sopa. Matapos hagurin ng tingin ang iba pang pangmukhang balita ay iaangat ang tingin at magdidilidili.) “More brownouts expected” … Mga krimeng hindi nalulutas at patuloy sa pagdami … Mga dayuhang hindi mapaalis-alis …” “Kickbacks,” Baha sa kaunting ulan … Buhul-buhol na trapiko … Mga pinuno’t kawaning hindi nagbabayad ng buwis … Mga kilalang ismagler na labas-masok sa Pilipinas … (Mapapabuntung-hininga) A, hindi dapat isipin ang mga bagay na ito ngayon! … (Biglang ipupukol sa mesita ang pahayagan.) Wala munang peryodiko! Walang radio. At walang TV sa araw na ito! … (Tatayo at akmang papasok sa kanyang silid nang sa lalabas mula sa isang silid sina Ligaya, Nora Marta, Rosa, at Boy. Pagbungad nila sa pintuan ay sabay-sabay na aawit ng “Maligayang Bati.” Mapapatigil siya at masayang magmamasid.)


LAHAT: Maligayang-bati sa iyong pagsilang … Maligaya, maligaya … Mabuhay ka, Papang! (Sa salitang Papa ay “mahal” ang gagamitin ni Ligaya, at “anak” naman ang kay Nora Marta. Isa-isang lalapit sa may kaarawan ang mag-anak at hahalik. Gaganti rin si Fidel na larawan ng lugod.)

FIDEL: Salamat! Salamat sa inyong lahat!

BOY: (Lalapit sa ama) Papa, ‘etong regalo ko sa ‘iyo! (Iaabot ang isang maliit na kahon.)

ROSA: (Lalapit din) Heto naman ang akin, Papa (sabay abot ng hawak sa naliligayahang ama.)

LIGAYA: (Madadamin) Ling, alaala’t pagtatangi! … (Ang pagbibigay ng kanyang regalo’y susundan ng paghalik sa asawa.)

MARTA: (Sabayan ang pag-aabot at pagsasalita.) Mula naman sa nagmamahal mong Mama! (Hahagkan din niya ang bunso pagkabigay ng kanyang alaala.)

BOY: Pa, sa’n ang blow-out?

FIDEL: Kahit saan n’yo ibig. Total e day off ko ngayon. Magkakasama tayo sa buong maghapon.

ROSA AT BOY: Yuhuuu! … (Mapapalundag sa tuwa.)

(Buong suyo namang pipisilin ni Ligaya ang palad ng kabiyak. Magpapalitan sila ng makahulugang tingin at ngiti.)

LIGAYA: Ano ba’ng iskedyul mo ngayon, ha, ‘ling?

FIDEL: Siyempre sisimba muna tayo, mag-aalmusal, at pagkatapos e maliligo sa Balara. Mam’yang hapon, o sa gabi, e sine –

BOY: Yuhuuu, sine! Ang sarap! …

FIDEL: (Matapos tapikin sa balikat si Boy) Pagkagaling natin sa Balara’y kakain tayo roon sa karihang nasa tabi ng dagat, doon sa malapit sa Cultural Center.

MARTA: Ang ibig ko, anak, ay pagkaing Pilipino.

FIDEL: Kaya nga doon ko kayo dadalhin. Alam kong patay na patay kayo ni Gay sa sugpo, inihaw na baboy, talaba, at daing na bangus.

LIGAYA: Masarap nga raw ang pagkain doon. At kamayan daw.

ROSA: Pa, maliit na ‘yung bathing suit ko.

FIDEL: Bibili tayo ng bago.

ROSA: Salamat, Pa! (Hahagkan ang ama.)

BOY: Ang lagay si Ate lang ang bibili?

FIDEL: Pag meron ang Ate mo, meron ka rin, Boy.

BOY: (Lulundag.) Yuhuuu! Mabuhay ang Papa! …

FIDEL: (Patudyo.) O.A. rin si Boy!

MARTA: Buksan mo na, anak, ang mga handog naming sa iyo. (Susunod naman si Fidel. Ang bigay ni Boy ay isang sutlang kurbata; cuff links naman ang kay Rosa; kaladong babaruing tagalong ang sa kanyang ina, at mula kay Ligaya ay isang set ng pluma at bolpeng Sheaffer.  Ang mag-anak ay larawan ng lantay na kaligayahan.

(Sa pangunguna ni Rosa ay muling aawitin ang Maligayang Bati.)

FIDEl: Lahat kayo’y may regalo sa ‘kin, na labis-labis kong ikinagagalak. Ngayon naman, bilang ganti’y may sasabihin akong tiyak na magpapaligaya sa inyo …

LIGAYA: Ano kaya ang ibabalita sa atin ng mahal nating Doktor Fidel D. Cortez?

FIDEL: (Seryoso) Magdamag akong hindi pinatulog kagabi ng sari-saring alalahanin at pangitain. Sa karimla’y namulat ako sa dakilang katotohanan Ang tao’y minsan lamang mabubuhay sa mundo

LIGAYA: (Maagap na itutuloy ang sinasabi ni Fidel.) Kaya anumang kabutihang magagawa sa kapwa ay hindi dapat ipagpaliban o pabayaan

FIDEL: At ano baga, Gay, ‘yung sinabi ni Rizal tungkol sa uban?

LIGAYA: (Saglit na mag-iisip.) Hindi ko na matandaan, ngunit ganito humigit-kumulang: Ang bawat ubang tumubo sa aking ulo na hindi ko ginagamit sa mabuting paraan at alang-alang sa bayan ay dapat ikahiya.

FIDEL: (Mangingiti) ‘Yan nga! Napagwari kong isang kamalian at karuwagan ang aking tangkang-- Naalala ko rin ang sinabi ni Rizal na He is a bad doctor who seeks only to destroy or stifle the symptoms without making an effort to study the origin of the malady, or upon knowing it, fears to attack it.

MARTA: (Maagap) Ibig mong sabihi’y … ? (Magkakaunawaan sila sa tingin. Magliliwanag ang mukha ni Nora Marta. Gayundin si Ligaya.)

LIGAYA: (Biglang yayapusin ang asawa; halos basag ang tinig) O, Del! … Del! …

MARTA: (Makahulugan) Anak, walang karamdamang hindi malalapatan ng lunas … maging ang mga kanser na ibig mong layuan!

FIDEL: Alam ko ‘yan, Mama.

MARTA: (Magpapatuloy na parang walang narinig) Hindi mawawala ang mga Fausto … ang mga Iskariote … ang mga Benedict Arnold … ang mga Cacique … ang mga Victorina … ang mga naliligaw …

ROSA: (Hindi makatitiis na di sumabad) Hindi ko naman maintindihan ang sinasabi ng Lola!

LIGAYA: Maiintindihan mo rin balang araw, anak.

(Waring mababalani si Fidel sa mga sinasabi ng kanyang ina. Tititigan niya nang may paghanga ang matanda.)

MARTA: (Hahawakan ang palad ni Fidel) Anak, pangarap kong bago ako mamatay ay makita kang isang kawal ng pagbabagong-tatag, at kasama sa pagtitindig ng bagong Pilipinas.

FIDEL: Mama!

MARTA: Hindi ko naman inaasahang maging Rizal ka, o Bonifacio, o Magsaysay; ngunit isipin mong maliit mang kandila’y nakapagbibigay ng liwanag. Anak, nangangapa na ang marami sa lumalaganap na kadiliman!

FIDEL: (Kagyat na ibibilanggo sa mga bisig ang minumutyang ina) Mama! Pambihira kayo! 

MARTA: Sinadya kong kuyumin ang mga damdami’t kaisipang naghahari sa aking katauhan. Ninais kong sa araw ng iyong pagsilang, ngayon nga, ay saka ihayag. Ibig kong maging makabuluhan ang iyong kaarawan.

FIDEL: (Sa halos basag na tinig.) Mama! 

MARTA: Hustong apatnapung taon na ngayon nang makita mo ang unang liwanag. Ngayo’y ibang liwanag ang hangad kong makita mo, anak.

FIDEL: (Masaya) Matalinghaga ang iyong sinasabi, Mama. Ngunit nakukuha ko ang iyong mensahe.

MARTA: Maalaala ko nga pala! Si Ligaya’y may isa pang pang natatanging handog para sa iyo. (Kay Ligaya) Anak, sabihin mo na...

LIGAYA: (Tatabiha’t aakbayan si Fidel) Del, kahapo’y galing ako kay Doktora Samonte …

FIDEL: Bakit sa iba pa? Kulang ka ng tiwala sa a …

LIGAYA: (Mabilis.) Hindi! Nagpasuri ako (Madamdamin.) Del, may … may panibagong buhay … Isa pang magandang katuparan ng ating...

FIDEL: Totoo? (Tatango si Ligaya.) O, mahal ko! (Sabay-yakap sa asawa.) Diyos ko, wala na ‘kong hihilingin pa! Nasa akin na ang lahat!


(Bibitawan ang kabiyak at bubuksan ang munting kahong kinasisidlan ng set ng Sheaffer. Kukunin ang bolpen. Kukuha ng resetaryo at susulatan ito. Pagkatapos ay iaabot kay Ligaya ang sinulatang papel. Pagkabasa sa papel ay saglit na matitigilan si Ligaya. Kasunod nito’y magliliwanag ang kanyang magandang mukha. At, bago siya mabulalas ng hiyaw ay mabilis na mayayakap si Fidel at isusubsob niya ang kanyang mukha sa dibdib nito. Dahan-dahang ilalahad ni Ligaya ang kanyang kamay na may hawak ng resetaryo. Madaling makaunawa, aabutin ni Nora Marta ang papel at babasahin ang isinulat ni Fidel.)

MARTA: (Madalang at malakas) Makapaghihintay ang Amerika!

(Ang tugtuging Ang Bayan kong Pilipinas at ang pagpipinid ng tabing ay panabayang isusunod.)


Maaaring panoorin ang animated video na ito na halaw sa isa sa mga tagpo nang binasang dula: Makapaghihintay ang Amerika - YouTube

No comments:

Post a Comment