PABULA
Ang Leon at ang Lamok
Minsan, nagpapahinga ang isang malaking leon nang bigla na lamang guluhin ito ng isang lamok.
"Umalis ka rito! Huwag mo akong abalahin sa aking pamamahinga!" ang sabi ng leon.
"Sino kang mag-uutos sa akin? Hindi ako tulad ng iba na takot sa iyo! Hindi mo ako kayang saktan!" ang mayabang na sabi ng lamok.
Sa inis, pinaghahampas ng leon ang lamok, subalit hindi niya ito matamaan. Tinangkang pagkakagatin ng leon ang lamok, subalit hindi rin niya ito matiyempuhan.
“Ha! Ha! Ha!” ang tawa ng lamok. “Sabi ko sa'yo! Hindi mo ako kaya! Kaya't hindi ako natatakot sa iyo!" ang patuloy pa nito.
Napahiya ang leon at umalis na lamang. Sa isip niya, hindi niya matanggap na ang isang lamok lamang ang naging katapat niya.
Samantala, patuloy sa pagtawa ang lamok habang lumilipad, kung kaya’t hindi nito napansin ang isang sapot.
Huli na, hindi na nakaiwas ang lamok. Nadikit na ito sa sapot na bahay ng gagamba.
At mula sa dulo ng sapot, lumapit na ang gagamba upang kainin ang lamok.
Nawalan na ng pag-asa ang lamok, at sa isip niya, nagawa niyang pahiyain ang leon na pagkalaki-laki, iyon pala, isang maliit na gagamba lamang ang kakain sa kaniya.
No comments:
Post a Comment