Ang Pag-uwi (The Way Home)
Isinulat at Idinerek ni lee Jeong-Hyang
(Ibinuod sa Filipino ni M.O.Jocson)
South Korea
Ang pelikulang "Ang Pag-uwi" (The Way Home) ay nagkamit ng napakaraming karangalan sa South Korea na katumbas ng prestihiyosong Oscars.
Kuwento ito ng isang lola na nakatira sa malayong lalawigan at apong lalaki na lumaki sa lungsod. Kahanga-hanga ang walang kondisyong pagmamahal na ipinadama ng lola sa kaniyang apo kahit hindi siya pinakitaan ng maganda nito.
Nagsimula ang kuwento nang isang umaga ay sakay sina Sang-woo at ang kaniyang ina papunta sa kaniyang lola na nasa malayong lalawigan. Hindi nagustuhan ni Sang-woo ang mga kasakay na taga-lalawigan at panay ang reklamo sa kaniyang ina tungkol dito.
Isang pipi ang 75 taong gulang na lola si Sang-woo ngunit hindi naman bingi. Dadalhin siya roon ng kaniyang ina pansamantala habang naghahanap ng trabaho sapagkat nabigo ang negosyong sinamahan niya sa Seoul.
Sa wakas, narating nila ang lugar. Tumigil ang bus sa maalikabok at napakalumang baryo.
Walang intesiyon si Sang-woo na magbigay galang sa kaniyang piping lola lalo na't nakikita niya ang napakalumang bahay na tinitirhan ng matanda. Sa pagpunta niya roon, dala-dala niya ang mga laruan at mga pagkaing pawang junk food. Ipinagpaalam ng nanay ni Sang-woo sa kaniyang ina na iiwan muna niya ang kaniyang anak. Sinabi rin na hindi naman daw magtatagal at kukunin din niya si Sang-woo.
Nang makaalis na ang ina ni Sang-woo at dalawa na lang sila ng kaniyang lola, hindi niya pinapansin ang matanda, ni ayaw niyang tingnan ang kaniyang lola at tinatawag pa niyang byungshin na ang ibig sabihin ay hindi wasto ang pag-iisip.
Kinaumagahan, bilang simula ng araw ng lola si Sang-woo, bumaba ang matanda sa burol upang kumuha ng malinis na tubig at nilabhan ang mga damit niya. Iniayos din ng lola ang mga melon na ititinda niya sa palengke.
Isa sa kapitbahay ng lola si Sang-woo ang isang mabait na batang lalaki. Nakikipagkaibigan siya kay Sang-woo ngunit ayaw niya at sa halip ay tinutukso pa ang batang lalaki. May isang batang babae na kapitbahay rin ng kaniyang lola. Nagkakagusto si Sang-woo sa kaniya ngunit mas gusto ng batang babae ang batang lalaki na tagaroon.
Simple lamang ang buhay ng lola ni Sang-woo na kahit ganoon ay mahal siya ng mga kaibigan, ganoon din siya sa mga ito.
Dahil sa laging nilalaro ni Sang-woo ang kaniyang Game Boy, naubusan ito ng mga baterya at humingi siya ng pera sa kaniyang lola para bumili ng bago. Ngunit dahil mahirap lang ang lola niya, wala itong perang maibigay sa kaniya, kaya nagalit siya at sinabing maramot ang kaniyang lola. Itinapon niya ang sapatos ng matanda, binasag ang palayok, at pinagsusulatan ang mga pader ng bahay.
At dahil sa walang mahinging pera sa kaniyang lola, kinuha niya ang pilak at magandang hairpin nito upang ipagpalit ng baterya. naghanap siya ng tindahan na magpapalit nito sa kanyang kailangan. At nang ipinagpapalit na niya ang hairpin, bigla siyang pinalo ng tindero at pinauuwi na, dahil kilala ng nasabing tindero ang hairpin at bukod dito, kaibigan niya ang lola ni Sang-woo.
Isang araw, humingi si Sang-woo ng fried chicken. Ang naintindihan lamang ng kaniyang lola ay "chicken" kaya't agad-agad siyang pumunta sa palengke upang ibenta ang mga melon na inani nang sa gayon ay makabili ng manok. Nakabili naman siya at kahit umuulan inuwing buhay ang manok. Inilaga niya ang manok sa halip na iprito. Paggising ni Sang-woo, nakita niya ang nilagang manok, nagalit at itinapon ito. Nang gumabi na at dahil sa gutom at wala na ring namang ibang makain, napilitan siyang kunin ang nilagang manok sa pagkakatapon at kinain ito.
Kinabukasan, mataas ang lagnat ng lola ni Sang-woo. Nag-alala naman si Sang-woo sa kalagayan ng lola, kinumutan ng makakapal na kumot at ipinakain ang natira niyang manok.
Anumang hirap na nararansan ng matanda lalo na at may osteoporosis siya, isang bagay ang kailangang gawin ni Sang-woo para sa kaniya, ang maglagay ng sinulid sa karayom.
Nang araw na iyon tinahi ng matanda ang kaniyang sapatos. Pagkatapos magtahi, pumunta sa palengke upang itinda ang dalang mga gulay. ibinabahagi ng matanda ang kita sa isang kaibigan at kapag maghihiwalay na sila, sasabihin ng kaibigan, "Balik ka uli bago mamatay ang isa sa atin."
Galit pa rin si Sang-woo at hindi nasisiyahan sa nararanasan niya sa kapaligirang hindi siya sanay, hindi rin niya tinatanggap ang panunuyo ng kaniyang lola. Ngunit dahil sa ipinakikitang pagmamahal ng lola na walang kondisyon, unti-unting naglulubag ang loob ni Sang-woo sa matanda.
Isang araw, gumising nang maaga si Sang-woo at sumama sa kaniyang lola sa pagtitinda sa palengke. Nakita niya kung paano hinihikayat ng kaniyang lola na bumili ang mga tao ng kaniyang panindang gulay. Pagkatapos ng mahabang araw na pagtitinda, dinala niya si Sang-woo sa isang tindahan at binili siya ng noodles at bagong sapatos. Nang sumakay na sila ng bus pauwi, nagpabili si Sang-woo ng choco pie sa kaniyang lola.
Pumunta ang lola sa tindahan ng kaibigan. Binigyan siya ng anim na choco pie ngunit hindi kinuha ang bayad niya, kaya't binigyan na lamang niya ng melon ang kaibigan kapalit ng choco pie. Nang bumalik na sa bus ang lola ni Sang-woo na dala-dala ang ipinabili ng apo, sinabi ni Sang-woo na huwag na siyang sumakay sa bus na iyon, gusto niyang mag-isa lang siyang umuwi sakay ng nasabing sasakyan lalo na't nadoon ang nagugustuhan niyang batang babae. Nakiusap ang lola na dalhin ni Sang-woo ang kanilang mga dala ngunit tumanggi ang apo. Umalis na ang bus na hindi sakay ang kaniyang lola. Hinintay ni Sang-woo ang lola at nagtaka siya bakit napakatagal ng matanda. Saka lamang niya naisip na naglalakad lamang ito mula sa palengke at marami pa siyang dala.
Sa paglipas ng mga araw, uniti-unti nang natutong mahalin ni Sang-woo ang lola. Biglang sumulat ang kaniyang ina na kukunin na siya para umuwi. Nag-aalala si Sang-woo para sa kaniyang Lola dahil kung wala na siya, hindi naman ito makatatawag sa telepono, hindi nagsasalita, hindi rin nakababasa o nakasusulat. Tinuruan niyang sumulat ng dalawang pangungusap ang kaniyang lola: "I miss you" at "I am sick." Hindi na gaanong magawa ng kaniyang lola ang ipinasusulat niya kaya't ibinilin niya na kapag may sakit siya, ipadala ang blangkong papel at agad siyang pupuntahan nito at aalagaan.
Bago umalis si Sang-woo, naglagay siya nang naglagay ng sinulid sa maraming karayom, munting bagay na magagawa niya para sa kaniyang lola upang hindi siya mahirapan at makapagtahi ng dapat tahiin.
Ang naramdaman niyang pagmamahal sa kaniyang lola ay naipakita niya nang paalis na ang bus. Pumunta siya sa likod nito na may salamin kaya't nakita siyang umiiyak habang kumakaway sa kaniyang lola na tanda ng pagpapaalam.
Nagtapos ang kuwento na makikita ang lola ni Sang-woo na balik sa mga dati niyang ginagawa sa kaniyang lumang bahay. Makikita rin sa bahay ang iginuhit na mga larawan ni Sang-woo, ang kaniyang lola na nakangiti at may sakit. Naroon din ang mga postcards na sinulatan niya ng "Imiss you" at "I am sick", upang maipadala ito ng kaniyang lola kung kinakailangan at nang sa gayon, malaman na rin niya ang kalagayan ng mahal na lola.
Hiyas ng Lahi
pahina 251-253