Friday, May 22, 2020


ANG MANGGAGAWA
Jose Corazon de Jesus


Bawat palo ng martilyo mong pinapanday,
Alipatong nagtilamsik, alitaptap sa karimlan
Mga apoy ng pawis mong sa bakal kumikinang,
Tandang ikaw ang may gawa nitong buong santinakpan.

Nang tipakin mo ang bato ay natayo ang katedral
Nang pukpukin mo ang tanso ay umugong ang batingaw
Nang lutuin mo ang pilak ang salapi ay lumitaw
Si Puhunan ay gawa mo, kaya ngayo’y nagyayabang.

Kung may ilaw na kumislap ay ilaw ng iyong Tadyang
Kung may gusaling maangat, tandang ikaw ang pumasan
Mula sa duyan ng bata ay kamay mo ang gumalaw
Hanggang hukay ay gawa mo ang kurus na nakalagay.

Kaya ikaw ay marapat dakilain at itanghal,
Pagkat ikaw ang yumari nitong buong kabihasnan,
Bawat patak ng pawis mong yumayari ng dangal
Dinadala mo ang lahi sa luklukan ng tagumpay . . .

Mabuhay ka nang buhay na walang wakas, walang hanggan
At hinto ang pag-ikot nitong mundo pag namatay.

No comments:

Post a Comment