Monday, May 18, 2020


PABULA

Ang Manok at ang Bayawak 


Maaga pa nang pumunta si Aling Martang Manok sa Sapa upang manguha ng usbong ng kangkong. 

Maayos siyang nangunguha ng mga usbong nang biglang lumabas si Bokyong Bayawak, mabilis siyang nakatakbo at laking tuwa niya na nakaligtas siya. Hingal na hingal at putlang-putla pa rin sa takot si Aling Martang Manok nang dumating sa kanilang bahay. 

"Bakit po tila takot na takot kayo?” ang takang-takang tanong ni Sisong Sisiw sa ina. 

"Aba, muntik na akong mapahamak kay Bokyong Bayawak at mabuti na lamang, mabilis akong nakatakbo," ang sagot ni Aling Martang Manok. 

Noon nalaman ni Sisong Sisiw na hindi lamang sina Luciong Lawin at Minong Manunggak ang kinatatakutan ng kaniyang ina, kasama na rin si Bokyong Bayawak. 

Ayon kay Toniong Tandang na kaibigan ni Sisong Sisiw, na siya man ay takot kay Bokyong Bayawak sapagkat siya ang nakapatay sa kaniyang kapatid. 

Isang hapon, muling nagpunta si Aling Martang Manok at ang kaniyang mga anak sa sapa. Malayo sila sa dating pinagkakitaan ni Aling Martang Manok kay Bokyong Bayawak. Habang nag-aagawan ang mga sisiw sa maraming pagkaing kanilang natagpuan, biglang may kumaluskos sa isang puno na katabi lamang ni Aling Martang Manok. Hindi siya pinanghinaan ng loob at hindi tumakbo. Tama siya, si Bokyong Bayawak na naman. 

Buong tapang niyang pinagpupulok sa mukha si Bokyong Bayawak na ikinatakot nito at tuluyang tumakbo papalayo kay Aling Martang Manok. 

Nang makauwi na sila sa bahay, saka nilagnat si Aling Manang Manok. 

Tuwang-tuwa namang ibinalita ni Sisong Sisiw kay Toniong Tandang ang nangyari. Kaya't buong pagmamalaki niyang sinabi na., “Lahat pala ay gagawin ni Ina para sa amin at kahit kapahamakan, kaniyang haharapin." 



No comments:

Post a Comment