Monday, May 18, 2020

PABULA

Nang Magpulong ang mga Daga 

Dahan-dahang lumabas sa lungga ang isang daga papunta sa kusina. Agad niyang kinuha ang keso na matagal na niyang tinititigan. At iyon na nga ang kaniyang pagkakataon. 

Sa kasamaang palad, bigla niyang narinig ang malakas na, “Meoow! Meoow! Meoow!” Isang malaking pusa ito na nagtatago lamang sa isang sulok. 

Dinakma ng pusa ang daga at galit na sinabing, "Magnanakaw na daga, ito ang bagay sa iyo." 

"Tulungan ninyo ako," paiyak na humihingi ng saklolo ang nasabing daga.
"Kasama ba nating daga ang humihingi ng tulong?" tanong ng isang daga.
"Oo," mabilis namang sagot ng isa pang daga.
Takot at sindak ang naramdaman ng ibang daga sapagkat alam na nila ang mangyayari sa kasama nilang daga sa malupit na pusa.
Sa pangyayaring iyon, nagpulong ang mga daga na nasa itaas ng kisame.
“Iiik! Iiik! Iiik!” Sabay-sabay na pag-iingay ng mga daga. Labis silang nababahala sa maaaring mangyari sa kanila katulad ng nangyari sa kasama nilang daga sa kamay ng malaking pusa.
“Kailangang mag-isip at kumilos tayo upang hindi na makapambiktima ang pusa," ang wika ng isa.
"Totoo iyan, maaaring maubos tayong lahat," sabay-sabay na sagot ng lahat.
"Kailangang makagawa tayo ng paraan upang hindi mangyari iyon." Sang-ayon ang lahat sa tinurang iyon ng dagang nagsalita. Nagkaingay ang lahat, at biglang sumigaw ang lider nila.
"Tumahimik kayo!" ang malakas na pahayag ng lider.
"Kapag ganiyan kayo kaingay, walang mangyayari. Tiyak na hindi tayo
makapag-iisip,” ang turan ng lider. Tumayo ang isa, “E, ano ang ating gagawin?” ang nag-aalala nitong
tanong. Buong pagmamayabang na sinabi ng lider na alam na alam na niya
ang gagawin upang malutas ang kanilang suliranin. Tuwang-tuwa ang mga
daga sa narinig. “Ano na? Dali, sabihin mo na ang gagawin natin," ang nagmamadaling
sabi ng mga daga sa kanilang lider. “Sasabitan natin ng kuliling ang leeg ng pusa, para marinig natin kung dumarating na ito." Tuwang-tuwa ang mga daga sa narinig nila. Palakpakan ang lahat.
“Yeheey! Yeheey! Ang galing mo talaga," ang sigaw ng mga daga.
“Tama ba ang naisip ko?" tanong ng lider ng mga daga.
“E, sino ang magsasabit ng kuliling sa leeg ng pusa?" muling tanong ng lider.
"Siyempre, ikaw dapat, dahil ikaw ang nakaisip nito," ang sabi ng isang
daga sa kanilang lider.
“Oo nga!” sabay-sabay na sagot ng lahat.
“Bakit ako? Hindi maaari! Papatayin ako ng pusa bago ko pa maisabit ang kuliling sa leeg niya," ang mahinang sagot ng lider.
Nalungkot at nainis ang mga daga. Umalis na lamang sila at iniwan ang kanilang lider.
Nasabi ng lider sa kaniyang sarili na, " Hindi dapat asahang gagawin ng iba ang isang bagay na ikaw mismo ay hindi kayang gawin."
Isang leksiyon ang kaniyang natutunan.


No comments:

Post a Comment