Monday, May 18, 2020

EPIKO

Epiko ng Maragtas

Kilala ang Maragtas bilang epiko ng mga taga-Panay sa Visayas. Ang nasabing epiko ay tungkol sa sampung magigiting, matatapang, at mararangal na datu ng Borneo na naglakbay mula Borneo patungo sa Panay. 

Pinamunuan ng malupit na sultan, sa katauhan ni Sultan Makatunaw, ang Borneo. Patunay ng kalupitan niya ang pagkamkam sa lahat ng yaman ng kaniyang nasasakupan. Ginawan din niya ng kahalayan ang lahat ng babae, dalaga man o maging may asawa at anak ng mga datu na pinamumunuan niya. 

Isang pangyayari ang nagtulak upang magbalak ang magigiting na datu na lumaban na kay Sultan Makatunaw. Ibig halayin ng malupit na Sultan si Pabulanan na asawa ni Datu Paiborong. Nalaman ito ni Datu Paiborong. Bunga nito, nag-usap-usap nang palihim ang mga datu at naisip nilang humingi ng tulong kay Datu Sumakwel. 

Pinuntahan nina Datu Paiborong at Datu Bangkaya si Datu Sumakwel. Matalino si Datu Sumakwel, sapagkat bukod sa alam niya ang kasaysayan ng maraming bansa, marami pa siyang alam sa paglalayag. Magalang at mabait din siya, kaya nang malaman niya ang pakay ng dalawang datu, hindi siya sumang-ayon sa balak na paglaban kay Sultan Makatunaw. 
Pagkatapos ng pakikipag-usap ni Datu Sumakwel sa dalawang datu, napagpasyahan niyang puntahan si Datu Puti na Punong Ministro ni Sultan Makatunaw. Ipinahayag ni Datu Sumakwel ang mga suliranin ng mga datu at ang balak na paglaban kay Sultan Makatunaw. Bagama’t mapagmahal sa kalayaan ang mga datu, mararangal naman sila kaya’t palihim na aalis na lamang ang sampung datu sa Borneo. Alam nilang hindi nila kayang talunin si Sultan Makatunaw. Marami ang mapapahamak at mamamatay. Hindi ito ibig ni Datu Puti at sa halip, hahanap sila ng bagong lupain kung saan maaaring mabuhay sila nang malaya at maunlad.
Buo na ang balak ng sampung datu na palihim na tatakas sa Borneo. Muling nag-usap nang palihim ang sampung datu. Inayos ang plano ng gagawing pagtakas. Inihanda ang malalaking bangka na kung tawagin ay biniday o barangay na kanilang sasakyan. Naghanda rin ng maraming pagkain na kailangan sa malayong paglalakbay. Magdadala rin ng buto at binhi ng mga halamang kanilang itatanim sa lilipatang lupain. Madalas ang paguusap nina Datu Sumakwel at Datu Puti. Silang dalawa ang itinuturing na pinuno ng mga datung maghahanap ng lupain kung saan sila ay magiging malaya na. Alam ni Datu Sumakwel na napakalaki ng kaniyang pananagutan sa gagawing pagtakas. 
Isang hatinggabi, pumalaot na sa dagat ang sampung datu kasama ang kanilang asawa at mga anak, ang buong pamilya, at maging ang iba pang kasama sa kani-kanilang tahanan. Kabilang sa tumakas ang apat na binatang datu na sina Domingsil, Balensuela, Dumalogdog, at Lubay. Kasama rin ang mga mag-asawang Datu Sumakwel at Kapinangan, Datu Paiborong at Pabulanan, Datu Bangkaya at Katorong (kapatid ni Datu Sumakwel), Datu Domongsol at Kabiling, Datu Padohinog at Ribongsapaw, at Datu Puti at asawang si Pinampangan. 
Tinatawag na Bisya o Bisaya ang mga taga-Borneo. Sanay sa paglalakbay sa karagatan. Sa pagtakas nilang iyon, nangunguna ang binz'day ni Datu Puti kaya’t malakas ang loob nila sapagkat alam nilang bihasa si Datu Puti gayundin si Datu Sumakwel sa paglalayag. Ang dalawang datu ang kanilang pinuno. 
Makaraan ang ilang araw at gabing paglalakbay, narating nila ang pulo ng Panay na ang matandang pangalan nito ay Aninipay. Nakita nang minsan ni Datu Sumakwel ang nasabing pulo paglagpas sa pulo ng Palawan. Alam niyang mga Atz' ang naninirahan dito na namumuhay nang tahimik. Napakayaman din ng pulo ayon sa kaniyang pagkakaalam.
Unang bumaba si Datu Puti. Habang naglalakad, nakita niya ang isang Ati na katutubo sa pulong iyon. Pandak, maitim, kulot ang buhok, at lapad ang ilong. Isa sa kasama ni Datu Puti ang marunong ng wika ng Ati at siya ang kumausap sa nasabing katutubo. Ipinatanong ni Datu Puti kung sino ang pinuno sa pulong iyon at saan siya nakatira. Sinabi rin niya na mga Bisaya sila na galing sa Borneo at ibig nilang makipagkaibigan.
Si Marikudo ang pinuno ng Aninipay. Mabuti siyang pinuno kaya’t masaya, masagana, at tahimik na namumuhay ang mga taong kaniyang nasasakupan. Lahat ay masipag na gumagawa. Kilala sa pagiging matulungin sa kapuwa at tapat kaya't walang magnanakaw. 
Pinaunlakan ni Marikudo ang paanyaya nina Datu Puti. Sa Embidayan na malaking sapad na bato sa baybaydagat magaganap ang pagkikita ng dalawang pinuno. Ipinahayag ni Datu Puti na ibig nilang bilhin ang lupain at doon na manirahan. Nakita naman ni Marikudo na mabait at magalang ang dumating na mga Bisaya kaya’t sinabi niya na tatawag siya ng pulong at pagpapasyahan nila kung tatanggapin ang nais mangyari ng mga datu ng Borneo. 
Muling nagpulong ang mga Ati at mga Bisaya sa Embidayan. Sagana sa pagkain ang nasabing pagpupulong na ipinahanda ni Marikudo. Katabi ni Marikudo ang asawang si Maniwantiwan at naroon din ang mga tauhan niya. Dumating ang sampung datu na sakay sa biniday. Maraming dalang handog ang mga Bisaya para sa mga Ati. Hinandugan ang mga lalaking Ati ng itak, kampit, at insenso. Hinandugan naman ang mga babae ng kuwintas, panyo, at suklay. Tuwang-tuwa ang lahat. Tumugtog naman ang mga Bisaya gamit ang kanilang solibaw, pluta, at tambol habang nagsasayaw ang ilang lalaki ng sinurog na sayaw pandigma. 
Sa muling pag-uusap nina Marikudo at Datu Puti, binigyan ni Datu Puti ng gintong salakot at batya si Marikudo. Samantala, nakita naman ni Maniwantiwan ang suot ni Pinampangan na napakahaba at lantay sa ginto na kuwintas. Pinatigil niya ang bilihan sapagkat ibig niyang magkaroon ng ganoong kuwintas. Agad namang ibinigay ni Pinampangan ang kuwintas kay Maniwantiwan. 
Sa pag-uusup pa rin. tinanong ni Datu Puti kung gaano kalaki ang pulo. Sagot ni Marikudo, na kung sa baybaydagat ng pulo simula sa buwang kiling (Abril o buwang pagtatanim), makababalik siya sa nasabing pook pagdating ng buwan ng bagyo-bagyo (Oktubre o buwan ng pag-aani). 
Pagkatapos ng pag-uusap, ibinigay na sa mga Bisaya ng mga Ati ang lupang kapatagan at maging ang kanilang mga bahay. Lumipat naman ng tirahan ang mga Ati sa bundok. 
Mabilis namang inayos ni Datu Puti ang mga Bisaya. Tumira sina Datu Bangkaya kasama ang asawang si Katorog at anak na si Balinganga, at mga tauhan sa Aklan. Inihatid naman ni Datu Puti sina Datu Paiborong at asawang Pabulanan, mga anak na Ilehay at llohay, mga tauhang makakatulong sa pagtatanim ng mga buto at binhi sa lugar na titirahan nila. Kasama namang maninirahan sa Malandog ni Datu Sumakwel sina Datu Lubay, Datu Domalogdog, Datu Domongsol, at Datu Padohinog. 
Samantala, ang dalawang binatang datu na sina Datu Domingsil at Datu Balensuela ay nakarating sa Luzon sa Look ng Balayan. Ipinasiya nilang sa Taal manirahan kasama ang mga Tagailog. 

Dahil sa pag-aalala ni Datu Puti sa kalagayan ng iba pang mga Bisaya sa Borneo na pinamumunuan pa rin ni Sultan Makatunaw, ipinasiya na niyang bumalik doon kasama ang asawang si Pinampangan. 

No comments:

Post a Comment