Pagislam
Ang Pagbibinyag ng mga Muslim
Sanaysay
Isinalin sa Filipino mula sa Ingles ni Elvira B. Estravo
Naniniwala ang mga muslim na ang isang sanggol ay ipinanganak na walang kasalanan kaya di na kailangang binyagan. Ganoon pa man, mayroon silang seremonya na kahalintulad ng binyag na tinatawag na pagIslam. Pinaniniwalaang ito ay pagbibinyag ng mga Muslim.
Sa katunayan, mayroon silang tatlong uri ng seremonyang panrelihiyon na napapaloob sa pagIslam na ginagawa sa tatlong magkakaibang araw sa buhay ng sanggol.
Ang unang seremonya ay ginagawa ilang oras pagkapanganak. Isang pandita ang babasa ng adzan sa kanan gtainga ng sanggol. Ito'y ginagawa upang dito'y ikintal na siya'y ipinanganak na Muslim at ang unang salitang maririnig ay ang pangalan ni Allah.
Ang pangalawang seremonya ay higit na kilala bilang penggunting o pogubad. Ginagawa ito pitong araw pagkapanganak. Naghahandog ang mga magulang ng kanduli, isang salusalo biang pasasalamat sa pagkakaroon ng anak. Dito'y inaanyayahan ang mga kaibigan, kamag-anakan, at pandita.
Ang paghahanda ay ayon sa antas ng kabuhayan ng mga magulang sa pamayanan. Karaniwang nagpapatay ng hayop, kambing, o baka. Ang hayop na ito'y tinatawag na aqiqa, na ang ibig sabihi'y "paghahandog ng pagmamahal at pasasalamat."
Sa okasyong ito, ang binibinyagan o pinararangalan ay binibigyan ng pangalan ng isang pandita pagkatapos na makaputol ng ilang hibla ng buhok ng sanggol. Inilalagay sa isang mangkok na tubig ang pinutol na buhok. Ayon sa paniniwalang Maguindanao, pag lumutang ang buhok, magiging maginhawa at matagumpay ang tatahaking buhay ng bata ngunit kapag ito'y lumubog, siya'y magdaranas ng paghihikahos at paghihirap. Ang bahaging tio ng seremonya ay di kinikilala ng Islam ngunit dahil bahagi ito ng tradisyon, patuloy pa ring gingagawa ng ilang Maguindanawon. isa pa ring bahagi ng tradisyong kasama ng seremonya ay ang paghahanda ng buaya. Ito ay kakaning korteng buaya na gawa sa kanin, dalawang nilagang itlog ang pinakamata, at laman ng niyog ang gingawang ngipin. Nilalagyan din ang buaya ng manok na niluto sa gatang kinulayan ng dilaw. Inihahanda ito ng isang matandang babaeng tinatawag nilang walian, isang katutubong hilot na may kaalaman sa kaugaliang ito. Ginagawa ito para sa kaligtasan ng bata kung naglalakbay sa tubig. Pinakakain sa mga batang dumalo sa seremonya ang buaya.
Ang ikatlo at huling seremonya ay ang pagIslam. Ginagawa ito kung ang bata ay nasa pagitan ng pito hanggang sampung taong gulang. Tampok na gawain sa seremonyang ito ang pagtutuli. Tinatawag na pagIslam para sa mga batang lalaki at Sunnah para sa mga batang babae. Ginagawa ito upang alisin ang dumi sa kanilang pag-aari. Ang pagIslam ay ginagawa ng isang walian. Ang seremonya ay ginagawa sa araw ng Maulidin Nabi o sa ibang mahalang banal na araw ng mga Muslim.
Hiyas ng Lahi 9
pahina 378-379
No comments:
Post a Comment