Monday, May 18, 2020


PABULA

Ang Kabayo at Ang Kalabaw 



Nais lumipat ng ibang bayan ang isang magsasaka upang doon na manirahan. Maaga pa ay naglakbay na siya dala ang lahat ng kaniyang gamit na pasan ng kaniyang kalabaw at kabayo. 

Pagkalipas ng ilang oras, makikita ang panghihina ng kalabaw dahil mabigat ang pasan niyang mga gamit. 

"Nakikiusap ako sa iyo kung maaari sanang ilagay ang ibang pasan ko sa iyo," pagsusumamo ng kalabaw. 

“Aba, hindi maaari. Kung ano ang inilagay sa atin, kayanin natin," sagot ng kabayo. 

"Sige na naman, maawa ka na, talagang hindi ko na kaya ang mga dala ko. Hinang-hina na ako. Kapag ganito ang nararamdaman ko at matindi ang sikat ng araw, kailangan kong magpalamig sapagkat madaling mag-init ang katawan ko," pagsusumamo muli ng kalabaw. 

“Hindi ko na problema iyon. Bahala ka sa buhay mo," inis na inis na sagot ng kabayo. 

Dahil sa tindi ng init ng araw at mabigat pa ang dala ng kalabaw, lalo siyang nanghina at lumaon ay namatay siya. 

Sa nangyaring iyon, inilipat ng magsasaka ang lahat ng gamit na pasan ni Kalabaw kay Kabayo. At dahil dito, nahirapan nang lumakad si Kabayo sapagkat naging napakabigat na ng mga dala niya. 

Nagsisi si Kabayo at naibulong sa sarili na, “Kung tinulungan ko sana si Kasamang Kalabaw, hindi ganito kabigat ang pasan ko ngayon." 


No comments:

Post a Comment