Salawikain 23 (1-35)
1Kung kasalo ka ng isang dakila, alalahanin ang kaharap mo.
2Kung dadalhin mo ang iyong nais, maglalagay ka nga ng patalim sa lalamunan.
3 Huwag magnanasa sa kaniyang masasarap na pagkain pagka’t mapanlinlang ang tinapay niya.
4 Huwag kang magpagal na lubha sa pagpapayaman; ilayo mo sa iyong isip.
5 Sinusulyapan mo pa lamang ang kayamanan ay wala na iyon nagkapakpak na at nakalipad na parang agila.
6 Huwag kang makisalo sa tampalasan; huwag kang maghangad sa kaniyang masarap na pagkain.
7 Pagkat iyon ay tulad ng buhok sa lalamunan. "Kumain ka't uminom!" ang sabi niya sa iyo, ngunit iba ang laman ng kaniyang puso.
8 Iluluwa mo ang iyong kinain, at masasayang ang iyong magagandang sasabihin.
9 Huwag kang makikipag-usap sa hangal, pagkat kukutyain niya ang iyong mga salitang matino!
10 Huwag mong babaguhin ang matatandang hanggahan ni aangkinin ang lupain ng mga ulila,
11 pagkat malakas ang kanilang Tagapagligtas; ipagtatanggol niya ang kanilang kapakanan laban sa iyo.
12 Ihilig mo ang iyong puso sa pangaral at ang iyong pandinig sa mga salita ng karunungan.
13 Huwag pigilin ang pagsaway sa bata; kung mapalo man siya, di siya mamamatay.
14 Kung paluin mo siya, maililigtas mo ang kaniyang buhay sa kamatayan.
15 Anak ko, kung marunong ang iyong puso, nagagalak ang puso k0.
16 Magsasaya ang kaluluwa ko kung bibigkasin ng mga labi mo ang pagkamakatuwiran.
17 Huwag maiinggit sa mga makasalanan, kundi pamalagiin ang takot kay Yahweh sa araw-araw;
18 sapagkat magkakaroon ka ng kinabukasan at ang pag-asa mo ay di mapaparam
19 Makinig ka sana, anak ko, upang maging marunong; ituon mo ang iyong puso sa tuwid na daan.
20 Huwag kang makikisama sa mga manlalasing o masisiba sa pagkain
21 Pagkat magdaralita ang lasenggo at masiba, at magdaramit ng basahan ang pagkalango.
22 Makinig ka sa iyong ama na pinagkakautangan mo ng buhay, at huwag mong hamakin ang iyong ina sa kaniyang katandaan.
23 Magkamit ka ng katotohanan at huwag iyong ipagbili; magkamit ka ng karunungan, disiplina at pang-unawa.
24 Maliligayahan ang ama ng isang matuwid. Masisiyahan ang magulang ng marunong.
25 Magagalak ang iyong ama at ina, magsasaya ang nagluwal sa iyo.
26 Anak ko, ibigay mo sa akin ang iyong puso, at pakinggan ang aking mga daan.
27 Ang babaeng bayaran ay isang hukay na malalim, at makitid na balon ang di-kilalang babae.
28 Nag-aabang siya na parang magnanakaw at marami ang lalaking nalinlang nito.
29 Sino ang may kalungkutan? Sino ang may dalamhati? Sino ang may alitan? Sino ang dumarating?
30 Para sa sugapa sa alak, mga umiinom ng may halong alak:
31 Huwag mong tingnan ang alak: Mapula ito, talaga, at bumubula sa kopa at madaling tunggain!
32 Ngunit sa huli'y nanunuklaw na tulad ng ahas at nangangagat na gaya ng ulupong.
33 Makakakita ang mga mata mo ng mga kakatwang bagay at magsasalita ka nang walang kawawaan.
34 Matutulad ka sa taong natutulog sa barko, nakahiga sa likod ng timon sa gitna ng karagatan.
35 “Hinampas ako,” sasabihin mo, “at hindi ako nasaktan. Pinalo nila ako, ngunit hindi ko naramdaman. Kailan ako babangon? Iinom uli ako.
Mula sa Bibliya ng Sambayanang Pilipino
Hiyas ng Lahi
pahina 9-10
Salawikain 22
1Ang mabuting pangalan ay mahigit kaysa malaking kayamanan; mas mahalaga ang karangalan kaysa pilak at ginto.
3 Nakikita ng matalino ang dumarating na kahihiyan at kaniyang pinagtataguan; nagpapatuloy naman ang mangmang at napaririwara.
6 Ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran; at kung tumanda man, di niya lalayuan.
8 Ang maghahasik ng kabuktutan ay mag-aani ng kapahamakan, mapipinsala siya ng kaniyang sariling karahasan.
9 Pagpalain ang taong maawain yamang hinahatian niya ng pagkain ang dukha.
10 Itaboy mo ang nanlilibak at mawawala ang alitan, magwawakas ang pagaaway at pang-iinsulto.
11 Nagmamahal si Yahweh sa mga malinis na puso; magiging kaibigan ng hari ang nagsasalita ng kabaitan.
12 Ipinagtatanggol ng mga mata ni Yahweh ang kaalaman, at pinabubulaanan ang sinabi ng sinungaling.
15 Likas na sutil ang puso ng bata, ngunit ito’y lulunasan ng tumpak na pagtuturo. _
16 Pag inapi mo ang dukha, pinauunlad mo siya; pag nagbigay ka sa mayaman, nag-aaksaya ka lamang.
Hiyas ng Lahi
pahina 13
No comments:
Post a Comment