Saturday, July 17, 2021

Filipino - Baitang 8: Ang Guryon (Tula)

 Ang Guryon

Ildefonso Santos


    Tanggapin mo, anak, itong munting guryon

Na yari sa patpat at papel de Hapon

Magandang laruang pula, puti, asul.

Na may pangalan mong sa gitna naroon.


    Ang hiling ko lamang bago paliparin,

Ang guryon mong ito ay pakatimbangin;

Ang solo’t paulo’y sukating magaling

Nang hindi mag-ikit o kaya’y magkiling.


    Saka, pag umihip ang hangin, ilabas

Al sa papawiri’y bayaang lumipad;

Datapuwa't ang pisi’y tibayan mo, anak,

At baka lagutin ng hanging malakas.


    Ibigin ma’t hindi, balang-araw, ikaw

Ay mapapabuyong makipagdagitan;

Makipaglaban ka, subalit tandaan

Na ang nagwawagi'y ang pusong marangal.


    At kung ang guryon mo’y sakaling madaig,

Matangay ng iba o kaya’y mapatid;

Kung saka-sakaling di na mapabalik

Maawaing kamay nawa ang magkamit!


    Ang buhay ay guryon: marupok, malikot,

Dagiti't dumagit saan man sumuot...

O, paliparin mo’ ihalik sa Diyos,

Bago pa tuluyang sa lupa’y sumubsob!


Mula sa: Hiyas ng Lahi K-12 Baitang 8, Vibal Publishing

No comments:

Post a Comment